Inday TrendingInday Trending
Durog ang Puso ng Dalaga Nang Mawala ang Lola Niya Dahil sa Tsismis; Ikinawindang Niya Nang Malaman Kung Sino ang May Kagagawan Nito

Durog ang Puso ng Dalaga Nang Mawala ang Lola Niya Dahil sa Tsismis; Ikinawindang Niya Nang Malaman Kung Sino ang May Kagagawan Nito

Maagang bumangon sa higaan si Joy para kunin ang mga lalabhang damit sa mga kapitbahay nila. Sa araw na iyon ay marami siyang tanggap na labahin kaya malapad ang kaniyang ngiti. Malaki-laki ang kikitain niya, pambili na nila iyon ng pagkain.

Maagang pumanaw ang kaniyang ama habang ang nanay naman niya ay iniwan silang apat na magkakapatid sa kanilang lola at sumama sa iba. Kahit kailan ay hindi na ito bumalik. Kahit mahina na ang katawan ng Lola Biring nila ay kinakaya pa rin nitong alagaan ang mga maliliit niyang kapatid. Napakabait ng matanda, ito na ang tumayong pangalawang ina sa kanila kaya mahal na mahal nila ito.

Siya naman, dahil disi-otso anyos na at kaya nang magbanat ng buto ay mas pinili niyang tulungan ang kaniyang lola sa mga gastusin nila. Nananahi ng mga damit pamasok sa eskwela ang matanda, bukod sa pagiging labandera niya ay tumatanggap din siya ng mga pa-plantsahing damit. Huminto na nga siya sa pag-aaral para mas pagtuunan ang pagtatrabaho. Ayaw na nga niyang pagtahiin ang lola niya dahil madali na itong mapagod kaya pinagpapahinga na lamang niya ito sa bahay at siya ang bahalang gumawa ng paraan para hindi kumalam ang kanilang mga sikmura.

Dala-dala na niya ang mga damit na lalabhan, pabalik na siya sa bahay nila nang marinig niyang nag-uusap ang mga kapitbahay. “Kawawa naman ‘yung mga apo ni Lola Biring, ano? Sila ang nagdurusa dahil sa pag-iwan sa kanila ng pok*pk nilang ina. Eh, kanino ba magmamana ang nanay nilang malandi kundi sa lola nila na dati ring pokp*k,” wika ng isang babaeng tsismosa.

Hindi niya pinansin ang ale pero nilingon niya ito, ipinahalata niya talagang naririnig niya na pinagtsitsimisan ng mga ito ang kaniyang lola.

“Naku, panigurado kong pati ‘yang si Joy ay magpopokp*k din pati na ang mga kapatid niyang babae pag lumaki. Ganyan naman talaga, ‘di ba? Kung ano ang puno, siyang bunga,” gatong pa ng isang matandang babae, si Aling Chichay na reyna ng mga tsismosa sa lugar nila.

Tiim bagang na lalapitan niya sana ang mga ito. Ayaw niyang pumatol sa matanda pero pamilya niya na ang kinakanti. Mabuti nalang ay tinawag siya ng kaniyang Lola Binyang, kakakambal ng Lola Biring niya na nakatira malapit sa bahay nila. Hindi pinayagan ng Diyos na makapagsalita siya ng masama sa kaniyang kapwa. Nakangiti siyang lumapit sa Lola Binyang niya. Hindi man ito makapagbigay ng pinansyal na tulong sa kanila ay mabait din naman ito sa kanilang magkakapatid gaya ng Lola Biring niya. Biyuda na rin ito at may isang anak na lalaki, ang Tiyo Carding niya na nagtatrabaho bilang construction worker. Palaging gabi na umuuwi ang tiyuhin kaya naiiwang mag-isa sa bahay ang Lola Binyang niya.

“Lola?”

“Naku, huwag mo nang pansinin ang mga tsismosa diyan sa labas. Mga wala lang magawa ang mga ‘yan. O, dalhin mo na ito sa inyo, binili ‘yan kagabi ng tiyo mo, hindi ko naubos kaya sa inyo na. Paghatian niyong magkakapatid,” sabi ng matanda saka iniabot sa kaniya ang tatlong piraso ng siopao.

“Salamat, Lola Binyang. Mabuti po at palagi kayong nandiyan para sa amin,” aniya.

“Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magkakapamilya,” nakangiting sabi ng matanda.

