Inday TrendingInday Trending
Akala Niya’y Tunay na Pag-Ibig na ang Kaniyang Natagpuan, Iyon Naman Pala’y Pinagpustahan Lamang Siya; Paano na ang Bata sa Sinapupunan Niya?

Akala Niya’y Tunay na Pag-Ibig na ang Kaniyang Natagpuan, Iyon Naman Pala’y Pinagpustahan Lamang Siya; Paano na ang Bata sa Sinapupunan Niya?

“Manong, sa tabi na lang po,” ani Szylix sa multicab drayber at saka inabot ang pamasahe rito.

Huminto naman ang kaniyang sinasakyan at itinabi ito, bumaba ang drayber upang tulungan siyang kunin ang tatlong bag na sa may likuran banda inilagay.

“Naku! Takpan mong maigi iyang anak mo, ‘neng, at baka mahamugan! Kawawa naman,” nag-aalalang komento ng drayber.

Inabot na kasi sila ng kaniyang anak ng gabi sa biyahe, simple niyang sinilip ang relong pambisig at agad na napangiwi, pasado alas onse na pala ng gabi. Gising pa kaya ang kaniyang mga magulang sa mga oras na ito?

“Salamat po sa paghatid sa’min ng anak ko,” aniya at bahagyang yumuko upang magbigay galang sa mabait na ama ng kaniyang matalik na kaibigang kaniyang pinakiusapan na sumundo sa kaniya sa syudad dahil wala na siyang masasakyan pauwi sa bahay ng kaniyang mga magulang.

Tumango lamang ito at nagbilin ng ilang salita saka umalis. Nang tuluyang makaalis ang multicab ay malalim na bumuntong hininga si Szylix, hindi niya alam kung paanong ihaharap ang sarili sa kaniyang mga magulang, at mas lalong hindi siya handang makita ang reaksyon ng mga ito sa kaniya.

Pinayagan siya ng kaniyang mama at papa na lumuwas ng Cagayan De Oro upang ipagpatuloy ang kaniyang pagnanais na makapag-aral. Nangako siya sa mga ito na iuuwi niya ang tagumpay na matagal na inasam, makakapagtapos siya at maiaahon niya ang mga ito sa kahirapan. Ngunit totoong hindi kayang hulaan ang bukas, dahil imbes na tropeo ang bitbit niya’y isang sanggol.

“Szylix?!” gulat na sambit ng kaniyang inang mukhang naalimpungatan nang makita siya. “Ikaw ba iyan, anak?” paniniguro pa nito.

“Opo, inay,” mangiyak-ngiyak niyang tugon.

“A-Anong nangyari sa’yo?” gulat na tanong nito, ang mga mata’y nasa sanggol na kaniyang bitbit.

Tila nabulabog ang buong pamilya sa kaniyang pagdating at tama ang kaniyang hinala na tulog na ang lahat, nagising lamang noong nalamang dumating siya. Ngunit ang mas nakapagpagising sa mga ito ay ang balitang may dala siyang bata.

“Ano ba ang nangyari sa’yo, Szylix?” tanong ng panganay sa lahat, ang kaniyang Ate Xyrish.

Isa-isa niyang ipinaliwanag ang nangyari sa kaniya sa syudad at humihikbing humingi ng kapatawaran sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.

Nagsimulang gumulo ang lahat nang makilala niya noon si Antonio, ang ama ng kaniyang anak. Kaklase niya ito noon at tunay na may lihim siyang pagtingin sa lalaki, kaya naman noong ligawan siya’y hindi siya nagdalawang isip na sagutin ang lalaki. Umabot rin sila ng anim na buwan, saka niya ipinagkatiwala ang sarili, dahil akala niya’y tunay na pag-ibig ang kaniyang natagpuan. Ngunit ang magandang panaginip ay nauwi sa bangungot nang malaman niyang nakipagpustahan lamang pala ito sa mga kaibigan.

Nang makuha siya ni Antonio ay doon nagtapos ang pustahan nito sa mga kaibigan. Ngunit ang nangyari sa kanila’y nagbunga, nang kaniyang sabihin ritong ipinagbubuntis niya ang anak nito’y mariin nitong itinanggi sa kaniya na anak nito ang anak niya at nagsuhestyon pang ipal*glag niya ang anak. Ngunit imbes na sundin ito’y ipinagpatuloy niya ang pagbubuntis.

