Inday TrendingInday Trending
Laging Inaasa ng Lalaki sa Baraha ng Pag-Ibig ang Pakikipag-Date; Dito Pala Niya Matatagpuan ang Babaeng Seseryosohin Niya

Laging Inaasa ng Lalaki sa Baraha ng Pag-Ibig ang Pakikipag-Date; Dito Pala Niya Matatagpuan ang Babaeng Seseryosohin Niya

Guwapo at matipuno si Joselito. Pagdating sa panlabas na anyo ay siguradong gugustuhin siya ng mga kababaihan pero mayroon siyang kapintasan, isa siyang sugalero. Lahat para sa kaniya ay nadadaan sa sugal.

“Hihiramin ko uli ang baraha mo ha, pare. Babangka uli ako sa sugalan,” sabi niya sa matalik na kaibigang sugalero rin na si Wilkins.

“Walang problema, Joselito. Basta, kapag nanalo ka ay partehan mo ako ha?” sagot naman ng lalaki.

Kung parehong ad*k sa sugal ang dalawa, may pagkakaiba naman sila pagdating sa larangan ng pag-ibig.

“Grabe ka, Joselito! Ang playboy mo naman! Kung sinu-sinong babae ang ka-date mo, a! Ako kasi, stick to one na ako sa asawa kong si Marina,” wika ng kaibigan niya.

Mahilig makipagkilala sa iba’t ibang babae ang binata. Dahil magandang lalaki ay matinik sa chiks at siya ang hinahabol ng mga ito. Pareho silang may trabaho ni Wilkins, computer programmer ang kaibigan at siya naman ay IT staff sa isang maliit na kumpanya.

“Iba na ang maraming pagpipilian, pare. Iba kasi itong kaibigan mo, may magnet ako sa mga babae kaya ako ang nilalapitan,” natatawa niyang sabi.

At dahil nga marami siyang babae sa buhay niya ay may naisip si Joselito.

“Pareho-pareho, singlalaki pala ng baraha ang mga litratong ibinigay sa akin ng walo kong siyota…para rin itong sugal eh, matapos kong balasahin ang mga ito ay dudukot ako ng isa. Kung kaninong litrato ang makuha ko ay siya kong ide-date,” nakangisi niyang sabi sa isip.

Ang masuwerteng babaeng nabunot niya ay si Vanessa, ang pinakamaganda sa mga babaeng nabola niya.

Maya maya ay kasama na niya ito sa sine. Pinanood nila ang paborito nitong pelikula pero siyempre, hindi lang panonood ang ginawa nila sa sinehan. Pagkakataon na niya iyon para maka-iskor kay Vanessa.

“Bigay na bigay ang loka! At pihong tulad din siya ng iba, kapit-tuko kung yumakap! Hayyy…saraap! Ganito rin kaya ang ang sunod kong makaka-date?” bulong niya sa sarili habang hinahalikan sa labi ang babae.

Pagkatapos nilang maglapl*pan sa loob ng sinehan ay ipinagpatuloy nila ang ligaya sa motel. Tuwang-tuwa naman si Joselito dahil mabilis niyang nakuha ang gusto niya kay Vanessa.

Mula noon ay nakawilihan na ng binata ang pamamaraang iyon. Napapasakaniya ang mga babaeng dyinodyowa niya hanggang sa…

“Isa na lang ang hindi ko pa nakakasama, si Janina. Hindi lumalabas-labas sa baraha, eh!” sabi niya sa isip.

Si Janina ang hindi masyadong kagandahan sa walong siyota niya pero ewan ba niya kung bakit kay gaan-gaan ng loob niya rito. Kapitbahay nila ang babae, mabait ito at mapagmahal sa pamilya. Ito ang mag-isang nagtatrabaho para sa magulang at mga kapatid. Isa itong call center agent.

Minsan ay naikuwento ni Joselito sa kaibigang si Wilkins ang tungkol sa ginagawa niyang pamamaraan ng pakikipag-date. Ang tinatawag niyang ‘baraha ng pag-ibig’.

“Tipong mahiyahin kasi ang gusto ko, eh. Ewan ko lang si Janina, ‘di ko pa kasi naide-date,” sabi niya.

“At baraha na pala ng pag-ibig ang inaatupag mo, ha! Eh, bakit kasi hindi ka pa pumili sa kanila ng pakakasalan mo? Panahon na siguro para mag-asawa ka na, pare,” tugon ng kaibigan.

Hindi naman sumagot ang binata, tila naguguluhan pa rin. Hindi naman nagtagal sa bahay nila si Wilkins at nagpaalam na.

