Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Ginang sa Nakuhang Yaya Para sa Bagong Silang Niyang Anak; Bandang Huli’y Siya pa ang Magkakautang na Loob Dito

Ayaw ng Ginang sa Nakuhang Yaya Para sa Bagong Silang Niyang Anak; Bandang Huli’y Siya pa ang Magkakautang na Loob Dito

“Lester, dumating na ‘yung yaya na nirekomenda ng nanay mo. Saan ba n’ya ito nakuha? Aba’y bata pa ito. Ano ang alam nito sa pag-aalaga ng bata?” sambit ni Marivic sa mister na kausap niya sa telepono.

“Pamangkin daw ‘yan ng kasambahay nila mama. Nangangailangan kasi ng tulong dahil mahirap ang buhay ng pamilya niya sa probinsya. Mahilig naman daw ‘yan sa bata. Subukan muna natin siya bago mo siya husgahan. Kung wala ka nang sasabihin pa ay kailangan ko nang bumalik sa trabaho,” saad naman ni Lester.

Pinipigilan ni Marivic ang kaniyang inis. Pakiramdam kasi niya ay nanghihimasok na naman sa kanilang buhay ang kaniyang biyenan. Isa ito sa mga dahilan kaya hindi panatag ang kaniyang loob sa bagong kasambahay.

“Ilang taon ka na ba, Agnes? Sigurado ka bang kaya mo ang trabaho bilang isang yaya? Kabuwanan ko na at anumang araw ay p’wede na akong manganak. Kailangan ko ng makakatulong sa akin sa pag-aalaga ng anak ko. Kita mo naman, ngayon pa lang ay hirap na ako talaga. Ayaw kong pinag-iinit ang ulo ko dahil hindi ito maganda sa puso ko,” wika pa ng ginang.

“Labing siyam na taong gulang na po ako. Masasabi ko pong maganda ang karanasan ko sa mga bata, ma’am, dahil ako po ang nag-alaga sa mga kapatid ko simula noong mga sanggol pa sila. Kailangan kasi nina tatay at nanay na bumalik sa pagtatrabaho kaagad kaya sa akin sila naiwan. Huwag po kayong mag-alala at gagawin ko naman ang makakaya ko para alagaan ang magiging anak ninyo,” tugon naman ng dalaga.

Hindi pa rin kampante si Marivic sa sagot ni Agnes. Pakiramdam niya ay isa pa ito sa kaniyang iintindihin.

Bago pormal na magsimula ang dalaga sa kaniyang trabaho ay inilibot muna siya ng amo sa buong bahay. Namamangha siya dahil ngayon lang siya nakapasok sa malaking bahay. Maraming kagamitan doon na ngayon lang niya nakita.

Bukod dito ay binanggit na rin ni Marivic ang mga gagawing trabaho ni Agnes.

“Sa ngayon ay tulungan mo muna akong ayusin ang mga gamit ni baby. Pakilagay mo na ang mga ito sa bag. Siguraduhin mong maayos ang lahat, Agnes! Ayaw kong magsuot ang anak ko ng lukot!” utos ni Marivic.

Kaya naman pinlantsa ni Agnes ang mga damit ng bata. Hindi niya alam na hindi pa pala nalalabhan ang mga ito.

“Ma’am, ayos na po ang lahat ng mga damit. Naplantsa ko na po. Nasa bag na pong lahat. Ano pa po ba ang gagawin?” tanong ng dalaga.

“Pinalantsa mo na agad? Nakita mo namang bago pa ang mga ‘yun! Dapat ay nilabhan mo muna!” nag-init agad ang ulo ng amo.

“P-pasensya na po kayo. Ang sabi n’yo po kasi ay ayusin ko at plantsahin. Hindi ko po alam na kailangan pa pong labhan,” dagdag pa ng dalaga.

Inis na inis si Marivic. Unang araw pa lang ni Agnes ay mali na agad ang ginagawa nito. Naabutan ni Lester ang asawa na galit na galit.

