Inday TrendingInday Trending
Ulyanin na ang Matandang Kaniyang Inaalagaan sa Matagal na Panahon; Nang Mawala Ito’y Humagulhol Siya ng Iyak sa Sobreng Hawak Kung Saan Nakapaloob ang Pangako Nito

Ulyanin na ang Matandang Kaniyang Inaalagaan sa Matagal na Panahon; Nang Mawala Ito’y Humagulhol Siya ng Iyak sa Sobreng Hawak Kung Saan Nakapaloob ang Pangako Nito

Malungkot at mabigat ang loob ni Jellie ngayong naririto na siya sa loob ng silid kung saan siya nanatili ng napakahabang panahon. Ngunit ngayon ay kailangan niya na itong lisanin, dahil wala na rin namang dahilan upang siya’y manatili. Sumakabilang buhay na si Madam Yumi, ang matandang among kaniyang inaalagaan. Hindi niya maiwasang umiyak habang ini-empake ang mga damit na dadalhin sa pag-alis. Inuna niyang iniligay sa maleta ang mga gamit na binili ni Madam Yumi para sa kaniya. Maiwan na ang lahat, huwag lamang ang mga binigay ng amo.

Iyon ang tagpong nakita ni Mylen nang pumasok siya sa loob ng silid ni Jellie. Hindi nagkakalayo ang edad ng dalawa, kaya hindi kataka-takang magkasundo sila kahit na naiilang nang kaunti sa kaniya si Jellie dahil anak ito ng amo. Balewala naman iyon kay Mylen.

“Jellie,” mahinang tawag ni Mylen sa pangalan niya.

Ngali-ngali niyang pinunasan ang luha sa pisngi at hinarap ang anak ng amo. May dala itong sobre, nahuhulaan niyang iyon na ang kaniyang huling sahod. Naupo ito sa tabi niya at saka siya inakbayan. Nararamdaman niyang nalulungkot din ang babae.

“Jellie, ayaw kong paalisin ka, pero wala na kasi si mommy, kaya wala na ring dahilan para manatili ka. Marami ka pang kayang gawin at ayokong ikulong ka rito. Alam ko na kagaya namin ay nasasaktan ka rin sa pagkawala ni mommy,” mangiyak-ngiyak na kausap sa kaniya ni Mylen.

“Naiintindihan ko naman po iyon, ma’am,” sumisinghot-singhot niyang wika. “Mabigat lang po sa loob ko ang umalis, kasi nasanay na po ako dito. Ilang taon ko ring inalagaan si madam, kaya ngayong wala na siya’y talagang nakakapanibago lang. Pero maraming-maraming salamat pa rin po kasi ang babait niyo sa’kin, kahit si Madam Yumi, ang bait-bait no’n sa’kin. Mamimiss ko po talaga kayo,” umiiyak niyang wika.

Kumilos si Mylen upang yakapin siya. Naging pamilya na rin sa kanila si Jellie, kaya hindi nakapagtataka kung bakit ito nasasaktan. Naging mabait sila rito simula noong nakita nilang magkakapatid kung paano nito alagaan at pahalagahan ang kanilang ina na parang sarili na rin nitong ina. Sila mismo na mga anak ni Mommy Yumi ay nandidiri kapag nalalaman nilang dumudumi na ito sa sariling salawal dahil hindi na ito umaabot pa sa banyo – ngunit hindi si Jellie.

Si Jellie ang naging kasama palagi ni Mommy Yumi noong hindi na nila kayang pakibagayan ang ina. Si Jellie ang nagpapakain sa sarili nilang ina, at si Jellie rin ang tumatabi rito kapag natutulog na. Si Jellie ang naging animo’y ina ng kanilang ina, dahil hindi nila alam kung paano alagaan ang kanilang nag-uulyanin at matandang ina. Kaya hindi rin nila masisisi ang ina kung minahal nito si Jellie na animo’y totoo nitong anak.

