Inday TrendingInday Trending
Masama ang Kutob ng Ginoo sa Biglaang Pananatili ng Kaniyang Biyenan sa Kanilang Tahanan; Hindi Niya Akalain ang Binabalak Nito

Masama ang Kutob ng Ginoo sa Biglaang Pananatili ng Kaniyang Biyenan sa Kanilang Tahanan; Hindi Niya Akalain ang Binabalak Nito

Buong araw na masama ang pakiramdam ni Anthony noong nakaraang araw, kaya naman magtatanghali na nang maalimpungatan siya. Lumabas siya ng silid at laking gulat niya nang datnan ang asawa na nakikipagtalo sa ina nito.

Ngayon lang makakaharap nang personal ni Anthony ang kaniyang biyenan. Simula kasi nang makilala niya si Sheryl ay wala na itong ugnayan pa sa mga magulang nito. Ang kwento sa kaniya ng asawa’y dahil masama raw ang ugali ng ina nito. Ipinagpipilitan daw kasi ng ginang ang pagpapakasal nito sa isang matandang mayamang mag-aahon sa kanila sa hirap.

“Hindi ka nga p’wede rito! Kahit kailan ay hindi ko matatanggap na tumira tayo sa iisang bubong!” bulyaw ni Sheryl.

“Matagal na panahon kitang hinanap, anak. Limang taon kang nawalay sa akin. Ngayon ay pinagtatabuyan mo pa ako? Nais lang naman kitang makasama,” dagdag pa ng inang si Lita.

“Wala kang lugar sa pamamahay ko. Umalis ka na! Hindi magugustuhan ng asawa ko na manatili ka rito!” giit muli ni Sheryl.

Agad na umawat si Anthony sa dalawa.

“K-kayo po ba ang nanay ni Sheryl? A-ano po ba talaga ang kailangan ninyo at naparito kayo?” magalang na tanong ng ginoo.

“Gusto ko lang namang makasama itong anak ko. Matagal na panahon na rin nang huli kaming magkita. Hindi ko nga maunawaan kung bakit bigla na lang niyang pinutol ang ugnayan niya sa amin ng tatay niya. Ni hindi man lang siya nakapunta sa libing ng kaniyang ama. Ayaw ko namang sumakabilang buhay na may sama kami ng loob sa isa’t isa. Gusto ko lang na ayusin ang aming relasyon. Bigyan ng pagkakataong muli ang pagiging mag-ina namin. Sana naman ay pahintulutan niya. Iyon lang naman ang hinihiling ko,” dagdag pa ng babae.

Kahit na nagmamakaawa ang matanda ay ayaw itong patuluyin ni Sheryl sa kanilang bahay. Nahabag naman si Anthony kaya kinausap niya nang masinsinan ang asawa sa kanilang silid.

“Ilang taon na rin ang nakalipas, mahal. Nag-iisa na sa buhay ang nanay mo. Matanda na rin siya. Hindi ba’t panahon na para magkapatawaran kayo? Bigyan mo siya ng isa pang pagkakataon,” sambit ng mister.

“Alam mo kung paano ako tintrato ng babaeng iyan. Hinayaan niya lang ako at handa siyang ipamigay ako para lang sa sariling kapakanan niya! Paano ko matatawag na ina ang babaeng iyon?!” inis ni Sheryl.

“Kailangan mo nang pakawalan ang galit mong iyan, Sheryl. Subukan mong magkaayos kayo. Baka sa pagkakataong ito’y totoo na ang sinasabi ng nanay mo na nais na niyang makipag-ayos. Patawarin mo na siya. Gawin mo na rin ito para sa akin,” saad pa ni Anthony.

“Ikaw ang bahala, Anthony! Pero sinasabi ko sa iyo na hindi na magbabago ang babaeng iyan!” dagdag pa ng ginang.

Kahit na tutol si Sheryl ay wala na siyang nagawa pa sa desisyon ng asawa.

“Nakausap ko na po si Sheryl. Bukas na po ang loob niyang magsimula kayong muli. Sana naman po’y sa pagkakataong ito ay magkaayos na kayo. Kung ano man po ang naging hidwaan ninyo sa nakaraan ay sana’y kalimutan n’yo na,” dagdag pa ng ginoo.

Naging maayos naman ang mga unang araw ng pananatili ni Lita sa bahay ng mag-asawa. Kahit na madalas makita ni Anthony si Sheryl na umiiwas sa ina’y para sa kaniya ay magandang simula na ito.

Isang araw, pagkagaling sa trabaho ng ginoo ay naabutan niyang tila muling nagtatalo ang dalawa. Nang mapansin siya ng mag-ina’y tumigil ito.

