Nang Mawala ang Alaala ng Lalaki ay ang Maganda Niyang Kaibigan ang Umalalay sa Kaniya; Ikagugulat Niya ang Tunay Nitong Katauhan
Nang magising si Wesley ay napagtanto niya na nasa loob siya ng isang pribadong kwarto sa ospital. Kumurap-kurap pa ang mga mata niya na tila naninibago sa paligid. Nakita niya ang kaniyang ina na natutulog sa gilid ng higaan niya.
Hinimas ng binata ang pisngi ng ina, dahilan para gumising ang ginang. Sobrang malapit siya sa mama niya, mula kasi nang pumanaw ang papa niya ay ito na ang palagi niyang kasama. Mama’s boy nga kung tawagin siya ng mga kakilala niya.
“W-Wesley? Diyos ko, salamat at nagising ka na! Diyan ka lang anak, ha, tatawagin ko lang ang doktor.” mangiyak-ngiyak na sabi nito.
Ilang minuto lang ay bumalik ang ina na may kasamang doktor at mga nars. Agad siyang chinek ng mga ito.
“Wala na po kayong dapat na ipag-alala. Ligtas na po ang inyong anak,” masayang sabi ng doktor.
Napatili naman sa tuwa ang mama niya sa magandang balita ng doktor. Maya maya ay napansin niya ang isang magandang dalaga na naroon din pala. Hindi niya ito napansin kanina, akala nga niya ay isa rin sa mga nars dahil kulay puti rin ang suot na damit. Titig na titig ito sa kaniya at nangingilid ang luha sa mga mata.
Nang mapansin ng dalaga na nakatingin siya rito ay ngumiti ito at lumapit sa kaniya.
“Hello,” sabi nito sa malambing na boses.
“H-Hello, s-sino ka?” tanong niya.
Sa sinabi niya ay natigilan ang dalaga, pati ang mama niya ay napatingin din.
“Teka, dok, anong ibig sabihin nito? Bakit ganyan ang anak ko?” nag-aalalang tanong ng mama niya.
“Ito po ang sinasabi ko sa inyo, dahil sa matinding damage na tinamo niya sa nangyaring aksidente ay possible na nagkaroon siya ng temporary amnesia. May ilang parte ng alaala niya ang nakalimutan niya. Masuwerte pa nga tayo dahil ang ibang nagkakaroon nito’y lahat ng alaala ay nawawala pero sa anak niyo’y hindi. ‘Di ba nga kayo ay nakilala niya,” paliwanag ng doktor.
Tahimik lang na nakikinig si Wesley nang bigla siyang tinabihan ng dalaga.
“A-ako si Valerie. Valerie Anne Ventura, ang iyong besfriend. Magkaibigan tayo mula noong mga bata pa tayo, lahat ng tungkol sa iyo ay alam ko. Kahit ang crush mong babae ay alam ko, wala kang maitatago sa akin,” nakangiting pakilala nito.
Napangiti si Wesley sa tinuran ng dalaga. Ang gaan-gaan ng loob niya rito, marahil ay bestfriend nga niya ito.
Mula noon ay si Valerie na ang kasa-kasama ng mama niya na bantayan siya. Isang araw ay nagpaalam ang mama niya na pupunta ito sa Davao dahil may business meeting ito roon. Ilang araw itong mawawala kaya nagprisinta ang dalaga na samahan siya sa bahay nila nang lumabas siya sa ospital.
“Mama, huwag na ka nang umalis. Dito ka na lang,” paglalambing niya.
“Kung pwede lang sana, anak, pero hindi ako maaaring hindi pumunta dun eh. Mahalaga ang meeting na iyon. Mawawalan ako ng trabaho kapag hindi ako umattend. Limang araw lang naman ako mawawala, eh. Panatag naman ako dahil hindi ka pababayaan nitong si Valerie. Sasamahan ka niya,” sagot ng mama niya.
“Nahihiya kasi ako sa kaniya, mama. Baka maging pabigat lang ako,” aniya.
Sumabat sa usapan nila ang dalaga. “Hindi ka pabigat sa akin, Wesley. Sige na po tita, ako na po ang bahala sa kaniya,” sabi ni Valerie na kanina pa pala nakikinig sa kanilang mag-ina.
Hindi naman naging mahirap para sa binata na pakisamahan ang dalaga. Napakabait nito at may sense of humor kausap. Bukod doon, sobrang ganda nito.
Maya maya ay may tinanong siya rito.
“Valerie, b-bakit hindi kita niligawan noon?” Bigla na lamang lumabas iyon sa bibig niya. Kasalukuyan siya nitong ipinagluluto ng hapunan, isang freelance romance writer ang dalaga na hindi masyadong hectic ang iskedyul kaya marami itong bakanteng oras para sa kaniya.
