Inday TrendingInday Trending
Kinamkam ng Sakim na Kapatid ang Bahay na Tinitirhan ng Kaniyang Pamilya; Darating ang Araw na Babaligtad ang Lahat

Kinamkam ng Sakim na Kapatid ang Bahay na Tinitirhan ng Kaniyang Pamilya; Darating ang Araw na Babaligtad ang Lahat

“Philip, ano nang gagawin natin? Nagpadala na naman ng sulat ang bangko. Anumang araw ay maaari na nilang iremata ang bahay natin. Saan na lang tayo pupulitin ng mga anak natin? Kawawa naman sila!” pagtangis ni Glenda sa kaniyang mister.

“Hindi ko na rin alam ang gagawin ko, Glenda. Tuluyan ko na ring isasara ang negosyo dahil hindi ko na mapipigilan ang paglubog nito. Patawarin n’yo ako ng mga anak natin kung binigo ko kayo. Siguro ay tatanggapin ko na lang ang alok ng kapatid ko na sa kaniya natin isanla ang bahay at lupa na ito. Sa tingin ko naman ay hindi niya tayo paaalisin dito,” sambit naman ng ginoo.

“Alam mo kung gaano kagusto ni Minerva itong bahay at lupa natin. Wala akong tiwala sa kaniya, Philip! Kahit kanino basta huwag lang sa kapatid mo,” giit ng misis.

“Wala na akong malalapitan pa, Glenda. Kung hindi ko siya hihingan ng tulong ay pupulutin tayo sa kalsada,” sambit naman ni Philip.

Ang hindi alam ng mag-asawa ay lihim na nakikinig ang panganay na anak nilang si Patricia. Hindi maiwasan ng bata ang maiyak. Bukas kasi ang mga mata nito sa hirap na dinaranas ng kaniyang mga magulang. Saksi rin siya kung paano ginapang ng kaniyang mga magulang na makamit ang bahay na iyon para sa kanilang mag-anak.

Dahil wala nang pagpipilian pa si Philip ay hiningi na niya ang tulong ng kaniyang kapatid. Agad naman itong pumayag kaya masaya niya itong ibinalita sa asawa.

“Sabi sa akin ni Minerva ay hindi naman natin kailangang umalis dito sa bahay. Siya na raw ang bahala sa lahat. Siya na ang mag-aasikaso sa bangko. Huwag ka nang mag-alala pa at ayos na ang lahat, Glenda,” saad ni Philip sa kaniyang asawa.

Ang buong akala ng mag-anak ay tapos na ang kanilang suliranin.

Kinabukasan ay dumating si Minerva at nanghihingi ng kabayaran para sa kanilang pananatili sa bahay.

“Hindi ba’t akin na ang bahay na ito? Kailangan n’yong mangupahan kung gusto n’yong manatili sa pamamahay ko! Kung hindi kayo makakapagbigay ng paunang bayad ay magbalot-balot na kayo!” sambit ng walang pusong kapatid.

“Sandali lang, Minerva, hindi ito ang pinag-usapan natin! Ang sabi mo sa aki’y p’wede kaming manatili rito. Saka hindi ko naman binenta sa iyo ang bahay na ito. Sa akin pa rin ito nakapangalan kaya wala kang karapatan na angkinin ito,” sambit naman ni Philip.

“Kung gayon ay kukunin ko na lang sa bangko ang binayad kong pera at hahayaan ko na lang maremata itong bahay. Wala rin naman kayong ibabayad sa akin kaya sa madaling sabi’y akin na ang bahay na ito! Sa susunod na buwan ay magbayad kayo ng renta. Hayan at binigyan ko na kayo ng palugit, baka sabihin n’yo pa sa akin ay wala akong puso!” sambit muli ni Minerva sabay talikod sa mag-asawa.

“Sinabi ko na sa iyo, Philip, na wala akong tiwala riyan sa kapatid mo. Paano na tayo niyan ngayon? Malaki pa naman ang hinihingi niyang pera! Hindi natin p’wedeng ikompromiso ang pag-aaral ng mga bata!” nag-aalalang wika muli ni Glenda.

Nagpupuyos ang damdamin ni Philip dahil sa kasamaan ng kapatid, ngunit wala siyang magawa dahil kaunti na lang ang perang mayroon siya. Tutol din naman siyang paghintuin ng pag-aaral ang kaniyang mga anak.

Isang buwan ang lumipas at hindi pa rin nakakabayad ng renta sa sariling bahay ang mag-anak. Galit na galit si Minerva na pinalayas ang mga ito.

“Ako na ang may-ari ng bahay na ito kaya naman lumayas na kayo! Pumirma ka sa kontrata, kuya! Isang buwan lang ang binigay kong palugit!” bulyaw ng ginang.

“Ang sabi mo’y renta lang ang hinihingi mo! Wala kang kasing sama, Minerva! Manloloko ka! Kapatid pa man din kita!” galit na galit si Philip.

“Wala akong pakialam sa galit mo, kuya! Samsamin mo na ang mag-anak mo at umalis na kayo rito bago pa ako magpatawag ng pulis!” dagdag pa ni Minerva.

