Ginamit ng Kabit ang Pribadong Bidyo Nila ng Kaniyang Karelasyong Negosyante Upang Perahan Ito; Sasabit Pala Siya sa Ganti ng Legal na Asawa
Iritableng-iritable na si Antonia. Ilang piraso na nga ng sigarilyo ang naubos niya dahil sa sobrang pagkabalisa. Ilang araw na kasi siyang hindi kinokontak o pinupuntahan man lang ng karelasyon niyang si Marco—isang kilalang negosyante na may asawa’t anak, ngunit nagawa pa ring patulan ng babaeng ito.
Maganda ang reputasyon ng pamilya nina Marco, kaya naman isang malaking kasiraan dito kung may ibang makakaalam ng tungkol sa kanilang dalawa. Noong isang araw lamang ay sinabi nito sa kaniya na unti-unti nang nakakahalata ang tunay nitong asawa kaya naman mas mabuti raw kung maghihiwalay na sila at ititigil na ang bawal nilang relasyon!
Ngunit hindi makapapayag si Antonia na gano’n-gano’n na lang ’yon! Ngayon pa ba kung kailan nasanay na siya sa magandang buhay na kayang ibigay sa kaniya ni Marco?! Hindi naman talaga ganoon kalalim ang pagmamahal niya sa lalaki, ngunit malaki ang pangarap niyang maambunan ng yaman nito. Hindi siya kuntento sa mga bagay na ibinibigay nito sa kaniya noon kaya ngayon ay balak niya itong takutin upang mapilitan itong sumunod sa gusto niya.
“Antonia naman, hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng tapos na? Ayoko na! Tigilan na natin ’to! Hindi mo alam kung ano ang kayang gawin ng asawa ko kapag nalaman niya ang tungkol sa ating dalawa!” galit na sabi sa kaniya ni Marco, isang beses na puntahan niya ito sa mismong opisina nito.
“Wala akong pakialam, Marco! Hindi ako natatakot sa asawa mo! Sumunod ka sa gusto ko kung ayaw mong masira ang pangalan mo,” banta niya pa sa lalaki, ngunit galit lamang itong tumayo mula sa kinauupuan nito upang kaladkarin siya at ipagtabuyang palabas ng naturang opisina.
Halos umusok ang ilong niya nang umuwi siya sa kaniyang apartment na wala man lang siyang nakuha ni sinco sa lalaki. Dahil doon ay mabilis niyang hinalungkat ang mga files sa kaniyang cellphone. Gagamitin niya na ang kaniyang alas. Isang pribadong bidyo ang pinindot niya sa naturang aparato at ipinadala ’yon bilang mensahe kay Marco. Napangisi pa si Antonia nang mabasa niya ang salitang ‘sent’ na rumehistro sa screen ng kaniyang cellphone.
Ang hindi alam ni Antonia ay hindi lamang si Marco ang may kakayahang makabasa sa naturang mensaheng ’yon. Sa kamalas-malasang pagkakataon ay nauna pa itong buksan ng misis nito at ito pa ang unang nakapanuod ng kababuyan nila ng asawa nito!
Galit na galit ang asawa ni Marco nang mapanuod ang nasabing bidyo. Nagulat na lamang si Antonia nang bigla na lamang siyang dalawin nito sa apartment na kaniyang tinutuluyan na ang totoo ay si Marco rin naman ang nagbabayad!
“So, ikaw pala ang kabit ng asawa ko,” mataray na pahayag nito sa kaniya habang tinititigan siya mula ulo hanggang paa. Halos manliit naman si Antonia habang ginagawa iyon ng babae. Hindi niya akalaing ganito pala ito kaganda!
Matangkad, balingkinitan ang katawan, maputi, makinis at mukhang sopistikada! Kung itatapat siya sa babaeng ito ay magmumukha siyang katulong lamang, kaya naman sandali niyang kinuwestiyon ang sarili kung bakit nagawa pa siyang patulan ni Marco kung ganito naman kaganda ang asawa nito!
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya kahit ang totoo ay kinakabahan naman siya sa nangyayari.
“Gusto ko lang tingnan kung saan ginagastos ng asawa ko ang perang natatanggap niya mula sa kompaniya ko,” mariing sagot naman nito na agad din siyang tinalikuran. “Hindi na ako magtatagal pa. Asahan mo na lang na makatatanggap ka ng subpoena, oras na mai-file na ng abogado ko ang kaso n’yong dalawa ng mister ko!” dagdag pa nito bago siya iniwang nakatulala na lang sa hangin.
Hindi alam ni Antonia ang gagawin, kaya naman sinubukan niya muling puntahan si Marco upang kausapin. Ngunit imbes na makausap ay nakatanggap lamang siya ng isang malakas na sampal mula sa lalaki! Galit na galit ito sa kaniya dahil sa ginawa niyang pagsisiwalat ng relasyon nila. Dahil doon kasi ay pinalayas ito ng sariling asawa at ngayon ay nanganganib pa itong makulong!
Iba palang kalabanin ang legal na asawa ni Marco, dahil mabilis pa sa isang iglap ay nanalo ito sa kaso! Ngayon tuloy ay pareho nang naghihimas ng rehas ang dalawang taksil na sina Antonia at Marco. Hindi akalain ni Antonia na dahil lang sa kagustuhan niyang makahuthot ng pera kay Marco ay isasabit siya ng asawa nito sa parusa. Ngayon ay talagang nagdudusa siya sa kasalanang kanilang nagawa!