Inday TrendingInday Trending
Nagtaksil ang Babae sa Kaniyang Mister Dahil Hindi raw Ito Magaling sa Kama; Importanteng Bagay sa Buhay Niya ang Magiging Kapalit ng Ginagawa Niya

Nagtaksil ang Babae sa Kaniyang Mister Dahil Hindi raw Ito Magaling sa Kama; Importanteng Bagay sa Buhay Niya ang Magiging Kapalit ng Ginagawa Niya

Nag-uumapaw ang sayang nararamdaman ni Keren nang sa wakas ay mapakasalan na niya ang lalaking noon niya pa man pinapantansya. Tila ba isang panaginip para sa kaniya ang pangyayaring iyon dahil siya ang unang nagkagusto at ang nanligaw sa binatang ngayon ay asawa na niya.

Tandang-tanda niya pa ang ginawa niyang kahihiyan noon para lamang mapansin ng naturang binata. May bitbit-bitbit pa siyang kulay pulang mga lobo, isang maliit na teddy bear at isang piraso ng rosas saka siya nagtungo sa silid ng binata upang ito’y ibigay.

Sa katunayan, kamuntikan pang maudlot ang plano niyang ito dahil biglang nanghina ang kaniyang mga tuhod nang makita ang kakisigan ng binata. Mabuti na lang, tinulak siya ng kaniyang mga kaibigan na ituloy ang plano niya.

Halos mabingi man siya sa tilian ng mga estudyanteng nakakita ng kaniyang ginawa, tila tumigil naman ang mundo niya nang tanggapin ito ng binata at magpasalamat sa kaniya.

Pinagpatuloy niya pa ang panunuyo sa binata lalo na nang malaman niyang mayaman ang pamilya nito sa ibang bansa. Halos araw-araw niya itong sinasabayang pumasok at umuwi sa eskwela, kumain, at gumawa ng takdang-aralin sa kanilang silid-aklatan.

Desperada at mababa man ang tingin ng iba sa kaniya dahil sa ginagawa niyang ito, hindi siya nagpaapekto rito hanggang sa isang araw, ito na ang nanunuyo sa kaniya at pagkalipas pa ng ilang taon, siya nga ay pinakasalan na nito.

Kaya lang, sa unang gabi pa lang nilang mag-asawa, napansin niya na ang tila tanging kakulangan nito -hindi ito magaling sa kama. Pinalampas niya ang kahinaan nito hanggang sa magkaroon na sila ng dalawang anak.

Imbes na gumaling dahil palagi na nila iyong ginagawa, tila lalo pang nagiging miserable ang dapat sana’y maiinit nilang gabi. May pagkakataon pang kahit na pilitin at akitin niya ito, hindi ito pumapayag at mas piniling matulog sa tabi ng kanilang mga anak.

Gustong-gusto na niya sana itong hiwalayan dahil hindi na siya masaya sa kanilang relasyon. Hindi niya lang talaga ito magawa dahil bukod sa mayroon silang dalawang anak na ayaw niyang lumaking walang ama, may magandang trabaho at buhay ang kaniyang asawa na sigurado siyang hindi niya makikita sa iba.

Ngunit dahil nga gusto niyang sumaya, natutuhan niyang magtaksil dito habang ito’y nasa trabaho. Kung hindi siya makikipag-inuman sa bar kasama ang ibang lalaki, kukuha siya ng lalaking makakasama niya sa motel upang siya’y paligayahin.

Pinagpatuloy niya ang gawaing ito hanggang sa dumating ang kaniyang kaarawan. Sa mismong araw na iyon, nagpaalam ang kaniyang asawa na gagabihin ito sa trabaho.

“Hanep talaga ‘tong asawa ko! Ni hindi man lang maalalang kaarawan ko ngayon! Papasayahin ko na lang mag-isa ang sarili ko!” sabi niya sa sarili saka agad na hinatid ang kanilang mga anak sa bahay ng mga magulang niya.

Paalam niya sa mga ito, may aasikasuhin lang siyang mga papeles sa Maynila ngunit ang totoo, siya’y dumiretso sa isang bar at doon nagpakalango sa alak.

Nang maramdaman niyang tinatamaan na siya ng alak, agad niyang niyaya ang isang lalaki sa isang hotel ngunit ito’y tumanggi dahil baka raw may makakita sa kanila.

Doon niya naisip na dalhin na lang ito sa kanilang bahay, tutal, wala namang tao roon at alam niyang dis oras pa ng gabi uuwi ang kaniyang asawa.

Kinakabahan man siya sa kaniyang gagawin, tinuloy niya pa rin ito dahil gusto niyang sumaya ngayong kaarawan niya. Agad namang nawala ang kaba niyang iyon nang makitang wala pang ilaw ang kanilang bahay.

Pagkapasok na pagkapasok niya pa lang sa kanilang bahay, agad na niyang sinunggaban ang lalaking kasama niya. Kaya lang, siya’y biglang napatigil nang biglang bumukas ang kanilang ilaw at tumambad sa kaniya ang kaniyang mga magulang, ilang kaanak, mga kaibigan at ang kaniyang sariling pamilya na may hawak-hawak pang mga lobo, mga bulaklak at cake.

“Anong kababuyan ‘to, Keren?!” agad na tanong ng asawa niyang galit na galit. Dali-dali namang piningot ng isa niyang pinsan ang kasama niyang lalaki dahil ito pala ang nobyo nito.

“Hindi mo ako masisisi! Sino ba namang magtitiis sa’yo, ha? Nakadalawa na tayong anak, hindi pa rin ako masaya sa paglalambing mo!” sigaw niya pa rito na lalo nitong ikinagalit dahilan para siya’y palayasin sa harap ng kaniyang mga magulang.

Humingi man siya ng tulong sa mga ito, pinagmumumura pa siya ng kaniyang ama at sinabing isa siyang kahihiyan.

Tuluyan ngang nasira ang pinakaiingatan niyang pamilya na labis niyang pinagsisisihan. Ngayon, gustuhin man niyang makita ang kaniyang mga anak, hindi na niya ito magawa dahil sa kasalanang kaniyang nagawa. Siya rin ay kinagalitan ng kaniyang mga kaanak, lalo na ng pinsan niyang naapektuhan din sa kataksilang ginawa niya.

Dahil doon, nangako siya sa kaniyang sarili na aayusin na niya ang kaniyang buhay bago siya muling humarap sa kaniyang sariling pamilya, lalo na sa kaniyang asawa na ngayon ay nababalitaan niyang gabi-gabing umiiyak dahil sa kaniyang ginawa. Napagtanto niyang kailangan niyang maging masaya at kuntento sa buhay na mayroon siya kaysa kaniya itong sirain para lang sa pansarili niyang kasiyahan.

Advertisement