“B-bakit ang aga ng uwi mo, mahal? May hindi ba magandang nangyari sa opisina?” tanong agad ng misis.

“Hindi lang maganda ang pakiramdam ko. Parang nahihilo kasi ako kaya umuwi na ako. Kumusta kayong dalawa rito? May hindi ba magandang nangyari? Huwag n’yong sabihing nagtatalo na naman kayo?” saad naman ni Anthony.

“H-hindi, may sinasabi lang ako rito kay nanay. Sige, umakyat ka na sa kwarto mo at magpahinga. Gagawan kita ng tsaa,” sagot naman ni Sheryl.

Ilang sandali pa ay inihatid na ni Sheryl ang tsaa sa kaniyang asawa na kasalukuyang nasa silid.

“Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin kayo nagkakasundo ng nanay mo? Halatang nagtatalo kayo kanina nang dumating ako,” wika ng mister.

“Sinabi ko naman kasi sa iyo na hindi maganda ang ideyang patuluyin sa pamamahay na ito ang nanay ko. Iginigiit na naman niya sa akin ang mga gusto niya! Kung anu-ano na naman ang sinasabi at ang nakakainis pa ay humihingi pa sa akin ng pera. Hindi pa sapat na dito siya nakatira sa’tin at wala siyang ginagastos! Alam mo, mahal, nahihiya na talaga ako sa iyo. Hindi mo kasi alam ang tunay na ugali ng nanay ko kaya kung ako sa iyo’y paalisin mo na siya!” sambit ng misis.

Nanatili pa rin sa bahay na iyon si Lita sa kabila ng mga isinusumbong ni Sheryl sa kaniyang asawa. Nananatili pa rin kasi kay Anthony ang pag-asang magkakaayos ang dalawa.

Isang araw, habang nagpapahinga si Anthony sa silid ay muling nagsumbong sa kaniya si Sheryl.

“Hindi ko na talaga makakaya pang manatili dito si nanay. Nakakatakot na siya, Anthony. Kung anu-ano ang sinasabi niya tungkol sa akin. Ang sabi niya’y maghihiwalay rin tayo at matutupad din ang kaniyang gusto. Parang nasisiraan na siya ng bait. Aalis na muna ako, Anthony! Hindi ko na kayang makasama ang nanay ko!” wika ni Sheryl.

Sandaling natahimik si Anthony. Sa pagkakataong ito’y nag-isip siya nang mabuti.

Nang makaalis ang asawa’y nakita niya si Lita na nagluluto sa kusina. Nang mga nakaraang araw ay napapadalas ang pagluluto ng kaniyang biyenan. Madalas nitong inuulit ang niluluto ng kaniyang misis para sa kaniya. Ang buong akala ni Anthony noon ay nakikipagkompetisyon lang ito sa kaniyang misis, ngunit ngayon ay matindi na ang kaniyang kutob. Sadyang may ginagawa ngang masama ang kaniyang biyenan laban sa kanilang mag-asawa.

Tinawagan ni Anthony ang kaniyang asawa at agad na pinauwi. Pagdating sa bahay ni Sheryl ay nagulat siyang kasunod na niya ang mga pulis.

“Napagtanto ko na ang lahat, mahal. Tiyak akong ang nanay mo nga ang dahilan kung bakit masama ang pakiramdam ko. Kaya naman tumawag ako ng pulis upang ipahuli siya,” saad ni Anthony.

“P-paano mo naman nasabi ang ganyang bagay, Anthony?” kinakabahang wika naman ni Sheryl.

“Napansin ko kasi na simula nang dumating ang nanay mo rito sa bahay ay madalas nang sumama ang pakiramdam mo. Parang lagi akong nanghihina. Madalas ko pa namang makita ang nanay mo na nagluluto tuwing wala ka. Katulad kahapon, ‘di ba’t umalis ka? Alam kong nagluto ka na ng pagkain pero nagluto siyang muli. Kung ano ang niluto mo ay iyon din ang niluto niya. Tapos kanina, pag-alis mo ay muli siyang nagluto ng parehong putahe na niluto mo para sa akin. Madalas niya iyang gawin sa tuwing umaalis ka ng bahay at ako lang ang naiiwan dito. Kaya sa tingin ko’y may kinalaman siya sa nangyayari sa akin,” saad muli ni Anthony.

“Inuulit niya ang mga niluluto ko?” saad naman ni Sheryl.

“Ako na ang bahala sa nanay mo, mahal. Pasensya ka na at kasalanan ko ang lahat ng ito. Ako ang dahilan kung bakit narito siya. Kung nakinig lang sana ako sa iyo’y hindi na sana umabot pa sa ganito ang lahat.”

