Inday TrendingInday Trending
Para Makalimot sa Bigong Pag-Ibig ay Ginawang Panakip-Butas ng Binata ang Dalagang May Pagtingin sa Kaniya; Sa Huli ay Mahuhulog Din Siya Rito

Para Makalimot sa Bigong Pag-Ibig ay Ginawang Panakip-Butas ng Binata ang Dalagang May Pagtingin sa Kaniya; Sa Huli ay Mahuhulog Din Siya Rito

Matagal nang nanliligaw si Samson kay Bernadette. Nagkakilala sila sa pinagtatrabahuhan nilang kumpanya sa Makati. Pareho silang office clerk ng dalaga. Nagustuhan ng binata si Bernadette dahil simple lang ito, mabait at siyempre, maganda.

Ngunit hindi niya inasahan na sa tagal ng panunuyo niya rito ay luha at kabiguan lang pala ang aanihin niya. Napatunayan niya iyon nang ibigay na ng dalaga ang sagot sa matagal na niyang hinihintay…

“I hope you understand…hindi ikaw ang mahal ko, Samson,” diretsang sabi ni Bernadette.

“N-Naiintindihan ko,” malungkot niyang sabi.

Halos siyam na buwan din siyang umasa na sasagutin siya ng dalaga pero mali ang akala niya.

“Kabiguan pala ang kapalit ng lahat? Oh, Bernadette…sana’y hindi ka na lang nagpakita ng kabutihan sa akin, para hindi na ako umasa,” sambit niya sa isip.

Sa pagbalewala ng dalaga sa nararamdaman niya ay sobra siyang nasaktan. Sa kaniyang pag-iisa ay doon pumatak ang luha niya. Dinaan na lang niya sa paglalasing ang sama ng loob niya na nagmumula sa kaibuturan ng kaniyang puso.

“O, kailan kita malilimot, Bernadette?” tanong niya sa sarili habang tinutungga ang alak sa hawak niyang baso.

Makalipas lang ang isang buwan ay ikinasal na si Bernadette sa manliligaw nitong si Mike. Mas pinili nito ang lalaki, ang supervisor nila sa opisina. Sa isip nga niya ay mataas kasi ang posisyon sa kumpanya kaya iyon ang sinagot ni Bernadette samantalang siya, hamak na clerk lang. Mas mabibigyan nga naman nito ng mas maayos na buhay ang babae kaysa sa kaniya na maliit lang ang sahod. Ginamit lang ni Bernadette ang utak sa pagpili ng mapapangasawa. Hindi niya napigilan ang sarili na pumunta sa kasal ng mga ito, kahit durog na durog ang puso niya’y sinulyapan niya sa huling pagkakataon ang babaeng pinakamamahal niya.

Ilang linggo na rin ang matuling lumipas. Alam ni Samson na isang kabaliwan kung hindi niya lilimutin si Bernadette pero…

“P-paano? Hanggang ngayon ay siya pa rin ang nasa puso at isip ko,” bulong niya sa isip.

Isang araw, habang naglalakad-lakad si Samson sa mall dahil gusto niyang libangin ang sarili ay nakasalubong niya ang isang dating kakilala…

“S-Samson? Ikaw nga ba?” sabi ng babae.

“Daisy!”

Si Daisy ay ang dati niyang kasama sa unang kumpanyang pinagtrabahuhan niya. HR Assistant doon ang babae at office staff naman sya. Nag-resign siya sa dating opisina dahil mas mataas ang sahod niya sa nilipatang kumpanya. Mula noon ay hindi na sila nagkita, nagkakausap lang sila sa peysbuk. Malapit din sa kaniya ang babae, mabait din ito at magaling makisama. Alam din nito ang tungkol sa kanila ni Bernadette dahil minsan ay napagkukuwentuhan nila ito.

“Kumusta ka na? I mean, kayo ni Bernadette?” tanong ng babae.

“May asawa na siya, Daisy,” tugon niya.

“I’m sorry…hindi ko alam,” paghingi nito ng paumanhin sa sinabi.

“It’s alright. Tapos na naman iyon,” sabi niya.

Kinagabihan, isang paraan ng paglimot ang naglalaro sa isip ni Samson…

“Alam kong may gusto siya sa akin noon. Pipilitin kong sa pamamagitan niya’y malimot ko si Bernadette,” sabi niya sa isip.

May pagtingin sa kaniya ang babae pero hindi nito ipinilit ang sarili sa kaniya dahil alam ng dalaga na iba ang mahal niya at nirerespeto nito ang nararamdaman niya kaya mas pinili na lamang nitong maging magkaibigan sila. Sa pagkakataong ito, naisip niyang si Daisy ang gagawin niyang pananggalang sa kaniyang kalungkutan. Gagawin niya itong panakip-butas.

