Inday TrendingInday Trending
Ibinigay ng Babaeng Ito ang Lahat sa Lalaking Hindi pa Naman Niya Lubos na Kilala; Sa Huli ay Magsisisi Siya sa Kahihinatnan Niya

Ibinigay ng Babaeng Ito ang Lahat sa Lalaking Hindi pa Naman Niya Lubos na Kilala; Sa Huli ay Magsisisi Siya sa Kahihinatnan Niya

“Basta, tuparin mo ’yong pangako mo sa ’kin, mahal. Handa akong ibigay sa ’yo ang buong pagkatao ko, huwag mo lang akong iiwan o lolokohin,” ani Winona sa kaniyang nobyong si Ivan habang nakahiga siya sa dibdib nito. Pawang wala silang mga saplot at parehong nababalutan ng kumot ang kanilang mga katawan, dahil katatapos lamang nilang pagsaluhan ang isang mainit na gabing iyon.

Inisang hithit naman ni Ivan ang natitira nitong sigarilyo bago siya nito sinagot. “Oo naman. Basta ba, ipapangako mong uulitin natin ito, e. Pakakasalan kita, kahit saang simbahan mo gusto, Winona,” sagot naman nito na halatang labas sa ilong ngunit masiyadong bulag si Winona sa pag-ibig kaya hindi niya iyon napansin.

Ngumiti ang dalaga. Bahagya pang masakit ang kaniyang katawan, dahil sa unang pagkakataong ibinigay niya ang kaniyang sarili sa isang lalaki. Kaya naman nang tumayo si Ivan upang magbihis na ay hindi niya ito nagawang sundan at pigilan.

“May kailangan pa akong asikasuhin, Winona. Aalis na ako at babalikan nalang kita,” paalam pa nito sa kaniya nang hindi tumitingin, dahil ngayon ay abala na ito sa pagtipa sa kaniyang cellphone habang palabas ng apartment ng dalaga.

Bumuntong-hininga si Winona, ngunit pilit niyang pinalis ang kung anumang hindi magagandang isiping bigla na lamang pumapasok sa kaniyang isip. Nangako sa kaniya si Ivan at iyon ang panghahawakan niya, lalo pa at sinabi nitong handa siya nitong pakasalan.

Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas buhat nang makilala niya ang binata. Nagtatrabaho kasi ito bilang delivery boy ng isang supermarket kung saan kumukuha ng paninda ang amo niyang may-ari ng isang mini-grocery. Agad na nahulog ang kaniyang loob sa binata lalo pa at may hitsura naman ito. Bukod doon ay magaling din itong magsalita, kaya naman ang puso ni Winona, na kailan man ay hindi pa nakaranas kung paano magmahal, ay agad na nakuha. Sinubukan pa nga siyang pigilan at pagsabihan ng kaniyang amo, na huwag siyang basta-basta na lang magtiwala sa lalaki, ngunit hindi naniwala si Winona. Sadyang agad siyang nagpauto at nagpabulag sa matatamis na salita ni Ivan.

Ang hindi alam ni Winona ay hindi lamang pala siya ang babae sa buhay ni Ivan. Nagulat na lamang siya nang isang araw ay sugurin siya ng isang babae sa pinagtatrabahuhan niyang mini-grocery, dahil sa lalaki…

“Maharot kang babae ka! Hindi mo ba alam na ’yong lalaking kinakalantari mo ay may asawa’t anak na? Kakakasal lamang namin ni Ivan, pagkatapos ay dumating ka sa buhay namin para sirain ang relasyon naming dalawa?” galit na galit na sabi sa kaniya ng nasabing babae sabay hablot sa kaniyang buhok.

Natulala si Winona. Dahil doon ay hindi niya nagawang ipagtanggol ang sarili niya rito kaya naman napakaraming pasa, sugat at kalmot ang inabot niya rito bago siya nakapagsalita…

“S-sorry, hindi ko alam na may asawa siya! Ang sabi niya sa akin ay binata siya. P-patawarin mo ako. Hindi ko intensyong sirain ang pamilya n’yo!” humahagulhol na paliwanag pa ni Winona at dahil doon, sa wakas ay tumigil din ang babae. Kumalma ito at hinayaan siyang magpaliwanag. Doon ay isinalaysay naman ni Winona ang lahat ng nangyari sa kanila ni Ivan, pati na rin ang mga pangako nito sa kaniya na sigurado na siya ngayong wala naman pala itong balak na tuparin.

Mabuti na lamang at naintindihan siya ng tunay na asawa ni Ivan. Wala siyang kaalam-alam na number two lang pala siya sa buhay ng lalaki, kaya labis ang pagkakunsensiya ni Winona lalo pa at may batang kasali sa usapan. Dahil doon ay nakipagtulungan siya sa tunay na asawa ni Ivan at sabay nilang hinainan ng reklamo ang lalaki, bilang ganti sa ginawa nito sa kanila.

Nanalo sa kaso sina Winona at ang asawa ni Ivan. Nagawa nila itong ipakulong, kaya naman ngayon ay himas-rehas na ang palikero! Mabuti na lang din at may kaya pala ang pamilya ng asawa ni Ivan kaya naman hindi nito kinailangang habulin pa ang sustento nito para sa anak.

Bagama’t nabigyan ng leksyon ang nanakit sa kaniya ay isang malaking leksyon naman ang iniwan ng pangyayaring ’yon kay Winona. Napagtanto niyang hindi pala tama ang magmahal nang sobra lalo na sa taong hindi mo pa naman lubos na kilala. Nagsisisi man siya ngayon, sisiguraduhin niyang hindi na mauulit muli ang pangyayaring ’yon sa kaniya.

Advertisement