Inday TrendingInday Trending
Ikinainis ng Binata ang Panghuhuthot sa Kaniya ng Tatay Niya na Ibinibigay Lang Pala sa Kuya Niya; Hagulgol Siya Nang Malaman ang Dahilan

Ikinainis ng Binata ang Panghuhuthot sa Kaniya ng Tatay Niya na Ibinibigay Lang Pala sa Kuya Niya; Hagulgol Siya Nang Malaman ang Dahilan

Nang makagradweyt si Mark sa kursong Accountancy ay agad siyang naghanap ng trabaho. Dahil topnotcher siya sa board exam ay madali siyang natanggap sa kumpanyang inaplayan niya. Masayang-masaya siya dahil sa wakas ay may sarili na siyang pera at mabibili na niya ang lahat ng gusto niya.

Pero mukhang hindi niya maso-solo ang sahod niya dahil hingi nang hingi ang kaniyang tatay. Ayos lang sana, kaya lang minsan ay sobrang kulit nito at walang ginawa kundi tumawag sa kaniya kapag hindi siya nakakapagbigay rito.

“Anak, baka may dalawang libo ka r’yan? Naubos na kasi ‘yung perang ibinigay sa akin ng Kuya Marlon mo, eh,” wika ni Mang Mando, ang kaniyang ama.

Masama man sa loob ay kumuha pa rin ng pera sa pitaka niya ang binata at inabutan ang ama. Minsan ay gusto niya na ring kwestyunin ito, malaki ang ibinibigay ng Kuya Marlon niya dahil maganda rin ang trabaho nito. Malaki rin ang sahod nito sa construction firm na pinapasukan bilang inhinyero kaya paanong nauubos ang pera na buwan-buwan nitong ibinibigay?

“Itay, baka sa susunod na buwan ay hindi ako makapagbigay sa inyo. May pinag-iipunan po kasi akong laptop na gusto ko,” diniretsa na niya ang ama.

Pero sadyang mapilit ang tatay niya. “Pwede ba na kahit kaunti lang ay magbigay ka, anak? Mabibili mo naman ‘yang laptop na ‘yan sa susunod mong suweldo, malaki naman ang kinikita mo, ‘di ba? Kasi CPA ka, kaya sisiw lang sa iyo ‘yan,” sabi ng ama bago ito tuluyang tumalikod.

Tama naman ang sinabi nito, kapag sumahod siya sa susunod na buwan ay kayang-kaya niyang bumili ng bagong laptop. Luma na kasi ang personal niyang laptop kaya gusto niyang bumili ng bago. May maganda siyang trabaho kaya wala namang masama kung bibilhin niya ang mga gusto niya.

Isang gabi ay alas onse na siya nakauwi sa bahay dahil nag-overtime siya sa opisina. Napadaan siya sa kusina, narinig niya na nag-uusap ang Kuya Marlon niya at ang tatay niya.

“Marlon, kunin mo itong limang libong ibinigay sa akin ng kapatid mo. Itago mo ‘yan ha gaya ng sinabi ko sa iyo,” sabi ni Mang Mando sa nakatatandang kapatid.

“Naku, salamat po itay. Malaki-laki ito ngayon a! Pero, tingnan niyo muna itong binili kong bagong relo. Ang ganda,’di ba? ” masayang sabi ng kuya niya.

“Aba oo nga, anak. Bagay na bagay ‘yan sa iyo,” sagot naman ng tatay niya.

Sa narinig ay nagdamdam si Mark sa ama. Kung makahingi ito ng pera sa kaniya ay wagas pero binibigay lang pala sa kapatid niya. Pinipigilan siya nitong bumili ng gusto niya samantalang ang kuya niya ay pwedeng bumili ng gusto nito at pera pa niya ang winawaldas.

Sobrang sama ng loob ng binata, nagpapakahirap siya sa pagtatrabaho tapos ay ibibigay lang ng tatay niya ang pera niya sa kapatid, eh may maganda rin naman itong trabaho gaya niya. Sa isip niya ay mas paborito talaga ng kaniyang ama ang kuya niya.

Sumiksik sa utak niya ang pag-uusap na iyon ng ama’t kapatid kaya nawalan tuloy siya ng gana sa mga ito lalo na sa tatay niya bagamat nagbibigay pa rin siya sa tuwing nanghihingi ito ng pera. Makalipas ang ilang buwan ay hindi niya masyadong pinapansin ang ama at ang kapatid. Malaki pa rin ang tampo niya sa mga ito. Wala pa ring nagbago, mahilig pa ring manghuthot ng pera ang tatay niya sa kaniya samantalang hindi na ito nanghihingi sa Kuya Marlon niya. Napakadaya talaga!

Linggo ng umaga, hindi na siya napakagtimpi at tinapat na ang ama nang manghingi ulit ito sa kaniya.

“Itay naman, ATM ba talaga ang tingin niyo sa akin? Anong akala niyo, sumusuka ako ng pera? Mukha talaga kayong pera!” bulyaw niya.

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay maghapon siyang nagkulong sa kaniyang kwarto. Hindi siya lumabas kahit kinakatok siya nito. Alas sais na ng gabi siya lumabas pero wala roon ang tatay niya. Maya maya ay tumunog ang selpon niya, tumatawag ang Kuya Marlon niya.