Nagpaalam na siya rito at dumiretso na sa maliit nilang barung-barong at ibinigay sa mga kapatid at lola niya ang siopao na galing sa Lola Binyang nila. Hinati niya ang mga iyon para lahat ay makakain.

Nakangiti niyang pinagmamasdan ang mga ito habang kumakain. Kahit anong hirap ay kakayanin niya mabigyan lang ng magandang buhay ang pamilya niya. Nag-iipon din kasi siya para makabalik sa pag-aaral. Malapit nang mapuno ang alkansya niya, kapag sapat na ang ipon niya’y mag-eenroll siya ulit. Naniniwala siyang iyon lang ang susi para makaahon sila sa hirap. Habang nag-aaral ang mga kapatid niya’y mag-aaral din siya.

“Lola, kain lang nang kain ha?” sabi niya.

Napangiti naman ang lola niya. “Salamat, apo, kumain ka na rin, o, sobra pa ito sa amin,” sagot ng lola niya.

“Sige po, mauna na kayo. Huwag niyo po akong alalahanin.”

Niyakap siya ng matanda. “I love you, apo. Palagi ka na lang nagsasakripisyo para sa amin ng mga kapatid mo,” anito.

“Mahal na mahal ko rin kayo, lola, kayo ng mga kapatid ko. Lahat ay gagawin ko para sa inyo,” tugon niya saka niyakap din ito.

Kahit anong sabihin ng mga tao sa lola niya ay wala siyang pakialam. ‘Di nga niya alam kung bakit paboritong pagtsismisan ng mga kapitbahay nila ang lola niya na kesyo pokp*k ito at malandi kaya nagmana rito ang nanay niya kaya sila iniwan at sumama sa ibang lalaki. Hindi niya alam kung bakit hindi matapos-tapos ang isyu, kung saan nanggagaling ang ganoong usap-usapan samantalang kilala niya ang lola niya, napakabait nito at nag-iisa lang naman ang lolo niya sa buhay nito kaya nagtataka siya kung bakit ayaw tantanan ng mga tsismos’t tsismosa ang matanda. Kung sa nanay niya, naniniwala siya na pwedeng gawin iyon pero ang lola niya, imposible!

Isang gabi, kagagaling lang niya sa bahay ng isa sa mga kapitbahay na nagpalaba sa kaniya. Naglalakad siya papalapit sa barung-barong nila at napabilis ang mga hakbang niya nang mapansing maraming tao roon. Parang may nagsisigawan.

“Kasalanan mo itong matanda ka! Kung ‘di dahil sa iyo ay hindi magiging pokp*k ang anak mong si Nerissa! Ikaw ang ugat ng kalandian dito!” sigaw ng babae na walang habas na pinagsasasampal ang lola niya. Nakita pa niyang halos mapaluhod na ito sa sahig.

“M-Maawa ka sa akin…a-ano bang sinasabi mo?” pakiusap ng matanda.

“Nagmamaang-maangan ka pa? Eh ikaw ang puno’t dulo ng kakatihan dito sa lugar natin! Alam kong itinatago mo ang anak mong pokp*k, kaya ilabas mo na siya kung ayaw mong madamay kang matanda ka!” gigil na gigil na sabi ng babae.

Sinubukang umawat ni Joy pero lalong nagwala ang baabae at pinagtatadyakan pa ang lola niya.

“Huwag na huwag kang makikialam, huwag mong ipagtatanggol ang lola mong malandi! Pinagtatakpan niya ang nanay mong pokp*k!” sabi nito sa kaniya. Nang malingat ito ay nakakuha ng tiyempo ang lola niya, kahit mahina na ang katawan nito’y pilit itong tumayo at nagmamadaling lumabas sa bahay nila. Ngunit ‘di napansin ng matanda ang nakausling bato sa daraanan kaya natapilok ito at bumagsak sa lupa. Nabagok ang ulo nito sa isa pang malaking bato. Nakita niyang dug*an ang ulo ng lola niya.

“Tulong! Tulungan niyo si lola!” sigaw ni Joy.

Wala man lang nagtangkang tumulong sa mga kapitbahay niya. Nagpalakpakan pa ang mga tsismosa niyang kapitbahay at ang sabi…

“Nakarma rin ang pokp*k na matandang ‘yan,” natatawang sabi ni Aling Chichay.