“Ano ba ang nangyayari rito, Marivic? Unang araw pa lang ni Agnes ay ganyan na ang ipinakikita mo sa kaniya,” bungad ng mister.

“Paano naman kasi’y mali agad ang kaniyang ginagawa! Walang alam ang batang ito! Pabalikin mo na lang ito sa pinanggalingan niya!” sagot naman ni Marivic.

“Huwag naman ganyan. Turuan mo siya sa mga kailangan niyang gawin. Bigyan mo siya ng pagkakataon para mag-adjust dito sa atin. Tandaan mo na magkaiba ang buhay rito at sa kinalakihan niya. Bigyan mo pa siya ng pagkakataon. Mukha naman siyang mabait at mapagkakatiwalaan,” muling sambit ni Lester.

“Bahala ka, Lester! Baka sa susunod na pagkakamali niyan ay malagay sa panganib ang anak natin kaya ngayon pa lang habang may pagkakataon pa’y pabalikin mo na siya sa probinsyang pinanggalingan niya. Humanap na lang tayo ng iba!” giit pa ng ginang. Ngunit naging matigas si Lester sa kaniyang desisyon. Naaawa rin siya sa dalaga dahil imbes na nag-aaral ito’y naroon sa kanilang bahay upang magtrabaho.

Ilang araw nga ay tuluyan nang iniluwal ni Marivic ang kanilang unang anak ni Lester. Isang babaeng sanggol ang lumabas. Walang paglagyan ang kaligayahan ng mag-asawa. Talagang babaeng anak kasi ang kanilang hiniling.

“Tandaan mo, Agnes, ako lang ang hahawak ng anak ko. Ang kailangan mo lang gawin ay ang pinag-uutos ko! Paganahin mo ‘yang utak mo dahil ayaw ko ng tatanga-tanga!” sambit ni Marivic.

Kahit na hindi maganda ang trato kay Agnes ng kaniyang amo ay hindi niya makuhang umalis. Inuunawa na lang niya ito dahil may iniinda rin itong karamdaman.

Lumipas na ang dalawang buwan at hindi pa rin nahahawakan ni Agnes ang kaniyang alaga. Mariing ipinagbabawal kasi ito ng babaeng amo. Isang araw, iyak nang iyak ang sanggol ngunit wala si Marivic. Nasa hardin ito at may kausap sa telepono.

Dahil awang-awa na si Agnes sa sanggol ay binuhat niya ito at pinainom ng gatas sa bote.

Ilang saglit pa ay nakita ito ni Marivic.

“Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na huwag mong hahawakan ang anak ko? Akin na nga siya!” galit na wika ng ginang.

“Pasensya na po, ma’am, pero patuloy po kasi sa pag-iyak si baby. Abala po kasi kayo kanina kaya minabuti ko na lang pong buhatin siya. Napansin ko rin po na parang mainit siya, ma’am, at medyo naninilaw ang kaniyang mata at balat,” sambit ni Agnes.

“Wala ka talagang alam sa mga sanggol, ‘no? Talagang mainit ang katawan ng mga sanggol! At ganyan talaga ang kulay ng mga bagong panganak kaya nga kailangang paarawan. Umalis ka na nga rito at huwag ka nang makialam sa amin ng anak ko. Tatawagin kita kapag may iuutos ako!” iritableng taboy ni Marivic.

Kinagabihan ay sinumbong ni Marivic sa kaniyang asawa ang nangyari.

“Mantakin mo ba namang magmarunong! Madilaw raw ang balat ni baby saka mainit siya! Lester, sumasakit na ang ulo ko sa batang iyan! Pauwiin na kasi natin sa probinsya. Kaya naman nating kumuha siguro ng personal nurse. Huwag na siya! Parang awa mo na!” dagdag pa ng ginang.

“Sinabi niyang madilaw ang anak natin? Alam mo napapansin ko rin ‘yan kay baby. Para makasigurado siguro tayo’y kailangan natin siyang dalhin sa doktor. Ipasuri natin siya,” wika ng ginoo.

“Huwag mong sabihing naniniwala ka rin sa babaeng iyon? Hindi totoo ang sinasabi niya, Lester!”