Mas naging malapit siya sa babae, palagi niya itong sinusundo sa opisina nito sa tuwing oras ng uwian. Niyayaya rin niya itong lumabas para kumain at mamasyal.

“Nainip ka ba? Sorry ha? May ipinatapos pa kasi ang boss ko, eh,” sabi ni Daisy nang magkita sila sa mall.

“Okey lang. Kakaratng ko lang naman, eh,” aniya.

At hindi nga siya nagkamali…habang tumatagal na nakikilala niya nang lubos ang babae ay unti-unting nahuhulog ang loob niya rito. Hindi kasi mahirap mahalin si Daisy.

“I can’t be wrong. Umiibig na nga ako kay Daisy. Sa pagkakataong ito’y titiyakin kong wala nang kabiguang darating sa akin,” sambit niya sa sarili.

Ngunit ang kabiguan ay tulad sa aninong ayaw humiwalay kay Samson kaya nang ipagtapat niya ang nararamdaman niya kay Daisy…

“I’m sorry, Samson pero may boyfriend na ako, eh. Nasa abroad siya ngayon. Iyan ang dahilan kung bakit nililibang ko ang aking sarili sa pakikipagkaibigan sa iyo,” pagtatapat ng babae.

“D-Daisy…”

“Alam ko rin namang ginagamit mo lang ako para malimot mo si Bernadette,” hayag pa nito.

“P-pero totoong mahal na kita, Daisy! In fact, I’m willing to marry you,” sagot niya.

Malungkot na napatungo ang babae. “It’s too late, committed na ako sa kaniya. I’m sorry,” saad pa ni Daisy.

Lulugu-lugong umuwi si Samson. Wasak na naman ang puso niya sa ikalawang pagkakataon, tila kinarma siya sa balak niyang gawing panakip-butas si Daisy. Sa kaniya tuloy bumalik.

“Kung nagawa kong limutin si Bernadette dahil sa iyo…magagawa ko ring limutin ka dahil sa ibang babae, Daisy,” wika ng binata habang nlilunod na naman ang sarili sa alak.

Hahanap uli siya ng ibang babae…para malimot niya si Daisy.

“Ang hindi ko lang matiyak ay kung makakakita pa ako ng katulad niya,” aniya.

Marami pang katulad ni Daisy, ngunit nag-iisa lang ito sa puso ni Samson. Natutuhan na niyang mahalin ang babae. Hindi na ito maalis sa puso at isip niya. Kung si Bernadette ay nakalimutan na niya, pero hindi si Daisy, tila ba nakatatak na ang pangalan nito roon.

“I can’t forget her. Oh, Daisy…hindi na lang sana tayo nagkitang muli.”

Isang araw, muli silang nagkasalubong ni Daisy. Kasalukuyang namimili sa grocery ang binata.

“Samson?”

“Huh? Daisy!”

“Sadyang pinagtatagpo talaga tayo ng pagkakataon, Samson. Aaminin ko sa iyo, mahal din kita. Nang muli kitang makita’y muling nabuhay ang damdamin ko para sa iyo pero hinahadlangan iyon ng pagkakaroon ko ng boyfriend pero sa pagkakataong ito…wala nang makakapigil sa nararamdaman natin sa isa’t isa,” sabi ng babae.

Napamulagat si Samson. “A-anong ibig mong sabihin, Daisy?”

“Wala na si Earnest, nagpakasal na siya sa ibang babae sa Amerika. May pag-asa pa rin ba ako sa puso mo?” wika ng babae.

Hinawakan ni Samson ang mga kamay ni Daisy. “Oo naman, Daisy. I tried my best na limutin ka nang malaman kong committed ka na pero hindi ka mawala sa puso at isip ko, ikaw ang nilalaman nito. Mahal kita, Daisy. Mahal na mahal.”

Ipinagpatuloy pa rin ni Samson ang panliligaw kay Daisy, ‘di nagtagal ay sinagot na rin siya nito. Bakit pa ba nito papatagalin eh, pareho naman ang pintig ng kanilang mga puso sa isa’t isa. Makalipas ang apat na buwan ay nagpakasal na sila at bumuo ng sarili nilang pamilya.

Kung noon ay lumuha ang puso ni Samson dahil sa kabiguan, ngayon ay dahil na sa kaligayahang handog sa kaniya ng pinakamamahal niyang asawa na si Daisy.

Advertisement