Nakipaghiwalay sa Kaniya ang Asawa Dahil sa Sulsol ng Ina Nito; Nararapat lang ba na Tanggapin Niya Itong Muli Makalipas ang Tatlong Taong Walang Paramdam?
Masayang pinagmamasdan nina Kian at Paula ang kanilang anak na si Nick habang masayang nakikipaglaro sa mga bata sa parke. Kaninang galing sila sa mall ay hindi matawaran ang ngiti ng anak nang sa wakas ay pareho nila itong nasamahan. Madalas kasi’y kung hindi si Nick ang kasama nito’y siya lang, ngayon lamang nangyaring pareho silang kasama ng anak.
“Salamat ah,” nakangiti niyang nilingon si Kian. “Salamat kasi kahit hiwalay na tayo’y nariyan ka pa rin para kay Nick.”
Mataman siyang tinitigan ni Kian at matamis na ngumiti. “Ako nga ang dapat na magpasalamat sa’yo, kasi kahit hiwalay na tayo, hindi ko kailanman naramdaman na ipinagdamot mo sa’kin si Nick, kaya maraming-maraming salamat,” ani Kian.
Tanging matamis na ngiti lamang ang isinagot ni Paula sa dating asawa. Tatlong taon noon si Nick nang magdesisyon silang dalawa na tapusin na ang kanilang relasyon. Mabigat na dahilan ang naging dahilan kaya kinailangan ni Paula na pakawalan ang dating asawa. Mabait si Kian, ngunit sa mga panahong iyon ay hindi pa nito kayang manindigan para sa sarili. Naging sunod-sunuran ito sa sariling ina, na wala nang ginawa kung ‘di ang gumawa ng dahilan upang maghiwalay sila.
Nasa abroad noon si Kian, at nasa poder naman s’ya ng mga manugang. Pinagtakhan niya ang biglaang hindi na nito pangungumusta sa kanila ng kaniyang anak, at nagulat din siya dahil hindi na sa kaniya dumidiretso ang padala nito kung ‘di sa nanay na nito, tanging diaper at gatas sa bata lang ang ibinibigay ng ina nito at limang daang piso na kailangan niyang pagkasyahin sa isang buwan. Kahit pakiramdam niya’y walang hustisya ang ginagawa ng ina nito’y nagtiis siya dahil ayaw niyang umuwi sa kanila at baka mas maging pabigat lamang sila ng kaniyang anak doon.
Dumating ang araw na hindi na niya natiis ang pangongontrol ng ina nito kaya tinawagan niya si Kian at nagtanong kung ano ang naging problema. Doon niya nalaman ang lahat ng kasinungalingang itinanim nito sa isip ng asawa. Ura-urada ay nagpaalam siya sa asawang uuwi sa kanila, dahil wala namang dahilan para manatili pa siya sa poder ng pamilya nito na wala naman palang ginawa kung ‘di ang siraan siya. Ngunit sinabi ni Kian na kapag uuwi siya sa kanila’y ibig sabihin no’n ay hiwalay na sila.
Kahit alam niyang magtatapos ang relasyon nila’y pinili ni Paula ang umuwi sa poder ng sariling pamilya at iyon ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Kian. Nagtrabaho siya’t kumayod upang mabuhay ang kaniyang anak, dahil hindi na rin nagsustento noon si Kian.
Makalipas ang halos tatlong taon ay biglang nagparamdam muli si Kian sa kaniya. Nais nitong makita ang anak. Sa una’y nag-atubili siya’t nakaramdam ng takot na baka kunin ng dating asawa ang anak, ngunit sa tulong ng maayos na paliwanag ng kaniyang mga magulang ay nabigyang linaw ang lahat para kay Paula. Kaya heto sila ngayon, may kaniya-kaniya nang buhay ngunit nanatiling magkaibigan para sa anak nilang si Nick.
“Pau, may gusto lang akong linawin, sana sa pagkakataong ito’y mabigyan mo na ako ng maayos na sagot,” ani Kian.
“Ano iyon?”
“Kung maibabalik mo ba ang panahon, pipiliin mo bang huwag na akong makilala?” seryosong tanong ni Kian.
Saglit na napaisip si Paula sa tanong ni Kian, ilang beses na nitong naitanong ang tanong na iyon at palagi’y hindi niya sinasagot. Sa totoo lang ay hindi niya rin alam noon kung ano ba talaga ang tunay na nararamdaman para sa dating asawa. Nasusuklam siya noon kay Kian, sa kadahilanang bakit mas pinili nitong maniwala sa ina kaysa sa kaniya na mismong asawa nito. Pero ngayon ay parang alam na niya ang sagot.
Matamis siyang ngumiti at nilingon ang gawi ni Kian. “Oo. Kung mangyari man na bumalik ulit ang panahon, gugustuhin ko pa ring makilala ka at malamang mamahalin kita, Kian,” sagot niya. Nakita niya kung paano nanlaki ang mga mata ni Kian sa labis na pagkabigla.
“Kasi kung hindi ko piniling mahalin ka, baka hindi ko makilala ang anak natin, Kian,” aniya sabay lingon sa gawi ni Nick na hanggang ngayon ay masayang naglalaro. “Isa si Nick sa bagay na ipinagpapasalamat ko sa’yo. Kaya oo, kahit masakit ‘yong mga nangyari, pipiliin ko pa rin ang mga pagkakamaling iyon kung sa dulo, alam kong magiging anak ko si Nick,” maluha-luha niyang wika.
Hindi maiwasan ni Kian ang maluha sa sinabi ni Paula. Marahan siyang tumango habang ang mga mata’y nakatitig sa anak. “Patawarin mo ako, Paula,” mahina niyang sambit at marahang suminga. “Naging duwag ako noon. Patawarin mo ako kasi hindi ko nagawang panindingan kayo, pero maraming salamat pa rin dahil hindi ka nagdalawang isip na papasukin ulit ako sa buhay niyo ng anak natin,” puno ng emosyon niyang wika.
“Matagal na kitang pinatawad, Nick, hindi mo pa hinihingi ang salitang iyan, pinatawad na kita. Baka hindi talaga tayo ang para sa isa’t-isa, baka hanggang pagkakaibigan lang talaga ang nararapat para sa’ting dalawa,” aniya saka matamis na ngumiti.
Malungkot na ngumiti si Kian at marahang tumango. “Maging mabuting magulang na lang siguro tayo para kay Nick, iyon na lang kasi ang kaya kong ibawi para sa inyo,” anito.
Ngumiti si Paula at marahang tinapik sa likod si Kian. Kuntento na siyang isipin na nand’yan pa rin si Kian at nagpapakaama sa anak nilang si Nick. May mga bagay talagang kahit anong pilit natin ay hindi na pwedeng ibalik pa, ang mahalaga ngayon ay pareho nilang nagagampanan ang obligasyon sa kanilang anak na wala namang kinalaman sa kung anumang hindi nila pagkakaunawaan.