Mabuti na lang at may mga dumating na tanod na nagmagandang loob at dinala sa ospital ang Lola Biring niya pero hindi na ito umabot pa roon, binawian na ito ng buhay dahil masama ang pagkabagok ng ulo nito.

Wasak na wasak ang puso ni Joy. Nasawi ang lola niya nang walang kalaban-laban sa mga mapanirang tsismis na ibinabato rito.

Makalipas ang ilang taon…

“Ipinatawag niyo raw po ako, ma’am?” tanong ni Emily, ang assistant niya.

Sampung taon na ang nakakaraan. Pagkalibing sa lola niya noon ay inialis niya sa lugar na iyon ang mga kapatid niya. Lahat ay dinanas nila, lahat ng trabaho ay pinasukan niya makapag-aral lang. Nang makatapos sa kolehiyo ay agad siyang naghanap ng trabaho at natanggap naman siya dahil pasado siya sa board exam.

Masuwerte siyang napili ng kumpanya na ipadala sa ibang bansa dahil isa siya sa pinakamahusay na interior designer. Nanatili siya roon ng dalawang taon. At heto nga siya, nais niyang balikan ang Lola Binyang niya. Sa edad na otsenta y siyete anyos ay malakas pa rin ang katawan nito. Ito na lang rin ang nag-iisa nilang kamag-anak. Pumanaw na rin kasi ang Tiyo Carding niya dahil sa atake sa puso noong nakaraang taon. Mag-isa na lang ito sa buhay. Ni hindi sila nakapagpaalam rito nang umalis silang magkakapatid.

Nais niyang kunin na ang matanda at iahon ito sa hirap. Ngayon ay mayaman na siya, may sarili nang bahay at kotse, nagpapatakbo na rin siya ng negosyo na may kinalaman sa pagdidisensyo ng bahay. Napaka-successful na niya kaya kayang-kaya na niyang kunin ang isa pa niyang lola, ang kakambal ng Lola Biring niya.

“Handa na ba ang lahat, Emily?” tanong niya sa kaniyang assistant.

“Yes ma’am. Okay na po. Nakahanda na po ang kwarto ng lola ninyo,” sagot ng babae.

Pagkatapos niyon ay pinuntahan na niya ang bahay ng Lola Binyang niya. Nilakasan niya ang loob na bumaba ng kotse.

“Huwag mo na akong samahan, Emily. Maiwan ka na dito sa kotse,” wika niya sa assistant.

Kinatok niya ang bahay ng matanda at tuwang-tuwa ito nang makita siya. Minasdan siya mula ulo hanggang paa, bago siya niyakap.

“Diyos ko, ang paborito kong apo! Sabi ko na nga ba at hindi mo ako makakalimutan, eh. Sabi na nga ba at babalikan mo ako rito,” anito.

“Oo naman po, Lola Binyang. Kapatid po kayo ni Lola Biring kaya pamilya na rin namin kayo. Mag-empake na kayo, lola at isasama ko na kayo sa bahay namin. Iaalis ko na kayo sa hirap,” sagot niya.

“Naku, salamat apo! Asensado ka na talaga, ano?” masayang sabi nito saka nagmamadaling naglagay ng mga damit sa maleta.

Pabalik na sila sa kotse nang may pamilyar na mukha siyang nakita. Naglalakad ang babae palapit sa kanila, si Aling Yolanda, ang babaeng sumugod, nanakit at ang dahilan ng pagkawala ng Lola Biring niya.

Pipigilan sana siya ng Lola Binyang niya pero mabilis niyang nilapitan ang babae. Galit na galit siya rito.

Nagulat pa nga ito nang makilala siya. Imbes na magalit nang makita siya nito ay mangiyak-ngiyak itong humingi ng tawad sa kaniya.

“Patawarin mo ako! Hindi ko sinasadya ang nangyari sa Lola Biring mo. Mali pala ang sabi-sabi sa kaniya ng mga tao na masama siyang babae. Ang akala ko kasi ay itinatago niya ang nanay mong kabit ng asawa kong si Ronnie. May nakapagsabi kasi sa akin na kinakampihan at alam ng Lola Biring mo kung saan nagtatago ang nanay mo kaya sinugod ko siya noong araw na iyon at pilit na pinaaamin.Pero ang nanay mo mismo ang nagsabi sa akin na walang kinalaman ang lola mo sa pagtatago nila ng asawa ko. Pinuntahan niya ako sa bahay at sinabing iniwan na rin siya ng mister ko at sumama ulit sa ibang babae. Hinahanap nga niya kayong magkakapatid at halos humagulgol siya ng iyak nang malamang wala na ang lola mo. Bigla na lang siyang nagtatakbo palayo at hindi ko na alam kung saan siya nagpunta. Pinagsisisihan ko na ang ginawa ko noon sa Lola Biring ninyo. Habang buhay kong dadalhin sa konsensiya ko ang kasalanan ko sa inyo. Napakasama kong tao,” hagulgol ng ginang.