Nagtatrabaho habang nag-aaral si Szylix kahit malaki na ang kaniyang tiyan, tumigil lamang siya pansamantala noong araw na siya’y nanganak na. Umuwi siya ngayon sa kanilang probinsya upang makiusap na pansamantala’y alagaan na muna ng kaniyang pamilya ang kaniyang anak, at ipagpapatuloy niya ang pagtatrabaho habang nag-aaral.

“Paano kung gawin mo na naman ang pagkakamaling ginawa mo, Szylix? Uuwi ka na naman ritong may bitbit na sanggol at iiwanan sa’min upang alagaan, habang ikaw, nagpapakasarap sa malayo?” galit na wika ng kaniyang ate.

“Ate, hindi naging madali ang buhay ko sa syudad. Oo nagkamali ako, inaamin ko iyon, pero huwag niyo namang sabihin na wala na kayong tiwala sa’kin, ate,” mangiyak-ngiyak niyang wika. “Kung kaya ko lang hatiin ang katawan ko, ginawa ko na ate, pero hindi ko kaya, kaya naisip kong iuwi rito ang anak ko, kasi wala na akong ibang malalapitan kung ‘di kayo na lang na pamilya ko… huwag niyo naman sana akong tanggihan,” pumipiyok niyang wika.

Natahimik ang lahat sa kaniyang sinabi. Tila nalunok ng mga ito ang kaniya-kaniyang dila dahil walang ni isa man lang sa mga ito ang nais magsalita. Nanikip ang dibdib ni Szylix sa naging reaksyon ng sariling pamilya. Ngunit hindi naman niya kayang sisihin ang pamilya. Nabigo niya ang mga ito, natural lamang na magtampo ang mga ito sa kaniya.

“Ano ba ang plano mo, anak?” maya maya’y tanong ng kaniyang ina.

Humihikbing ipinaliwanag niya sa ina ang plano niya sa kaniyang buhay pati na rin sa kaniyang anak. Dalawang taon na lamang ang kaniyang bubunuin upang makatapos sa kolehiyo, at kahit ganito ang nangyari sa kaniya ay wala siyang balak na bitawan ang kaniyang pangarap. Magtatrabaho pa rin siya habang nagpapatuloy sa pag-aaral, tuwing biyernes ng gabi’y uuwi siya sa Lanao, at babalik siya ng Cagayan De Oro ng lunes ng madaling araw upang makasama ang kaniyang anak.

“Pangako, ma, pa, ate at kuya, hindi ko na kayo ulit bibiguin,” tumatangis niyang wika.

Tumayo ang kaniyang Kuya Xyrell at niyakap siya. “Ayos lang iyon bunso, ganoon talaga ang buhay, normal lamang na magkamali at tanggap ka namin kahit ano pa man ang mangyari sa’yo,” anito dahilan upang mas lalo lamang siyang maiyak.

Tumayo na rin ang iba pa niyang kapatid at niyakap siya nang mahigpit. Malaki ang ipinagpapasalamat niya sa kaniyang pamilya dahil hindi siya tinalikuran ng mga ito, bagkus ay tinanggap ng mga ito ang pagkakamali niya at pinangaralan siyang maging maingat na sa susunod.

Bumalik siya sa syudad upang ayusin ang sariling buhay. Ngayon ay may dahilan na upang huwag siyang maging masyadong padalos-dalos sa lahat ng kaniyang mga desisyon dahil may anak siyang umaasa sa kaniya. Nakikita pa rin niya si Antonio paminsan-minsan sa eskwelahan, ngunit hindi niya na ito binibigyang halaga. Nagpapasalamat pa rin siya sa lalaki kahit na ganoon ang ginawa nito sa kaniya dahil binigyan siya nito ng napakagandang anak.

llang taon rin ang lumipas at ngayon nga’y isa na siyang lisensyadong guro. Sa tulong ng kaniyang pamilya at pati na rin sa labis na pagsisikap ay nakamit niya rin ang bunga ng kaniyang paghihirap. Minsan man siyang nagkamali’t nadapa, hindi naman siya sumuko sa buhay. Kaya heto ngayon at tinatamasa niya ang prutas ng kaniyang tagumpay, kasama ang anak at ang mga taong hindi siya iniwan… ang kaniyang pamilya.

Advertisement