Hindi Siya Nagpakita ng Pagmamahal sa Asawa Kahit Nag-aagaw Buhay Ito; Wala Tuloy Siyang Mana, Galit pa ang mga Anak sa Kaniya
Alam man ng ginang na si Shin na anumang oras ay maaari nang mawala ang kaniyang asawa dahil sa sakit nito sa puso, patuloy pa rin siyang sumubsob sa trabaho niya bilang isang manager. Bukod pa rito, hindi pa siya naglaan kahit ilang minuto kada araw habang buhay pa ito upang makausap lamang ito.
Katwiran niya, “Hindi naman siya gagaling kapag inalagaan ko siya o kinausap. Kahit ano namang gawin ko, kukuhanin na talaga siya ng Panginoon. Bakit pa ako mag-aaksaya ng oras, ‘di ba? Mas mabuti pang magtrabaho na lang ako, tataas na ang ranggo ko, kikita pa ako ng pera!”
Sa kabila ng katwiran niyang ito, wala pa ring araw na hindi siya kinukulit ng kaniyang mga anak na lumiban muna sa pagpasok sa trabaho upang makausap niya nang masinsinan ang kaniyang asawa.
“Mama, hindi natin sigurado kung hanggang kailan na lang ang itatagal ni papa. Nand’yan lang naman siya sa ospital sa kabilang barangay, dalawin mo na siya, mama, bago mo pa pagsisihan ang lahat,” pangungumbinsi ng bunso niyang anak.
“Alam mo, bunso, mas magsisisi pa ako kapag hindi tumaas ang ranggo ko sa trabaho dahil sa pagliban na gusto niyong mangyari ng mga kapatid mo! Kapag ba nawala ‘yang tatay mo, sino ang aasahan niyo? Ako na lang, ‘di ba? Kaya kailangan kong kumita ng pera!” paliwanag niya rito habang siya’y naglalagay ng lipstick.
“Mama, pera ba talaga ang mas importante sa’yo? Hindi ka ba malulungkot kapag nawala ang papa?” mangiyakngiyak na nitong tanong.
“Bakit ako malulungkot? Magkikita naman kami ulit niyan sa langit. Saka sa tinatagal-tagal ng pagsasama namin, sawang-sawa na ako sa kaniya!” patawa-tawa niya pang sabi saka agad na nagmadaling imisin ang kaniyang mga gamit, “O, siya, kapag nagpunta ka sa tatay mo, i-lock mo itong bahay, ha? Alis na ako,” sabi niya pa saka dali-dali na ring umalis ng kanilang bahay.
Ilang araw pa ang lumipas, habang siya’y nasa trabaho, nakatanggap na lang siya ng mensahe mula sa tatlo niyang mga anak na wala na nga ang kanilang padre de pamilya at imbes na siya’y malungkot o magluksa, agad niya pang sabi sa mga ito, “Sige, mga anak, ayusin niyo na ang burol ng tatay niyo. Abala ako rito sa trabaho, kayo nang bahala,” na talagang ikinagalit ng mga ito.
Sa isang linggong burol ng kaniyang asawa, isang beses lamang siya sumilip dito at wala pang ilang minuto, umalis na rin siya kaagad nang makatanggap ng tawag mula sa kaniyang mga katrabaho.
“Aalis ka na ba talaga agad, mama? Sigurado ka bang hindi ka magsisisi sa ginagawa mo?” tanong sa kaniya ng bunso niyang anak habang naghihintay siya ng taxi sa daan.
“Pwede ba, bunso, huwag ka munang magdrama ngayon? Marami akong kailangang gawin sa trabaho! Kapag natapos ko itong lahat, aangat na ang posisyon ko at iyon ang magiging daan para umasenso tayong mag-iina,” sabi niya pa rito saka agad nang sumakay sa taxi na tumigil sa kanilang harapan.
Kahit sa mismong araw ng libing ng kaniyang asawa, hindi pa rin siya nagpakita. Sabi niya pa sa sarili, “Sigurado namang maiintindihan ako no’n, para naman ito sa mga anak naming naiwan niya!”
Kaya lang, ilang araw pagkatapos ng libing nito, napansin niyang madalas na sama-samang umaalis ng bahay ang kaniyang tatlong anak. Kung dati ay palagi niya lang nakikitang nag-aaral ang mga ito sa kanilang sala, ngayo’y palagi nang walang tao ang kanilang bahay tuwing siya’y papasok sa trabaho!
Upang masagot na ang pagtataka niyang ito, tinawagan niya ang tangi niyang anak na kumakausap sa kaniya.
“Nasaan kayo ng mga kapatid mo, bunso? Bakit ang aga niyo na namang umalis ng bahay?” sunod-sunod na tanong niya rito.
“Nandito po kami sa bangko, mama, inaayos po namin kasama ang abogado ni papa ang mga perang ipinamana niya,” seryoso nitong sabi na talagang ikinalaki ng mga mata niya.
“Ano? May pamanang iniwan ang tatay niyo?” paninigurado niya, habang pinipigilan ang sarili sa labis na tuwang nararamdaman.
“Opo, malaki pala ang investment ni papa sa isang sikat na mall sa ibang bansa. Lahat iyon ay kinuha niya bago siya mawala at ipinasa niya sa mga pangalan namin,” sagot pa nito.
“Namin? Anong ibig mong sabihin, anak? Kayo lang ang binigyan niya ng mana? Wala ako?” pagtataka niya pa.
“Nasaan ka ba no’ng mga panahong naghihirap siya? Noong burol niya, noong libing niya, nasaan ka, mama? May karapatan ka ba talagang magtaka kung bakit wala kang pamana mula sa kaniya?” sigaw nito sa kaniya saka agad na binaba ang tawag na talagang ikinalamig ng kaniyang buong katawan.
Agad man siyang nagtungo sa bangkong iyon upang mapakiusapan ang abogado ng kaniyang asawa at kaniyang mga anak na bigyan siya kahit kaunting pamana, hindi siya pinahintulutan ng mga ito.
Sabi pa ng panganay niyang anak, “Hindi ba’t tataas na ang rangko mo sa trabaho? Lalaki na ang kita mo, ‘di ba? Bakit kailangan mo pa ng pamana? Solohin mo na lahat ng pera mo, hindi na namin ‘yan kailangan,” na labis niyang ikinadurog dahilan para mapaluhod siya sa harapan ng mga ito.
Kahit anong gawin niya, hindi na siya pinansin ng mga ito at ni piso ay walang binigay ang kaniyang mga anak sa kaniya dahilan upang ganoon na lamang siya magsisi at magsimulang bumawi sa mga ito. Hindi upang magkaroon ng parte sa mana kung hindi para muli niyang makuha ang loob at tiwala ng mga ito.
Kasabay nito ang araw-araw niyang paghingi ng tawad sa kaniyang asawa na araw-araw niya ring pinapanalangin.
Hanggang isang araw, paglipas ng ilang buwang pagbabawi niya sa mga ito, muli niyang nakuha ang loob ng mga ito na talagang ikinatuwa niya.
“Ayos lang na wala akong matanggap na mana, huwag lang mawala ang mga totoong yaman sa buhay ko,” iyak niya nang yayain siyang mamasyal ng mga ito sa unang pagkakataon.