Mabigat Man sa Loob ay Ipinaampon ng Babae ang Anak sa Kaniya ng Nobyong ‘Kano; Makalipas ang Ilang Taon ay Muli Pala Silang Magtatagpo
Panay na ang iyak ni Josephina habang karga ang kaniyang anak. Basang-basa ang kaniyang mukha dulot ng patuloy na pagpatak ng mga luha ng paghihinagpis, dahil maya-maya lamang ay kukunin na ito ng mag-asawang mag-aampon sa bata. Kapapanganak pa lamang niya kaninang umaga sa kaniyang anak na lalaki, at pakiramdam ni Josephina ay hindi pa siya handang ipamigay ito, dahil ngayon pa lang ay labis na ang pagmamahal niya sa bata.
Ngunit wala siyang magagawa kundi tanggapin ang kapalaran nilang maghiwalay nang maaga, alang-alang na lamang sa ikagaganda ng buhay nito sa puder ng nasabing mag-asawang bukod sa maganda na ang trabaho ay mabubuti pa ang kalooban.
Buhat nang iwan siya ng kaniyang nobyong isang ‘Kano’ ay lalo nang nawalan ng pag-asa sa buhay si Josephina. Ang buong akala niya kasi ay ito na ang mag-aahon sa kaniya sa hirap at ang lalaking siyang mag-aalis sa kaniya sa bahay-aliwan kung saan siya nagtatrabaho bilang babaeng bayaran. Ngunit nagkamali pala siya. Nabigo siya sa kaniyang inaakala at iniwanan pa siya nito ng responsibilidad na hindi naman niya kakayaning panindigan. Kaya naman imbes na idamay niya ang kaniyang anak sa kamiserablehan ng kaniyang buhay ay minabuti niya na lamang na ipamigay ito sa mag-asawang may-ari ng mga paupahan malapit sa bahay-aliwan. Kilala kasi ang mga ito bilang mabubuting tao, ngunit hindi sila nabiyayaan ng sariling supling. Sila ang pinakamagandang pagpipilian ni Josephina.
“Kayo na po ang bahala sa bata. Simula po ngayon ay lalayo na ako upang hindi mabahiran ng ni katiting mang dungis ng aking pangalan ang anak ko. Sana po ay mahalin n’yo siya nang lubos at buong-puso tulad ng pagmamahal ko sa kaniya,” umiiyak na paalam ni Josephina sa mag-asawa matapos niyang isuko na sa kanila ang anak niya.
Kababakasan naman ng awa ang mga ito nang sagutin siya. “Huwag kang mag-alala, Josephina. Kami lang ang mag-aaruga sa kaniya ngunit hindi namin kailan man itatago ang tungkol sa kaniyang tunay na ina. Hayaan mo’t makakaasa kang puro magagandang bagay lamang tungkol sa ’yo ang ipamumulat namin sa bata,” sagot naman sa kaniya ni Mr. Dorado na tinanguan naman ng asawa nito.
Nagpahinga lamang ng isang buong araw si Josephina bago siya nagpasiyang lumuwas na pabalik sa kanilang probinsya. Doon ay muli siyang nag-umpisa ng simpleng buhay, kasama ang kaniyang ina at mga kapatid, hanggang sa lumipas na ang ilang taon.
Hindi na nag-asawa pa si Josephina at nagpasiya na lamang siyang alagaan ang mga pamangking anak ng kaniyang mga kapatid. Naging napakahilig niya sa bata buhat nang ipanganak niya ang kaniyang supling. Hindi naman lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kapamilya ang tungkol sa bata. Hindi nga lang nila madalas pag-usapan ang tungkol doon dahil labis na kalungkutan ang nadarama ni Josephina sa tuwing mababanggit ito. Sa katunayan, palagi pa ring ipinagdiriwang ng babae ang kaarawan ng kaniyang anak kahit pa wala ito sa kaniyang tabi, at sa tuwina ay napupuno ng lungkot ang araw na ’yon, taon-taon.
Dalawampu’t isang taon na ang nakalilipas buhat nang mangyari ’yon ngunit para kay Josephina ay parang kahapon lamang ’yon nangyari. Kailan man ay hindi siya makakaahon mula sa kalungkutang dala ng pagkawalay niya sa anak…
Lingid sa kaniyang kaalaman, sa araw na ito, sa wakas ay maiibsan na ang kaniyang kalumbayan at ang pagkasabik na makita niya ang batang iniluwal niya noon. Dahil hinanap siya nito at ngayon ay natunton na nito ang kaniyang kinaroroonan…
“Tao po! Nariyan po ba si Aling Josephina?”
Napakunot ang noo ni Josephina nang isang makisig na binata ang maghanap sa kaniya nang umagang ’yon. Kasalukuyan siyang nagsasampay noon ng mga damit. “Bakit, hijo? Ano’ng kailangan mo sa ’kin?” takang tanong niya sa nasabing binata.
Pagkasabing-pagkasabi niya noon ay bigla na lamang siya nitong niyakap nang mahigpit. Doon pa lang ay nakaramdam na ng matinding kalabog sa dibdib si Josephina—lukso ng dugo!
“Napakatagal ko po kayong hinanap, nanay! Ako po ito, ang anak na ipinaampon n’yo noon kina Mr. and Mrs. Dorado. Ako po si Kevin, kumusta na po kayo, nanay?” tanong sa kaniya ng bata na ni katiting man lang ay hindi kababakasan ng galit.
Napahagulhol na lamang si Josephina nang mapag-alaman niyang tinupad ng mag-asawa ang pangako nilang hindi siya pasasamain sa paningin ng bata. Ipinaalam nila rito ang tunay na dahilan kung bakit nagawa niya itong ipaampon noon, kaya ngayon ay hinanap at pinuntahan pa siya nito upang personal siyang pasalamatan sa kaniyang pagsasakripisyo. Bukod doon ay nais din pala nitong bawiin ang mga panahong hindi sila magkasamang dalawa. Nais nitong iparamdam sa kaniya ang pagmamahal ng isang anak na alam nitong noon pa man ay inaasam niya na.
Sa wakas, makalipas ang ilang taon ay nagkaroon din ng katuparan ang pinapangarap ni Josephina na makita itong muli. Patunay na walang sakripisyong hindi kayang suklian ng isang mapagmahal na anak.