Ayaw ni Philip na ma-trauma ang kaniyang mga anak nang dahil lang sa kaguluhang iyon, kaya naman mapayapa nilang nilisan ang bahay.

“Papa, mama, ayos lang po sa aming magkakapatid kahit saan tayo tumira. Kahit maliit na bahay lang po basta sama-sama tayo,” saad ng batang si Patricia.

“Patawad, anak. Marami pa naman tayong alaala sa bahay na ito. Patawad at malaking kabiguan ang papa mo!” hindi na naiwasan ni Philip ang maluha.

“Papa, pangako ko po sa inyo na paglaki ko ay bibilhin kong muli ang bahay na ito para sa inyo ni mama. Gagawin ko po ang lahat para matupad ko ‘yan!”

Niyakap na lang ni Philip ang kaniyang panganay na anak.

Napilitang magrenta ng maliit na bahay ang mag-anak. Pumasok bilang drayber ng pampasaherong dyip itong si Philip para makaraos ang kanilang pamilya.

Isang araw, habang nakasakay si Patricia sa minamanehong dyip ng kaniyang ama ay nadaanan nila ang kanilang dating bahay. Kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata ng kaniyang ama.

Hindi niya alam kung anong sumagi sa kaniyang isipan at pinuntahan niya ang tiyahing si Minerva at matapang niya itong kinompronta.

“Tiya, ibalik n’yo na po sa mama at papa ko ang bahay namin! May sarili naman po kayong bahay, ‘di ba? Kapatid niyo po ang papa ko. Bakit gusto niyo pong makita siyang naghihirap?” sambit ni Patricia.

“Dahil sa pamilya namin ay siya lagi ang magaling! Dapat ay maranasan niya rin na malugmok para malaman nilang hindi sa lahat ng pagkakataon ay magaling ‘yang ama mo! Umuwi ka na! Sa akin na ang bahay na ito!” bulyaw ng tiyahin.

“Tandaan mo, Tiya Minerva, isang araw ay babawiin kong muli ang bahay na ito at ibabalik ko ito sa papa at mama ko!”

“Sa tingin mo talaga’y mangyayari ‘yan? Hindi na kayo makakaahon sa hirap! Masanay ka na sa masikip na bahay dahil doon kayo nababagay! Umuwi ka na! Alis!” sigaw muli ni Minerva.

Dahil dito ay kinausap ni Patricia ang kaniyang mga kapatid. Kahit na mura pa ang kanilang mga isipan ay pare-pareho ang kanilang pangarap na mabawi ang kanilang bahay.

Pilit na nagsumikap ang magkakapatid lalo na si Patricia. Sinikap niyang makapasok sa isang kilalang unibersidad at nakapagtapos siya nang may karangalan. Ganoon din naman ang kaniyang mga kapatid.

Isang araw ay nabalitaan nilang lumubog na raw ang negosyo nitong si Minerva. Ang isang anak pa nito’y nalulong sa masamang bisyo kaya lalo silang nawalan ng pera. Dito na napag-alaman ng magkakapatid na nakasanla na sa bangko ang mga ari-arian nito.

Isang araw ay dinala ng magkakapatid sina Philip at Glenda sa tapat ng dati nilang bahay.

“Ano ba ang ginagawa natin dito? Umuwi na tayo at baka makita na naman tayo ni Minerva. Ipagtulakan na naman tayo palayo. Ayaw ko ng eskandalo, mga anak,” saad ni Philip.

Sandali pa ay nariyan na si Minerva at pinapalayas nga ang mag-anak.

“Umalis kayo sa pamamahay ko! Wala kayong karapatan dito! Layas!” sigaw ni Minerva.

“Nagkakamali po kayo, tiya. Kayo na po ang kailangang umalis sa bahay na iyan dahil nabili na po naming muli iyan sa bangko. Kami na muli ang may-ari ng bahay na ito. Hindi po ba’t sinabi ko sa inyo noon na babawiin ko itong bahay na ito? Ngayon na po ang araw na iyon!” saad ni Patricia.

Hindi naman makapaniwala ang mag-asawang Philip at Glenda sa ginawa ng kanilang mga anak.

“Tama po ang narinig ninyo, papa at mama. Uuwi na po tayo sa bahay natin. Sa atin na pong muli ang bahay na ito,” saad pa ng dalaga.

“Sa tagal ng panahon ay tinupad mo ang pangako mo, anak. Hindi kami makapaniwala ng mama niyo. Maraming salamat sa inyo! Makakauwi na nga tayo!” umiiyak na wika ni Philip.

Tuluyan nang napalayas sa bahay na iyon si Minerva. Ang huling balita nila’y nagrerenta na lang ito sa isang maliit na bahay dahil wala na itong pera. Wala ring nais na tumulong dito dahil noong may pera pa ito’y labis itong mangmaliit at mang-api ng mga tao.

Sadyang naging mapait man noon ang tadhana sa mag-anak ni Philip at Glenda, ngayon ay naging matamis naman ang tagumpay na ito para sa kaniyang mga anak dahil lahat sila’y may magaganda nang buhay.

Advertisement