Pero kahit na tumututol si Marivic ay natuloy pa rin ang pagpapasuri sa doktor ng sanggol.

Matapos ang ilang lab tests ay dumating na ang malungkot na balita.

“May sakit sa atay ang anak ninyo. Kailangan siyang maoperahan agad hanggang maaga pa. Kung patatagalin pa natin ay baka lalong lumala ang kaniyang kondisyon,” saad ng doktor.

“Hindi maaari! Hindi ‘yan p’wedeng mangyari! Malusog ang anak ko! Maayos ko siyang ipinagbuntis kaya walang mali sa kaniya,” bulyaw ni Marivic na hindi matanggap ang mga pangyayari.

Kumuha ng pangalawang opinyon ang mag-asawa sa ibang doktor sa ibang ospital ngunit pareho lang din ang kanilang konklusyon.

Dahil dito ay agad na nagplano ang mag-asawa ng isang transplant, ngunit hindi maaaring magdonate ng atay si Marivic dahil sa kaniyang kondisyon. Pati si Lester ay hindi rin match sa kaniyang anak. Lumapit sila sa ilang kamag-anak ngunit walang gustong mag-donate. Lahat ay takot dahil sa mga maaaring komplikasyon na idulot nito.

Malapit nang sumuko ang mag-asawa. Nawawalan na kasi sila ng pag-asa na gagaling pa ang kanilang anak lalo pa at hindi ito maoperahan.

Hanggang magboluntaryo si Agnes.

“Ipasuri n’yo po ako. Maayos po ang aking pangangatawan. Wala po akong sakit na iniinda dahil puro masusustansyang pagkain lang ang kinakain namin sa probinsya. Ako na po ang nagmamakaawa sa inyo. Nais ko pong iligtas si baby. Handa po akong maging donor,” wika ni Agnes.

Dahil wala nang pagpipilian pa ay pinasuri nila kung maaaring mag-donate ng atay itong si Agnes. Labis na natuwa ang mag-asawa nang malamang isa itong “match”.

“Sa wakas ay maooperahan na si baby, Lester, sana ay maging maayos ang kaniyang kalagayan! Nawa’y madugtungan pa ang buhay ng anak natin!” pagtangis ni Marivic.

Agad na isinagawa ang operasyon. Ilang oras din ang inabot ngunit sa huli’y naging matagumpay naman ito. Dalawang linggo ring nanatili sa ospital ang baby pati na rin si Agnes. Kalauna’y bumuti na rin ang kanilang mga lagay at maaari na silang umuwi.

Labis ang pasasalamat ni Marivic kay Agnes sa pagligtas nito sa buhay ng anak. Hindi niya akalain na sa kabila ng maling pagtrato niya rito’y kabutihan pa rin ang igaganti nito sa kanila.

“Patawarin mo ako sa lahat ng mga kasalanan ko sa iyo, Agnes. Hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang kabutihang ginawa mo. Utang ko sa iyo ang buhay ng anak ko. Maraming salamat!” sambit ni Marivic.

“Ginawa ko lang naman po kung ano ang tama. Napamahal na rin po kasi sa akin si baby kahit na isang beses ko pa lang siyang nakakarga. Unang kita ko pang po sa kaniya’y ipinangako ko na sa aking sarili na mamahalin at aalagaan ko siya tulad ng mga kapatid ko,” sagot naman ni Agnes.

Mula noon ay labis nang ipinagkakatiwala ni Marivic kay Agnes ang sanggol. Panatag na siya dahil alam niyang nasa mabuting kamay ang kaniyang anak.

Bilang ganti naman sa kabutihan ni Agnes ay pinag-aral ito ng mag-asawa hanggang makatapos ng kolehiyo. Tinulungan din nila ang pamilya nito na magkaroon ng kabuhayan sa probinsya.

Para kina Lester at Marivic ay hindi matatawaran ang ginawang kabutihan ng kasambahay. Itinuturing nila itong hulog ng langit sa kanilang mga buhay.

Advertisement