Inday TrendingInday Trending
Gumawa na Naman ng Eskandalo ang Kaniyang Anak na ‘Di Niya Mawari Kung Magtitino Pa Ba; Ngunit Nanggigil Siya nang Malaman ang Dahilan Kung Bakit Ito Nanakit

Gumawa na Naman ng Eskandalo ang Kaniyang Anak na ‘Di Niya Mawari Kung Magtitino Pa Ba; Ngunit Nanggigil Siya nang Malaman ang Dahilan Kung Bakit Ito Nanakit

Mabibilis ang mga hakbang ni Christine patungo sa principal’s office dahil sa biglaang pagpapatawag nito sa kaniya. Ayon sa kausap niya kaninang guro ay nakagawa raw ng kasalanan ang anak niyang si Lorenzo, nagwala raw ito sa eskwelahan at nanuntok ng kapwa-estudyante.

Nang nasa tapat na siya ng opisina ay naglabas na muna siya ng malalim na buntong hininga upang payapain ang natatarantang sarili. Naiinis siya at nagagalit sa anak, puro sakit ng ulo na lang talaga ang ibinibigay nito sa kaniya! Kailan ba ito magtitino?

Nang pakiramdam niya’y kaya na niyang harapin ang mga tao sa loob ay saka lamang siya kumatok ng tatlong beses at pinihit pabukas ang seradura upang buksan ang pintuan. Tama siya… naroon na sa loob ang kaniyang anak na si Lorenzo, ang prinsipal ng eskwelahan, at ang mga magulang ng dalawang estudyanteng nakasakitan ng anak.

“Magandang araw po,” pormal niyang bati.

Pormal naman siyang binati ng prinsipal, ngunit hindi ng mga magulang ng nasaktan ng kaniyang anak. Naiintindihan niya kung bakit mainit ang dugo ng mga ito sa kaniya, malamang siya ang sinisisi ng mga ito sa pagiging basagulero ng kaniyang anak.

“Misis, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa rito,” kausap ni Prinsipal Sanchez sa kaniya. “Hindi lang ito ang unang beses na may sinaktang katulad niyang estudyante ang anak mo, maraming beses na itong nangyari at baka kung hindi siya magbabago’y mapipilitan akong alisin siya sa eskwelahang ito,” anang prinsipal.

Mariing naikuyom ni Christine ang kaniyang kamao sa narinig. Mahihirapan na naman siyang asikasuhin ang mga kakailanganin kapag nagkataong ayaw nang tanggapin ng eskwelahang ito si Lorenzo. Maaapektuhan na naman ang kaniyang trabaho’t hanapbuhay. Wala pa naman siyang katuwang sa buhay, dahil isa siyang single mother, at kapag hindi siya magtatrabaho’y sino ang magbibigay sa kanila ng pera upang may makain sila? Bakit ba kasi hindi nagtitino ang anak niyang ito?

“Ilang beses ko na ba kasing sinabi sa inyo na wala akong kasalanan sa kanila! Sila ang naunang mang-asar at manuntok, gumanti lang ako!” paliwanag ni Lorenzo.

“Tumahimik ka na, Lorenzo,” mahina niyang saway sa anak. Kapag hindi niya pa ito inawat ay baka lumala pa ang problema niya.

“Bakit?! Totoo naman ang sinabi ng mga anak namin ah! Wala kang ama, anak ka lang sa malaking tipak na kahoy, hindi mo nga kilala ang pangalan ng ama mo e. Bakit ka nagagalit at mananakit?!” anang isa sa ina ng dalawang bata.

Agad na nagsalubong ang kilay ni Christine sa sinabi ng babae. Ano bang pakialam ng mga ito kung walang ama ang anak niya? At bakit kailangang ipamukha iyon ng mga anak nila? Hindi por que kumpleto ang pamilya ng mga ito ay may karapatan na ang mga itong laitin sila! Nakita niyang mariing naikuyom ni Lorenzo ang kamao nito sa inis na muling nabuhay.

Hindi makapaniwalang umiling-iling si Christine sa parehong magulang na naroroon sa kaniyang harapan. Dalawang bata ang napuruhan ng kaniyang anak, at ang parehong mga magulang nito’y naroroon sa loob ng opisina, maliban kay Lorenzo na siya lamang ang bukod tanging naroroon. Kaya ba ang liit ng tingin ng mga ito sa anak niya’y dahil wala siyang asawa?