Natawa naman ang dalaga sa tanong niya. “Hindi kasi tayo talo dahil t*mboy ako,” biro nito.
Nanlaki ang mata ni Wesley. “Ows? Talaga ba?! Halikan kita diyan eh, para ma-try kung t*mboy ka nga,” nanghahamong sabi niya. Inilapit niya ang mukha rito at naramdaman niyang kinabahan si Valerie. Tapos ay napahalakhak siya habang halos magdikit na ang mga labi nila.
“O, sabi na eh, sinungaling ka. Hindi ka t*mboy, apektado ka sa gagawin ko…”
Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil hinalikan na siya ng dalaga.
“O, nagustuhan mo ba? Hinalikan kita dahil wala namang mawawala sa akin, pareho tayong lalaki kaya ‘di ako affected,” natatawang sabi ni Valerie.
Nasa ikatlong araw pa lang silang nagsasama pero nahuhulog na ang loob niya sa dalaga. Hindi ito maalis sa isip niya sa araw-araw kahit na magkasama sila sa bahay. Hindi talaga siya naniniwala na may pusong lalaki ang bestfriend niya dahil nararamdaman niyang may pagtingin din ito sa kaniya. Nagpipigil lang siguro ito dahil ayaw nitong malagay sa alanganing sitwasyon. Pinangangatawanan nito na talagang magkaibigan lang sila.
“Sige, ganito. Magtatapat ako sa kaniya. Sasabihin ko na gusto ko siya, na mahal ko siya. Kung ayaw niya sa akin, no hard feelings, hindi ako magagalit o masasaktan. Tatanggapin ko dahil magkaibigan kami. Alam kong maiintindihan niya,” sabi niya sa isip.
Inayos niya ang sarili, nagpa-guwapo siya sa harap ng salamin bago siya lumabas sa kwarto. Sabi kasi ni Valerie ay mahalaga ang araw na iyon kaya ipaghahanda siya nito ng espesyal na hapunan. Tapos ay mamamasyal sila sa labas. Nasa hagdan pa lang siya nang makita itong may kayakap na lalaki.
“Val, hanggang kailan mo ito titiisin? Sabihin mo na sa kaniya ang totoo para hindi ka na mahirapan. Dapat na niyang malaman ang katotohanan,” sabi ng lalaki.
“Hindi pa maaari. Nagpapagaling pa siya sa car accident na nangyari, Leonard. Hindi ko siya pwedeng biglain,” wika ni Valerie.
Tila siya napako sa kinatatayuan nang makita siya ng dalawa. Biglang nagkalas sa pagkakayakap ang mga ito. Medyo nagulat pa nga si Valerie nang makita siya ganoon rin ng kayakap nitong lalaki.
Hindi nagpahalata si Wesley. Tuluy-tuloy lang siyang bumaba sa hagdan at binigyan ng pekeng ngiti ang dalawa.
“O, naka-istobo yata ako sa inyo. S-sino siya, Val?” tanong niya.
“Mauna na ako, Valerie,” wika ng lalaki, tinanguan lang siya nito at umalis na.
Hindi na nagtanong pa ang binata kung sino ang lalaking kausap ng dalaga baka kasi masaktan lang siya, pero parang pamilyar sa kaniya ang mukha nito. Hindi lang niya maalala. Hindi pa rin kasi nagbabalik ang ilan sa alaala niya. Saka ano ba naman ang karapatan niyang magtanong, ‘di ba? Kaibigan lang naman siya ni Valerie at iyon lang.
Tahimik silang kumain ng hapunan nang tanungin siya ni Valerie.
“Are you okay? Is something wrong?”
“H-Ha? Y-yes, yes, I’m okay. Uy, masarap itong adobo mo, a! Nga pala, saan tayo pupunta pagkatapos nito?” sabi niya.
“K-kilala kita, Wesley. Alam kong hindi ka okey,” seryosong wika ni Valerie.
Napabuntung-hininga ang binata. ‘Di niya inasahan na ang balak niyang pagtatapat ng pag-ibig ay iba ang kalalabasan. Pero sa puntong iyon ay kailangan na niyang sabihin, masaktan na siya kung masasaktan.
“Sige, sa tingin ko, kailangan mo na akong iwan dito sa bahay. Hindi tamang magkasama tayo rito,” aniya.
“At bakit naman?” kunot noong sabi ni Valerie.
“Dahil babae ka, lalaki ako, hindi magandang tingnan. Kahit pa sabihin nating mag-bestfriend tayo…hindi magandang tingnan na magkasama tayo rito. P-pwedeng m-mangyri ang hindi inaasahan kung gugustuhin ko. Kaya hangga’t maaaga pa’y tigilan na natin ito. A-ayokong makasakit kaya ngayon palang d-dapat iwasan ko na itong n-nararamdaman ko sa iyo,” nautal niyang sabi.
