Inday TrendingInday Trending
Nakatatlong Asawa na ang OFW na Ito Ngunit Lahat ng Ito’y Nauuwi lamang sa Hiwalayan; Katuwiran Nila’y Magulang Niya ang Problema!

Nakatatlong Asawa na ang OFW na Ito Ngunit Lahat ng Ito’y Nauuwi lamang sa Hiwalayan; Katuwiran Nila’y Magulang Niya ang Problema!

“Aalis na ako,” malungkot ang tinig na paalam ni Myrna sa kaniyang kinakasamang si Sandro. Bitibit ang kaniyang maleta ay nagtungo siya sa labas ng kanilang tahanan kung saan naghihintay na ang sasakyang maghahatid sa kaniya sa airport. Hindi niya narinig na sumagot sa kaniya ang kinakasama. Hinatid lamang siya nito ng tingin palabas ng pintuan, habang karga nito at pinaded*ede ang anak nilang limang buwang gulang pa lamang.

Malawak ang pagkakangisi ng kaniyang ina. Ito ang naghatid sa kaniya palapit sa nasabing sasakyan. “Mag-iingat ka doon, ’nak. Tumawag ka kapag naroon ka na sa bahay ng amo mo,” bilin pa nito sa kaniya, na tinanguan lamang naman ni Myrna.

Pagkasakay niya sa taxi ay napabuntong-hininga na lamang siya. May problema sila ng kaniyang mister, ngunit hindi nila ’yon nagawang pag-usapan man lang bago sila umalis. Kagabi kasi ay nagtalo sila nito, dahil ayaw na siya nitong payagang mangibang bansa pa. Ngunit hindi naman kayang ibasura na lamang ni Myrna ang lahat ng pinaghirapan niya makapag-apply lamang ulit ng trabaho sa abroad bilang isang caregiver. Iyon nga lang, mukhang alam niya na ang kasunod na kahihinatnan ng relasyon nila ng lalaki.

Sa totoo lang ay ika’tlo na si Sandro sa kaniyang mga naging kinakasama. Ika’tlo na rin niya ang anak niya rito at ganitong-ganito rin ang nangyari sa kanila ng mga nauna niyang nakarelasyon. Nauwi rin ang mga ’yon sa hiwalayan dahil sa hindi pagkakaunawaang dulot ng pagtira ng kaniyang ina, kasama sila.

Palagi na lamang ikinakatuwiran ng mga ito ang kaniyang ina, ngunit kailan man ay hindi niya nagawang maniwala sa kanila, dahil hindi naman ganoon ang pagkakakilala niya rito. Para kay Myrna ay gusto lamang naman nitong mapabuti sila, at hindi niya naman maaaring basta na lamang ito palayasin, bilang siya ang nag-iisang anak nito. Wala itong ibang mapupuntahan.

Ngunit hindi alam ni Myrna kung bakit tila hindi siya mapakali nang mga sandaling ’yon. Para bang may bumubulong sa likod ng kaniyang isip na bumalik siya sa kanila upang kausapin si Sandro. Maya-maya pa ay hindi na nga siya nakatiis pa.

“Bahala na si Batman,” aniya pa sa kainyang sarili pagkatapos ay inutusan niya ang drayber ng sinasakyang taxi upang ibalik siya nito sa kanilang tahanan.

Ang lakas ng kalabog ng dibdib ni Myrna habang papalapit siya sa nakasaradong pintuan ng kanilang bahay. Lalo na, nang mapatapat na siya mismo rito at narinig niya ang animo’y sumisigaw na tinig ng ina…

“Lumayas ka na, Sandro, ano pang hinihintay mo rito? Ilang beses ko bang sasabihin sa ’yo na niloloko ka lang ng anak ko? Hindi siya isang caregiver sa ibang bansa, kundi isang entertainer! At may nobyong Hapones doon ang anak ko! Sa tuwing umuuwi siya ng ‘Pinas ay naghahanap lamang talaga siya ng mapaglilibangan. Malas mo lang at ikaw ang napili niya, tulad ng dalawang gunggong na naging kinakasama rin ng anak ko,” animo kontrabidang anang kaniyang ina sa kaniyang mister na hindi naman niya narinig na sumagot.

Maya-maya ay bigla na lamang bumukas ang pintuan at bumulaga sa kaniya ang pigura ni Sandro na ngayon ay bitbit ang kaniyang mga gamit at handa nang lisanin ang bahay…

“Myrna…” gulat na sambit ng kaniyang mister sa kaniyang pangalan nang makita nitong basa na ng luha ang kaniyang mukhang hanggang ngayon ay kababakasan pa rin ng matinding gulat.

Imbes na sagutin ang kaniyang mister ay galit niyang hinarap ang kaniyang ina at dinuro ito. “Lumayas ka na sa pamamahay ko! Nagsisisi akong hindi ako nakinig noon sa reklamo sa ’yo ng mga dati kong kinakasama, dahil pinagkatiwalaan kita! Nanay kita, e. Pero paanong nagawa mong mag-imbento ng mga kasinungalingan, para lang masiguradong masosolo mo ang mga padala ko?” galit na sabi niya pa na hindi naman nagawang sagutin ng kaniyang ina.

Siya na mismo ang nag-empake ng mga damit nito at inihagis niya iyon sa labas dahil sa sobrang galit. Muntik na namang mawalan ng ama ang ika’tlo niyang anak dahil sa kaniyang ina. Ngayon ay hindi na niya muling uulitin pa ang naging pagkakamali niya noon. Handa na siyang talikuran ito, mabuo lang ang kaniyang pamilya para sa kaniyang mga anak na tinanggap din ni Sandro nang buong-buo.

“Patawarin mo ako kung hindi ako agad nakinig sa ’yo, mahal. Hindi ko akalaing gagawin sa ’kin ’yon ng sarili kong ina,” naiiyak na hinging paumanhin ni Myrna sa kinakasama na sinagot lamang naman siya ng mahigpit na yakap.

“Nandito lang ako, mahal. Salamat at bumalik ka. Huwag ka nang tumuloy sa ibang bansa. Alagaan mo na lang ang mga anak natin at ako na ang bahalang mag-aalaga sa inyo,” sabi pa nito at hinagkan ang kaniyang noo.

Advertisement