“Iyon ang dahilan kaya nagwala si Lorenzo kanina, misis. Dahil inasar siya ng mga kaklase niya na anak ng tipak na kahoy dahil wala raw itong kinikilalang ama. Bakit, nasaan ba ang ama ni Lorenzo?” deretsong tanong ni Mr. Sanchez.

Tabinging ngumiti si Christine at matalim ang tinging ibinigay sa dalawang pares ng magulang na naroroon. “Wala pong ama ang anak ko, sir, pero nandito po ako,” mariin at may bigat ang bawat salitang kaniyang binibitawan. “Ako po ang kaniyang ina at ama, may problema po ba roon? Isa ba sa requirements ng eskwelahang ito na dapat kumpleto ang pamilyang mayroon ang bawat estudyante? Kapag hindi kumpleto, may karapatan na ang mga batang mamb*lly ng kapwa nila at may karapatan na silang mambaba at manghamak ng iba, kasi kumpleto ang pamilya nila? Iyon po ba ang patakaran ng eskwelahang ito?” aniya at isa-isang tinitigan ang mga magulang na naroroon.

“At kayo naman… mga kunsintidor kayo. Magpasalamat kayo kasi buo ang pamilyang mayroon kayo, hindi kagaya sa pamilyang mayroon ang anak ko na ako lang ang mayroon siya,” aniya, humakbang papalapit sa mga ito.

Naramdaman niya ang kamay ni Lorenzo sa laylayan ng kaniyang suot na damit na tila ba pinipigilan siya sa binabalak. Bahagya lamang niya itong nilingon saka malungkot na nginitian. Sa totoo lang ay gustong-gusto niyang humagulhol ng iyak at humingi ng kapatawaran sa anak. Kasalanan niya kung bakit ito nakakahanap ng away sa eskwelahan, dahil hindi niya naibigay sa anak ang kumpletong pamilya na nararapat para dito.

“Ipagagamot ko ang mga sugat na natamo ng mga anak ninyo dahil sa suntok ng anak ko. Ngayon, paano niyo naman gagamutin ang masasakit na salitang idinulot ng mga anak niyo sa anak ko?” matigas niyang wika habang ang mga mata’y maluha-luha.

Sabay-sabay na nagsiyukuan ang mga ito na tila ba walang kakayahang magsalita sa harapan niya. Pati ang prinsipal ay hindi nakapagsalita.

“Sana bago niyo kunsintihin ang mga anak niyo, turuan niyo muna sila kung paano rumespeto sa kapwa at huwag manghamak ng iba por que hindi nila nararanasan ang nararanasan ng iba. Handa akong ilipat sa ibang eskwelahan ang anak ko kung isinusuka na siya ng eskwelahang ito. Baka sa ibang eskwelahan, tanggap ang mga kagaya namin, na walang padre de pamilya!” aniya saka hinawakan ang anak at lumabas ng opisina.

Nasa loob na sila ng sasakyan nang magsalita si Lorenzo. “Sorry, mama,” anito.

“Wala kang kasalanan, anak. Kailanman ay hindi mo kasalanan kung bakit wala kang kinikilalang ama. Sadyang may mga tao lang talagang mapanghusga, pero kailanman ay hindi iyon ang magiging dahilan upang makaramdam ka ng kakulangan. Wala ka mang papa, nandito naman ako, anak. Nandito ako para punan ang pagmamahal na hindi mo naranasan sa papa mo. I’m sorry kung hindi kita nabigyan ng kumpletong pamilya, I’m sorry,” hagulhol niya.

Niyakap siya ni Lorenzo na umiiyak rin. “I’m sorry rin mama, kung nagiging sakit ako ng ulo. Pangako po, hindi ko na ito uulitin. Hindi ko na sila papatulan,” ani Lorenzo.

Malaki ang kasalanan niya kay Lorenzo, ngunit ganoon pa man ay walang inang gustong nakikitang nahihirapan ang kanilang anak. Mahirap din para sa kaniyang maging ina’t ama nito, ngunit ano ba ang magagawa niya kung ang mismong ama na ni Lorenzo ang ayaw gumawa ng paraan upang magpaka-ama sa anak nila?

Ramdam na ramdam naman ni Lorenzo ang wagas na pagmamahal sa kaniya ng ina. Simula ngayon ay wala na siyang pakialam sa sasabihin pa ng iba – dahil para sa kaniya ay higit pa sa pagkakaroon ng buong pamilya ang pagkakaroon niya ng isang ina na kagaya ng nanay niya.

Advertisement