“Bakit, ano ba ang nararamdaman mo?” seryosong tanong ng dalaga.
At kumawala na nga sa dibdib niya ang tunay niyang nararamdaman. ‘Di na niya napigil pa.
“M-Mahal kita, Valerie. Mahal na mahal na kita. Hulog na hulog na ako sa iyo…pero sa nakita ko kanina, wala na akong pag-asa kaya ngayon palang gusto ko nang tapusin na natin ito hangga’t kaya ko pa,” hayag niya.
Nagulat siya nang biglang tumayo si Valerie at lumapit sa kaniya. Titig na titig lang ito sa kaniya.
“Ano?! Alam ko naman na bestfriend mo lang ako, wala akong karapatan na magselos pero tao lang ako, Val,” saad pa niya. Napansin ng dalaga na nangingilid na ang luha sa mga mata niya.
Hinawakan ni Valerie ang dalawang pisngi niya at pinagtapat ang kanilang mga ilong.
“Mahal din kita, Wesley. Mahal na mahal.”
Sasagot pa sana ang binata pero hinalikan na siya ng dalaga.
Nang magkalas ang kanilang mga labi ay sobra ang saya niya pero ‘di niya mapigilang makunsensiya.
“T-teka, ‘y-yung lalaking kasama mo kanina…paano ‘yung boyfriend mo?”
Napangisi si Valerie. “Oh, so that’s why. He is Leonard, my older brother, hindi mo pa ba natatandaan?”
“What? S-sabi ko na nga ba, eh kaya pala pamilyar ang mukha niya sa akin! S-sorry p-pero hindi pa rin lahat naaalala ko, eh,” sabi niya.
“Huwag kang mag-alala, babalik din ang lahat ng alaala mo, mahal. Alam mo ba na halos mabaliw ako nang maaksidente ka…parang gusto ko na ring mamat*y. Susunduin mo sana ako sa opisina nang araw na iyon dahil ise-celebrate natin ang ating anniversary pero nabundol ng rumaragasang trak ang sinasakyan mong kotse at naaksidente ka. Mabuti na lang at naisalba ka ng mga doktor, iyon nga lang ay nalimutan mo ang mga alaala nating dalawa.”
“A-Anniversary? M-may anniversary ba ang friendship natin noon? T-teka, Val…ano ba talaga kita?” litong tanong ni Wesley.
Bilang sagot ay kinuha ni Valerie ang kaniyang selpon at ipinakita nito ang mga litratong naka-save doon. Nanlaki ang mga mata ni Wesley nang matitigan ang mga iyon.
At nagsalita na si Valerie. “Bestfriend mo ako noon bago naging asawa,” anito sabay niyakap siya nito nang mahigpit.
“Mahal na mahal kita, Wesley. Ikaw ang buhay ko. Hindi ko sa iyo sinabi ang totoo dahil ayaw muna kitang biglain kaya sinabi kong bestfriend mo ako, tutal doon naman tayo nagsimula bago natin naramdaman na mahal natin ang isa’t isa na higit pa sa magkaibigan. Naniniwala ako na babalik at babalik din ang lahat ng magaganda nating aalala diyan sa puso mo,” bulong ni Valerie.
Hindi makapaniwala si Wesley na ang magandang babae na nakita niya nang siya’y magising sa ospital ay ang kaniya palang misis.
Maya maya ay may kinuha si Valerie sa bulsa at isinuot iyon sa daliri nila. Ang kanilang wedding ring.
“Espesyal ang araw na ito dahil ngayon ang araw na sinagot kita noon, mahal.”
Sa sinabing iyon ng kaniyang asawa ay bigla na lamang nagbalik ang lahat ng alaala niya – mula nang makilala niya si Valerie noong bata pa sila hanggang sa sila ay ikasal. Natatandaan na rin niya na may nag-iisang kapatid na lalaki ang misis niya, si Leonard na napagkamalan niyang boyfriend nito kanina.
Niyakap niya nang mahigpit ang asawa. “Natatandan ko na ang lahat, mahal ko, p-pero kung hindi na kailanman bumalik ang alaala ko’y ayos lang din sa akin, masaya na ako dahil kasama kita.” aniya.
‘Di nagtagal ay nagbunga na ang pagmamahalan nila. Nagdalantao na si Valerie at dinadala nito ang panganay nilang anak na lalaki. Wala nang mahihiling pa si Wesley dahil kumpleto na ang buhay niya kasama ang kaniyang mag-ina.