Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap Siya sa Katauhan ng Kaniyang Kakambal Upang Sirain ang Reputasyon Nito; Isang Sikreto ang Mabubunyag na Makapagpapabago sa Isip Niya

Nagpanggap Siya sa Katauhan ng Kaniyang Kakambal Upang Sirain ang Reputasyon Nito; Isang Sikreto ang Mabubunyag na Makapagpapabago sa Isip Niya

Umismid si Almira sa kawalan, habang nakatanaw siya sa salas mula sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan. Ngayon kasi ay pinagkakaguluhan ng kanilang mga kaanak ang kakambal niyang si Alonica, dahil nakatanggap na naman ito ng parangal sa eskuwelahan nila bilang isa ito sa pinakamatalinong estudyante ng kanilang paaralan.

Puno na naman tuloy ng inggit ang puso ng dalaga. Gaya ng dati ay si Alonica na naman ang magaling at siya ang naeetsapwera. Bata pa lamang sila ay malaki na ang inggit niya sa kaniyang kakambal. Oo nga’t pinagsasaluhan nila ang iisang hitsura ng kanilang mukha ngunit kailan man ay hindi niya narinig na pinuri ng mga tao bukod sa kanilang mga magulang ang kaniyang kagandahan. Palagi na lamang si Alonica ang nakatatanggap no’n, samantalang magkamukha naman silang dalawa! Ito ang paborito ng lahat, habang siya naman ang palaging naiiwan sa isang tabi.

“Sige lang, kapatid ko, pakasaya ka lang sa labis na atensyong nakukuha mo mula sa kanila. Sa susunod ay ikaw naman ang mapupunta sa posisyon ko at magkakapalit naman tayo ng kapalaran,” mahinang bulong ni Almira sa kaniyang sarili bago tumalikod mula sa tanawing iyon na halos sumugat sa kaniyang mga mata. Pumasok na siya sa kaniyang silid at nanatili siyang gising hanggang sa maramdaman niyang tulog na ang halos lahat ng tao sa kanilang tahanan.

Nakaharap siya sa salamin. Habang nakatitig siya roon ay napapangisi siya dahil halos maging siya ay hindi na makilala ang sarili. Kamukhang-kamukha niya si Alonica, kaya naman sigurado siyang magtatagumpay siya sa kaniyang plano.

T-in-ext niya ang nobyo ni Alonica at inayang makipagkita rito. Balak niyang ayain itong pagsaluhan nila ang isang mainit na tagpo ngayong gabi. Lahat ng iyon ay balak niyang kunan ng bidyo upang ipakalat nang sa ganoon ay masira niya ang reputasyon ng kaniyang kakambal! Napakasama ng naisip ni Almira ngunit binulag na siya ng galit at inggit na noon pa man ay kinikimkim niya na. Mabilis namang sinagot iyon ng binata nang walang pagdadalawang-isip. Nakipagkita ito sa kaniya nang puno ng pagkasabik.

“Mabuti at nakipagkita ka ulit sa akin, Alonica. Akala ko, hindi na mangyayari ’to buhat nang makipaghiwalay ka sa akin!” halos maiyak na sabi sa kaniya ng nobyo ni Alonica habang mahigpit pa rin siyang nakakulong sa bisig nito. Bagama’t nagugustuhan niya ang pakiramdam na yakap siya ng lalaking matagal na rin niyang tinatangi ay hindi niya maiwasang magtaka sa sinabi nito.

Bakit hindi niya alam na nakipaghiwalay na rito ang kakambal niya? Ano ang dahilan?

“Please, Alonica, huwag mo na akong iwan dahil lang minamahal din ako ng kapatid mo. Alam kong ayaw mo siyang masaktan kaya ginagawa mo ito, pero hindi naman maaaring magsakripisyo rin tayong dalawa dahil lang nasasaktan siya. Hindi ko naman siya kailan man binigyan ng dahilan para magustuhan ako,” nagsusumamo pa ring pagpapatuloy ng binata na agad namang ikinapanlaki ng mga mata ni Almira.

Dahil sa nalaman ay nawala sa isip niya ang masamang balak niya. “H-hiniwalayan ka ng kapatid ko dahil sa akin, Jericho?” naluluhang pagsisiwalat niya sa sarili nang hindi sinasadya.

“S-sandali, hindi ikaw si Alonica? Ikaw ba ’yan, Almira?” tango lang ang naisagot niya sa tanong na ’yon ng binata.

Bumuntong hininga ito nang makabawi mula sa pagkabigla pagkatapos ay tinanguan siya nito. “Oo, Almira. Hiniwalayan ako ng kapatid mo dahil ayaw niyang masaktan ka sa tuwing makikita mo kami. Mahal na mahal ka niya, kaya nga maging ang sarili niyang kaligayahan ay handa niyang bitiwan para lang sa ’yo,” pahayag pa sa kaniya ni Jericho na agad namang ikinaluha ni Almira.

Halos lamunin siya ng sariling konsensiya. Hindi niya akalaing ganoon pala kalaki ang handang isakripisyo ng kakambal niyang si Alonica para sa kaniya, pagkatapos, siya ay nagpakain lamang sa inggit at galit niya! Muntik pa niyang sirain ang kaniyang mahal na kapatid para lamang mapasama ito at siya naman ang mapabuti, gayong handa itong damayan siya sa kaniyang kalungkutan!

Kumaripas ng takbo pauwi sa kanila si Almira upang puntahan ang kapatid niya. Niyakap niya ito nang mahigpit at humingi ng tawad sa mga naging kasalanan niya rito. Pagkatapos ay siya rin ang gumawa ng paraan upang magkaayos ito at ang nobyong si Jericho na noon ay pinaraya na rin niya upang makabawi sa kasalanan niya sa kapatid.

Sa wakas ay nahanap din ni Almira ang tunay na saya sa kaniyang puso nang simulan niyang alisin ang inggit sa kaniyang dibdib. Matapos iyon ay naging masaya na muli ang pagsasama nila ng kaniyang kapatid. Ipinangako ni Almira na kailan man ay hindi na siya mag-iisip pa ng masama laban dito, dahil napatunayan niya na kung gaano siya nito kamahal.

Advertisement