“Teka, pare, ang tunay na baraha mo isasauli ko na. Dito na lang ako sa baraha ng pag-ibig ko, ” natatawa niyang sabi.

“Okay pare.”

Pero malayo na ang lalaki nang mapansing…

“A-Aba! Mga litrato ito ng siyota ni Joselito, a! Ito ang naibigay niya sa akin at hindi ang aking mga baraha,” gulat na sabi nito.

Maya maya…

“Wilkins, sandali!”

Si Janina ang tumawag sa kaniya.

“Pakibigay naman itong mga litrato ko sa kapatid mo. Sabi niya kasi ie-edit niya mga ‘yan, eh para sa ginagawa kong personal portfolio. Pakisabi iyan na lang ang maayos kong mga litrato kasi ibinigay ko na ‘yung isa sa boyfriend ko,” sabi nito. Matalik na kaibigan ng kapatid niyang babae si Janina.

Nang makita ni Wilkins ang litrato ng babae ay may pumasok sa isip niya.

“Ito ang litrato niya na kasama sa mga litrato ng mga siyota ni Pareng Joselito. Teka, may gagawin ako.”

Bumalik siya sa bahay ng kaibigan.

“Pare, ‘yung baraha ng pag-ibig mo ang naibigay mo sa akin. O, eto isauli ko sa iyo,” aniya.

“Mabuti’t ibinalik mo. Matagal na akong walang ka-date, pipili na ako diyan,” sagot ng lalaki.

Nang makaalis si Wilkins ay muli niyang tiningnan ang hawak na baraha ng pag-ibig at…

“Uy! Natiyempuhan ko rin! Si Janina na ngayon!” tuwang-tuwa niyang sambit sa sarili.

Kaya ang babae na nga ang sunod niyang idineyt dahil ito palagi ang lumalabas sa baraha kapag binabalasa niya. Pero ‘di tulad ng iba niyang chik ay kakaiba ang naramdaman niya kay Janina. Ibang-iba ito sa mga babaeng naka-date niya. ‘Di niya maintindihan kung bakit, pero si Janina na ang babaeng hinahanap niya. Bukod sa mahinhin ito ay napakabuti pa ng puso. Sa lahat nga ngbabae na dyinowa niya, ang babae ang gustung-gusto niyang kasama, masaya siya kapag si Janina ang kausap niya. Kaya nga nirespeto niya ito at iginalang.

Napagtanto niya na ito na ang babaeng ihaharap niya sa altar. Ang napili niya bilang maging asawa at ina ng kaniyang magiging mga anak. Nakipaghiwalay siya nang maayos sa iba niyang siyota at namanhikan na siya sa pamilya ng nobya. Ipinagtapat naman niya rito ang mga naging kahinaan niya noon pero nangako siyang magbabago na. Dahil mahal din siya ng kaniyang nobya ay napatawad at tinaggap siya nito nang buong-buo. Itinigil na rin niya ang pagiging sugalero para sa pagbuo niya ng sariling pamilya.

Sa araw ng kasal nina Joselito at Janina…

“Pareng Wilkins, siya ang pinakasalan ko dahil siya na ang nararapat para sa akin,” sabi niya sa kaibigan.

“Alam ko, pare. Bestfriend siya ng kapatid kong si Hershey, eh ‘di ba, bunso?” nakangising sabi ng lalaki.

“Oo, kuya. Congratulations and best wishes sa bagong kasal,” sabi naman ng kapatid ni Wilkins.

“A-ano, bestfriend ng kapatid mo ang asawa ko?!” gulat na sabi ni Joselito.

“Tumpak! Inalis ko ‘yung ibang litrato sa baraha ng pag-ibig mo at ang ipinalit ko ay puro litrato ni Janina sa baraha mo,” tugon ng kaibigan saka malakas na humagalpak ng tawa.

Nanlaki ang mga mata niya. “Kaya pala laging si Janina ang lumalabas sa baraha eh, ikaw pala ang dahilan, loko ka!”

“Ngayong wala na ang baraha ng pag-ibig, siguraduhin mo na ako na ang one and only mo ha?” sabad ni Janina saka kinurot sa tagiliran ang mister.

“Oo naman, darling. Hindi lang ikaw ang one and only ko, ikaw ang aking forever,” sagot niya.

Naging sugal man para kay Joselito ang panliligaw noong una, nahanap naman niya ang tunay na kaligayahan sa katauhan ng kaniyang misis na si Janina, nang dahil sa baraha ng pag-ibig na kaniyang nilikha.

Advertisement