“Jellie, tanggapin mo ito, nakapaloob na riyan ang huling sahod mo,” pumipiyok nitong wika. “At nand’yan ang pinirmahang pamana sa’yo ng mommy,” dugtong nito.

Hindi agad pumasok sa isipan ni Jellie ang huling sinabi ni Mylen, kaya nang tuluyan iyong maprseso ng kaniyang isipan ay labis siyang nagulat. Pinamahan siya ni Madam Yumi? Bakit?

“Sinang-ayunan na namin iyan lahat, at hindi namin tinutulan ang kagustuhan noon ni mommy na pamanahan ka ng bahay at pera. Nand’yan sa loob ang titulo ng lupa at ang malaking halaga ng tseke na si mommy mismo ang nagbigay. Mahal na mahal ka ni mommy, dahil alam niyang ganoon ka rin sa kaniya, at labis kaming nagpapasalamat sa’yo, Jellie, kasi hanggang sa huling hininga ni mommy, hindi mo siya pinabayaan,” umiiyak na wika ni Mylen. Nasa mga mata ang halo-halong emosyon, natutuwa, nalulungkot, nagagalak, naghihinagpis.

Hindi na napigilan ni Jelli ang mapahagulhol ng iyak dahil sa mga sinabi ni Mylen. Hindi niya kailanman naisip na seseryosohin ni Madam Yumi ang ipinangako nito noon sa kaniya, isang araw nang magkalat ito na parang batang nilaro-laro ang sariling dumi.

“Pasensya ka na talaga sa’kin, Jellie, ah,” nahihiyang sambit ng matandang amo.

“Ano ka ba naman, madam, ayos lang po iyon. Trabaho ko po na linisin kung ano man ang kalat ninyo. Kaya hindi mo kailangang ma-guilty at magmukmok r’yan,” nakangiting wika ni Jellie.

“Alam mo Jellie, kapag nawala ako sa mundo, hinding-hindi ko hahayaan na mahirapan ka. Kasi hindi mo ako pinahirapan, bagkus kahit hindi naman kita kadugo, ikaw lang ang nagtiyagang alagaan ako. Kaya pangako ko sa’yo, Jellie, bibigyan kita ng malaking halagang pera at saka bahay at lupa, para hindi na nangungupahan ang pamilya mo. Gusto mo ba iyon?” magiliw na tanong ng matanda.

Upang matapos lamang ang usapan ay sinang-ayunan na lamang niya ito. Alam naman niyang hindi na iyon matatandaan pa ni Madam Yumi, dahil ulyanin na nga ito. Kaya hindi niya lubos akalain na gagawin nga nito ang ipinangako noon.

“Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan, madam, pero maraming maraming salamat po talaga,” hagulhol n’ya habang kinakausap ang hangin, nagbabaka-sakaling marinig iyon ng kaluluwa ni Madam Yumi.

Muli siyang niyakap ni Mylen. “Mag-iingat ka palagi, Jellie, at sana kahit wala na ang mommy ay hindi mo makalimutang bisitahin kami rito kahit paminsan-minsan.”

“Opo, ma’am, pangako po, gagamitin ko sa magandang paraan ang perang ibinigay ninyo sa’kin. Maraming-maraming salamat po,” tumatangis na wika ni Jellie.

Balak niyang magtayo ng sari-sari store sa bahay na ibinigay sa kaniya ni Madam Yumi upang hindi na niya kailangang mangamuhan pa. Pakiramdam niya kasi’y wala na siyang mahahanap na amo na kagaya ni Madam Yumi.

“Paalam po, Madam Yumi, sana po’y gabayan niyo palagi ang pamilya ninyo at pati na rin ako. Pangako po, palalaguin ko ang perang ibinigay niyo sa’kin. Maraming salamat, madam. Hanggang sa muli…” aniya at masayang ngumiti bago nagdesisyong umalis na nang tuluyan sa malaking bahay na iyon dala ang matatamis na alaala kasama ang butihing amo.

Advertisement