Inday TrendingInday Trending
Nagagalit Siya Tuwing Nahuhuli sa Takdang Oras ang Kaniyang Asawa dahil sa Pag-aayos ng Sarili; Nasampal Siya ng Katotohanan ng Kaniyang Biyenan

Nagagalit Siya Tuwing Nahuhuli sa Takdang Oras ang Kaniyang Asawa dahil sa Pag-aayos ng Sarili; Nasampal Siya ng Katotohanan ng Kaniyang Biyenan

Magkasintahan palang sila, inis na inis na ang binatang si Harold sa tuwing siya’y pinaghihintay ng kaniyang nobya. Lalo na kung ang rason lang ay dahil sa pag-aayos nito ng sarili.

“Ano ka ba naman, Jessa? Hindi mo ba kayang kumilos nang mabilis? Nagtatakda ka ng oras ng pagkikita natin tapos mahuhuli ka ng isang oras dahil lang sa paglalagay ng make-up, pagkukulot ng buhok mo o pamimili mo ng damit! Kung gan’yan ka nang gan’yan, huwag na tayong magkita!” sigaw niya rito, isang araw nang muli na naman itong mahuli sa kanilang pag-uusap.

“Pasensya na, mahal, gusto ko kasing maging maganda ang itsura ko tuwing magkikita tayo,” paliwanag nito habang inaayos pa ang sariling buhok.

“Para saan? Para mapansin ka ng ibang lalaki?” galit niya pang tanong dito na ikinatahimik na lamang nito.

Naulit nang naulit ang gawaing iyon ng kaniyang kasintahan na nagbigay na sa kaniya ng rason upang naisin na niya itong hiwalayan.

“Dahil lang doon, hihiwalayan mo ako, Harold?” mangiyakngiyak na tanong nito.

“Oo! Kung ayaw mong maghiwalay tayo, huwag ka nang mag-ayos ng sarili mo at dumating ka sa tamang oras tuwing lalabas tayo!” sigaw niya rito at laking gulat niya nang siya’y bigla nitong yakapin.

“Sige, kung ‘yan ang gusto mo, huwag mo lang akong iiwan. Pangako, hindi na ako mahuhuli sa lahat ng pagkikita natin,” hikbi nito na para bang takot na takot na siya’y mawala na labis niyang ikinatuwa.

Katulad ng kagustuhan niya, hindi na nga kailanman nahuli sa kanilang mga pagkikita ang naturang dalaga hanggang sila’y magpasiya nang magpakasal, gumawa ng sariling pamilya at manirahan sa iisang bahay.

Laking tuwa niya naman nang makita niya ang malaking pagbabago sa asawa nang sila’y magkaroon na ng anak. Bukod sa bumilis na itong kumilos, lumabas pa ang tinatago nitong kasipagan. Naglilinis ito ng bahay kahit hindi niya sabihan, naglalaba at nagluluto ng kanilang pagkain na talagang nagpapagaan ng kaniyang buhay bilang padre de pamilya.

Kaya lang, habang lumalaki ang kanilang anak, napansin niyang tila biglang tumanda ang mukha ng kaniyang asawa. Nagkaroon ito ng ilang mga guhit sa noo, laylay na ang dibdib nito, at sobra nang gaspang ang mga kamay nito.

“Jessa, isa pa lang ang anak natin, mukha ka nang losyang! Paano pa kaya kung madagdagan pa ‘yan, ha?” inis niyang sabi rito, isang gabi pagkauwi niya sa bahay at tila pagod na pagod ang mukha nito habang karga-karga ang umiiyak nilang anak.

“Anong gagawin ko, Harold? Hindi ko na magawang mag-ayos ng sarili dahil dito sa anak natin. Hanggang sa banyo nga sinusundan ako nito,” paliwanag nito habang panay ang paghele sa bata.

“Rason ba ‘yan? Nakakahiya kang makasama sa paglakad sa kalsada! Baka akalain ng mga tao, nanay kita!” sigaw niya sa pa, kukuha na sana siya ng tubig sa kanilang kusina nang makita niya roong nagluluto ang kaniyang biyenan.

“Sino bang nagsabi sa kaniyang huwag siyang mag-ayos? Sino bang inip na inip tuwing nagpapaganda siya, ha? Hindi ba’t ikaw? Alam mo, Harold, walang problema sa itsura ng anak ko! Natural lang ‘yan sa isang ina, lalo na kung ang asawa ay isang katulad mo! Ikaw ang problema sa relasyon niyo! Hindi ang anak ko, hindi ang itsura niya at lalong hindi ang bagal niyang kumilos! Sadyang kasing kitid lang ng pasensya mo ang utak mo!” sigaw nito sa kaniya saka agad na inempake ang damit ng kaniyang mag-ina, “Hangga’t gan’yan ang ugali mo, hindi ko kayang ipagkatiwala sa’yo ang anak at apo ko!” sabi pa nito saka agad na hinila palabas ang kaniyang mag-ina, gusto man niya sanang habulin ang mga ito, hindi niya magawang maihakbang ang kaniyang mga paa dahil para ba siyang sinampal ng katotohanan ng kaniyang biyenan.

Pinalipas niya ang gabing iyon upang siya’y makapag-isip-isip. Sa pag-iisa niya sa silid na dati ay maingay dahil sa kaniyang mag-ina, napagtanto niya kung gaano niya pinahirapan ang kaniyang asawa at kung paano niya pinutol ang kagustuhan nitong magpaganda.

Kaya naman, pagkagising na pagkagising niya kinabukasan, agad siyang nagpunta sa mall upang ibili ng mga make-up, bagong damit, bag, sapatos at kung ano pang pampaganda ang kaniyang asawa saka niya ito sinundo sa bahay ng kaniyang biyenan.

Sa kabutihang palad naman, kalmado na no’n ang kaniyang biyenan at nang makitang seryoso siya sa paghingi ng tawad, agad din nitong pinayagang sumama sa kaniya ang mag-ina.

“Isang beses ko pang makitang gan’yan ang itsura ng anak ko at malamang pangit na ugali na naman ang kinakalat mo sa bahay niyo, babawiin ko ulit sila at sa oras na iyon, hindi mo na sila makukuha ulit!” panakot nito sa kaniya.

“Opo, mama, makakaasa po kayong gagawin ko na po nang tama ang responsibilidad ko. Pasensya na po kayo ulit,” magalang niyang sabi saka agad na niyakap ang kaniyang mag-ina.

Simula noon, imbes na pigilan ay sinuportahan na niya ang kaniyang asawa sa pagpapaganda. Tinulungan niya na rin ito sa mga gawaing bahay at pag-aalaga ng kanilang anak. Ilang minuto man ang tinatagal nito sa pag-aayos ng sarili, ni katiting na reklamo ay wala siyang sinasabi rito dahil tuwang-tuwa siya sa malaking pagbabago nito.

Advertisement