“S-sinong tsismosa ang nagsabi sa iyo ng kasinungalingan tungkol sa lola ko? Nasawi ang lola ko dahil sa maling paratang at tsismis!” galit na galit na sabi niya.

At itinuro ng babae ang taong nagpakalat ng maling balita. Ang taong tunay na may kasalanan sa pagkawala ng lola niya.

“Siya, si Aling Binyang!” sigaw ni Aling Yolanda.

Napalingon siya sa matanda. “L-Lola?” hindi makapaniwalang tanong niya.

Parang binuhusan ng kumukulong tubig ang Lola Binyang niya. Hindi malaman kung ano ang gagawin. Sa sobrang pagkataranta ay nagkandabulol-bulol pa ito.

“A-ang kapatid ko kasi…m-matagal na akong m-may lihim na galit sa kaniya, mula pa noon nang siya ang pakasalan ng lolo mo. M-matagal ko nang gusto si Erning pero mas pinili niya ang kakambal ko. N-nabiyayaan pa siya ng magandang anak, ang nanay mo, samantalang ako mukhang nognog sa itim ang anak kong si Carding. Nagkaroon pa siya ng mababait at matatalinong apo kaya nang makakuha ako ng tiyempo ay nagawa ko siyang siraan sa mga kapitbahay natin na isa siyang babaeng bayaran noon,” bunyag ng matanda.

Napamura si Joy sa mga natuklasan niya.

“T*ngina! Nawala si Lola Biring, ang sarili mong kapatid, nang dahil sa iyo!” puno ng hinanakit na sigaw niya. Ayaw na niyang masaktan pa ang matanda kaya umiiyak na naglakad na lang siya palayo.

Bigla siyang hinabol ng Lola Binyang niya, mahigpit na hinawakan siya sa braso.

“Uy, apo, ano na? Sorry na! Ano kasi…tapos na naman ‘yon, ‘di ba? Ilang taon na rin naman ang lumipas, sana mapatawad mo na ako. Kahit anong gawin natin ay hindi na maibabalik ang buhay ng kapatid kong si Biring. Huwag kang mag-aala, masaya na iyon sa langit kapiling ang asawa niya saka ‘di ba nangako ka sa akin na ihahango mo ako sa hirap? Isama mo na ako, apo. Ako na lang ang natitirang kamag-anak ninyong magkakapatid. Maawa ka na sa akin…” napatigil ito sa mabagsik na tingin niya.

“Maawa? Naawa ka ba kay Lola Biring na sarili mong kapatid? Tigilan mo na ako, baka kung ano pa ang magawa ko sa inyo!” mariiin niyang sabi.

Napatulala ito sa tinuran niya. Tuluyan na siyang sumakay sa kotse at umalis sa lugar na iyon.

Naiwan namang nagsisisi si Lola Binyang sa lahat ng kasalanang nagawa niya. Kahit pa lumuha siya ng dugo ay hindi na siya babalikan ni Joy. Kabayaran iyon sa masama niyang ugali.

‘Di pala pumunta roon si Joy para iahon sa hirap ang Lola Binyang niya, pumunta siya sa lugar na iyon para malaman ang buong katotohanan sa pagkawala ng Lola Biring niya. Muntik na siyang malinlang ng matanda.

Ipinahanap niya ang nanay niya sa imbestigador pero isang malungkot na balita pa rin ang bumungad sa kanilang magkakapatid, sumakabilang buhay na rin ito dahil sa isang malubhang sakit. Sayang, nakahanda na sana nilang patawarin ang kanilang ina sa mga pagkakamali nito noon pero huli na ang lahat, wala na rin ito.

Mula noon ay ibinuhos na lamang ni Joy ang pagmamahal niya sa mga kapatid. Wala na rin silang balita kung saan na naroroon ang Lola Binyang nila. Darating ang panahon na mapapatawad din nila ito kapag naghilom na ang sugat sa kanilang mga puso.

Advertisement