Ayaw ng Babae na May Makapareho ng Porma; Isang Dalaga ang Tila ba Nagmukhang Kakambal Niya
Ganoon na lamang kung purihin ng dalagang si Mayeth ang kaniyang sarili. Kahit anong suot niyang damit, kulay ng kaniyang labi, o tingkad ng kaniyang buhok na halos buwan-buwan ay pinapalitan niya ng kulay, pakiramdam niya, siya ang pinakamagandang dalaga sa kanilang buong barangay’. Ika nga ng iba, siya raw ay GGSS na ang ibig sabihin ay ‘gandang-ganda sa sarili’.
Siya lang naman kasi ang natatanging dalaga sa kanilang lugar na nakakasunod sa uso dahil bukod sa may sarili na siyang trabaho kaya siya nakakabili ng mga nauusong gamit, nasa ibang bansa pa ang kaniyang mga magulang dahilan para kahit anong gustuhin niya ay kaniyang nakakamit.
Madalas mang magkulang ang pera niya sa pagkain ay ayos lamang sa kaniya dahil para sa kaniya, mas mahalagang maganda siya sa paningin ng kaniyang mga kabarangay o kung sino pang makakita sa kaniya sa daan kaysa sa kumakalam niyang sikmura.
May pagkakataon pa ngang habang siya’y pinagtitinginan ng mga dalagang kasing edad niya sa bus na sinasakyan niya patungong trabaho, bigla namang kumalam ang kaniyang sikmura na talagang ikinahiya niya.
“Hindi ka pa ba kumakain, miss?” tanong ng isang dalaga saka siya inabutan ng isang supot ng pandesal.
“Naku, hindi ko sikmura ‘yong narinig mo!” tanggi niya pa at dahil sa labis na kahihiyan, pinili niya na lamang tumayo upang makaiwas sa dalagang iyon.
Patuloy niya itong ginagawa sa kabila ng pagkalam ng kaniyang sikmura. Labis niyang tinitipid ang sarili sa pagkain habang todo waldas naman siya pagdating sa kaniyang mga luho.
Isang araw, habang siya’y abala sa pagbababad sa social media, may nakita siyang magandang damit na suot ng isang artista sa Korea kung nasaan ang kaniyang mga magulang at kahit hindi pa uso rito sa Pilipinas ang ganoong uri ng damit ay agad na siyang nagpabili sa kaniyang mga magulang upang siya ang unang dalagang makasuot nito sa Pilipinas.
Isang linggo lang ang kaniyang binilang, agad na ring dumating ang mga pinabili niyang mga gamit na talagang ikinatuwa niya.
“May mairarampa na naman akong bagong damit! May bago pa akong boots! Diyos ko, ako na talaga ang pinakamaganda sa buong Pilipinas!” sabi niya sa sarili saka agad nang naligo.
Dali-dali niya ring sinuot ang bagong damit niya, nagkulot ng buhok, naglagay ng make-up, at nagpabango saka na siya muling umalis upang magpunta sa kaniyang trabaho.
Kaya lang, pagkalabas na pagkalabas niya sa tinutuluyan niyang bahay, halos lumuwa ang mata niya nang makitang may dalaga sa bahay ng kapitbahay niya na may suot na damit na parehas na parehas sa kaniya! Kulot din ang buhok nito at nakasuot ng boots, hindi mapagkakailang para silang kambal sa pormahan nilang dalawa.
At dahil nga ngayon niya lamang ito naranasan, agad na nag-init ang ulo niya. Lalo pa nang makita niyang pinagbubulungan siya ng kanilang mga kapitbahay habang nakatingin sa damit niyang suot!
“Hoy! Sino ka ba, ha? Bakit ginagaya mo ang pormahan ko? Pati kulay ng buhok ko, pinarehas mo sa akin!” sigaw niya rito.
“Sino ka rin ba? Pasensya ka na, ha? Wala akong ginaya sa’yo, hija,” malumanay nitong tugon.
“Maka-hija ka riyan, akala mo sino kang matanda! Hubarin mo ‘yan bago pa ako mainis sa’yo!” bulyaw niya pa upang masabi sa mga kapitbahay na hindi siya ang gaya-gaya sa kanilang dalawa.
“Bakit ko naman huhubarin ang damit na ako mismo ang nagdisenyo at gumawa? Hindi ba’t dapat, ikaw ang maghubad at mahiya sa eskandalong ginagawa mo?” sagot nito na ikinapagtaka niya.
“Naku, Mayeth, tama na ‘yan. Ito nga pala si Scarlet, isa siyang Pinay na nagtatrabaho bilang personal na designer ng isang sikat na artista sa Korea,” sabat ng ginang niyang kapitbahay na agad niyang ikinahiya.
“Ah, eh, pasensya na po,” kamot-ulo niyang sabi.
“Ayos lang, nakakatuwa nga na sumisikat na ang disensyo ko. Ang akin lang, huwag ka sanang magalit kapag may naging kaparehas ka. Hindi lang naman ikaw ang may karapatang gumanda,” sabi nito sabay kindat sa kaniya, “Kumain ka rin, hija, mukhang namamayat ka na makasunod lang sa uso, eh,” dagdag pa nito nang muling umingay ang kaniyang sikmura dahilan para lalo siyang pagbulungan at pagtawanan ng kaniyang mga kapitbahay.
Dahil sa kaniyang kahihiyan, agad na lamang siyang umalis habang tinutuktukan ang kaniyang sarili. Tiyak mang matagal-tagal na eere sa kanilang lugar ang pangyayaring iyon, ngayo’y natutuhan niyang hindi lang siya ang dalagang may karapatang maging maganda at lalo’t higit, hindi niya kailangang piliting makabili ng mga mamahaling bagay kung kakalam naman ang kaniyang sikmura na makakapagbigay kahihiyan sa kaniya.
Mula nang mangyari iyon, naging wais na siya sa paggasta ng kaniyang pera. Kung dati ay sa mga mamahaling mall siya namimili, ngayo’y nagtitiyaga siya sa ukay-ukay kung saan siya nakakakita ng mga naggagandahang damit sa murang halaga.
Naging malapit din siya sa designer na nanirahan sa kaniyang kapitbahay ng halos isang buwan at siya’y ginawa nitong modelo sa bagong damit na nagawa nito na labis niyang ikinatuwa.
“Ngayon, maaari ko nang masabi na ako ang kauna-unahang dalagang makakapagsuot ng damit na ito! Sobrang ganda ko!” sabi niya sa sarili na ikinatawa na lamang ng naturang designer pati ng kaniyang mga kapitbahay na hangang-hanga sa kagandahan niya.