“Hello?”

“Mark, nasa ospital si tatay. Punta ka dito, bilisan mo!”

Bigla siyang kinabahan kaya dali-dali siyang sumugod sa ospital. Nanlaki ang mga mata niya nang maabutang humahagulgol ng iyak ang Kuya Marlon niya. Nang makita siya nito ay patakbo siyang niyakap.

“W-wala na si tatay, wala na siya.”

Sa narinig ay hindi na rin niya napigilan ang sarili na maiyak.

“A-anong nangyari? B-bakit nagkaganoon?” naguguluhan niyang tanong.

“Matagal nang may malubhang sakit si tatay, Mark. Mayroon siyang k*nser sa utak at nasa stage 4 na ito. Hindi mo ba napapansin na halos araw-araw ay sumasakit ang ulo niya? Iyon ay dahil sa karamdaman niya. May taning na rin ang buhay niya. Malas lang dahil ngayong araw siya inatake ng sakit at h-hindi na nga niya kinaya pa. H-hindi niya sinabi sa iyo dahil ayaw ka na niyang bigyan pa ng alalahanin,” bunyag ng kuya niya.

“Diyos ko, wala akong kaalam-alam na may mabigat palang dinaramdam si tatay, pinasama ko pa ang loob niya. Patawarin mo ako, tatay,” hagulgol niya sa harap ng ama na wala nang buhay. Pinagsisihan niya ang lahat ng sinabi niya rito. Kung maibabalik niya lang ang oras, kahit araw-araw pa siyang hingian nito ng pera ay ‘di na siya magrereklamo. Sa isip niya ay napakasama niyang anak.

Ibinurol nila ang kanilang ama sa bahay. Sa harap ng ataul nito ay hindi pa rin maubos-ubos ang luha ni Mark habang yakap-yakap iyon. Hindi niya pa rin mapatawad ang sarili, nang dahil sa kaniya ay nawala nang maaga ang tatay niya. Nilapitan siya ng kuya niya at hinawakan nito ang kaniyang balikat.

Tumalima siya at medyo nagulat pa siya nang abutan siya nito ng bank book at isang sobre.

“A-ano ‘yan, kuya? Para saan ‘yan?” tanong niya.

“Iyan ang bilin ni tatay sa akin bago siya pumanaw. Mahal na mahal ka niya, Mark. Nag-aalala siya sa iyo, alam niyang kaya ko ang sarili ko, pero ikaw…basahin mo na lang,” naiiyak na sabi nito.

Nang tingnan niya ang bank book ay naglalaman iyon ng malaking halaga na nakapangalan sa kaniya. Nang buksan naman niya ang sobre ay naroon ang titulo ng bahay at lupa na binili nito kasama ang isang liham. Mas lalo siyang napahagulgol nang mabasa iyon.

Mark,

Pasensya ka na ha, anak, kung palaging nanghihingi sa iyo ang tatay. Hindi ka tuloy makabili ng mga gusto mo gaya ng bagong laptop. Nais ko lang na masiguro na kahit wala na ako, hindi ka magiging kawawa. Alam ko na sa inyong magkapatid ay ikaw ang hindi marunong mag-ipon at sobrang magastos. Nauubos nga ang buo mong suweldo kakabili ng mga luho mo. Ang mga perang hiningi ko sa iyo ay ipinatago ko sa kuya mo at inilagay naman niya ang mga iyon sa bangko. Ang titulo naman ng bahay at lupa na ‘yan ay ibinibigay ko sa iyo mula sa sarili kong ipon. Ang bahay nating ito ay malapit nang ilitin dahil sa pagkakautang namin ng nanay mo noon. Kapag nawala ito’y wala kang matitirhan. Malapit nang mag-asawa ang Kuya Marlon mo at may sarili na silang bahay ng nobya niya na matagal na rin nilang pinag-ipunan. Matuto kang pahalagahan ang perang kinikita mo at huwag ubos ubos biyaya. Tandaan mo na mahal na mahal ko kayo ng kuya mo. Mahal na mahal kita, bunso.

Napalupasay si Mark matapos basahin ang liham. Matagal na palang alam ng tatay niya ang sakit nito pero hindi nagpagamot dahil ayaw na gumastos sila nang malaki. Mas pinili nitong mag-ipon ng pera kasabwat ang kapatid niya upang masiguro nitong maayos ang sitwasyon niya kahit wala na ito. Alam kasi ng tatay niya na bulagsak siya sa pera at sobra siyang maluho. Ni wala nga siyang sariling ipon. ‘Di siya katulad ng kapatid niya na masinop at magaling humawak ng pera.

“Huwag kang mag-alala, iingatan ko po ito. Susundin ko po ang lahat ng inyong payo sa akin. Maraming salamat at patawad po sa lahat. Mahal na mahal kita, tatay. Mami-miss ka namin ni kuya,” sambit niya sa sarili.

Nang ilibing nila ang ama ay ipinangako niya sa puntod nito na magbabago na siya. Hindi na siya magiging maluho at mag-iipon na siya para sa kinabukasan niya. Patuloy pa ring nakagabay sa kaniya ang Kuya Marlon niya kahit wala na ang tatay nila. Kahit dalawa na lang sila ay ipinagpatuloy nila ang buhay baon ang magagandang alaala ng kanilang ama.

Advertisement