Tuluyan nang ipinadampot ni Anthony si Lita. Wala namang kamalay-malay ang matanda sa nangyayari habang nagluluto sa kusina. Laking gulat niya nang pilit siyang pinoposasan ng mga pulis.

“A-anong ibig sabihin nito? Bakit n’yo ako hinuhuli?” pagpiglas ng biyenan.

“Alam ko na ang lahat ng binabalak mo! Nilalason mo ako nang sa gayon ay tuluyan na akong mawala para maging malaya ka nang ipakasal ang anak mo sa mas mayaman sa akin! Wala kang kasing sama! Dapat ay hindi na lang kita pinatuloy sa bahay ko!” galit na wika ni Anthony.

“Sandali, hayaan n’yo akong magpaliwanag! Wala akong intensyong lasunin ka! Nagsasabi ako ng totoo. Kung gusto mo’y suriin mo pa ang mga pagkaing niluto ko!” wika naman ni Lita.

Kinuha ng mga pulis ang niluto ni Lita. Maging ang luto ni Sheryl ay kinuha rin bilang ebidensya.

“Sheryl, aminin mo na sa asawa mo ang totoo! Aminin mo na sa aming lahat, anak! Tigilan mo na ito!” wika ni Lita.

Labis na nagulumihanan si Anthony.

“A-anong kailangan mong aminin, mahal? May tinatago ka ba sa akin?” sambit ng ginoo.

“Wala akong alam sa sinasabi niyang matandang ‘yan! Nais lang niyang sirain ang relasyon natin. Hindi kasi siya masaya na masaya ako sa piling mo!” sagot naman ni Sheryl.

“Talaga bang masaya ka sa piling ni Anthony, anak? Bakit hindi mo sabihin sa kaniya kung saan ka nagpupunta sa tuwing umaalis ka? Aminin mo na ang lahat kung hindi ay ako ang magsasabi sa kaniya!” sabat muli ni Lita.

Nais sana ni Sheryl na magsinungaling ngunit hindi na siya makapagsalita pa. Sa pagkakataong iyon ay alam niyang wala na siyang kawala pa.

“Anthony, kaya ako narito ay nais kitang iligtas mula sa aking anak. Nabalitaan ko kasi na matagal ka na niyang niloloko. Nobyo pa rin niya ang lalaking dahilan kung bakit umalis siya ng bahay namin. Hindi kami payag ng tatay niya na makipagrelasyon siya kay Roberto dahil ad*k ‘yun at sumasama sa mga sindikato. Napag-alaman kong may binabalak silang dalawa laban sa iyo. Nang malaman kong palaging masama ang pakiramdam mo’y inisip kong nilalason ka ni Sheryl. Iyon ang dahilan kung bakit ko laging inuulit ang mga niluluto niya sa tuwing umaalis siya. Alam kong may lason ang mga pagkaing hinahain niya sa iyo! Gusto niyang mawala ka sa landas nila ni Roberto dahil ito ang pinakamadaling paraan para muli silang magsama!” pahayag ni Lita.

Hindi alam ni Anthony ang kaniyang sasabihin dahil sa pagsiwalat ng biyenan ng katotohanan. Buong akala niya’y ito ang may nais gawin na masama sa kaniya. Laking gulat niya na ang mismong asawa pala ang lumalason sa kaniya.

Pilit na pinabulaanan ni Sheryl ang lahat ngunit hindi na siya makapagsisinungaling pa dahil inilabas na ng mga pulis ang resulta. Walang lason ang pagkaing niluto ng kaniyang inang si Lita. Samantalang, ang luto niya’y nakitaan ng lason.

“Hindi ko akalain na magagawa mo sa akin ang ganitong bagay, Sheryl! Minahal kita at pinagkatiwalaan. Kaya pala masama ang lahat ng sinasabi mo tungkol sa nanay mo dahil malaking balakid siya sa iyong plano. Mabulok ka ngayon sa bilangguan! Ayaw ko nang makita ni anino mo kahit kailan!” galit na sambit ni Anthony sa dating asawa.

Tuluyan nang nakulong si Sheryl dahil sa tangkang pagwakas sa buhay ng asawa.

Nanghingi naman ng tawad si Anthony kay Lita dahil sa maling akala. Labis kasing nalason ni Sheryl ang utak niya kaya napag-isipan niya ito ng masama. Gayunpaman, lubos ang kaniyang pasasalamat dito sapagkat kung hindi dahil dito’y tuluyan nang nagtagumpay si Sheryl sa maitim nitong plano sa kaniya.

Advertisement