Inday TrendingInday Trending
Kahit Buntis ay Nagpakasubsob Siya sa Trabaho Para May Panggastos sa Inihahanda Niyang Pagdiriwang; Nadurog ang Puso Niya sa Kinahinatnan Nito

Kahit Buntis ay Nagpakasubsob Siya sa Trabaho Para May Panggastos sa Inihahanda Niyang Pagdiriwang; Nadurog ang Puso Niya sa Kinahinatnan Nito

Pangarap na ni Grace noong dalaga pa lamang siya na makapagdaos ng isang masayang pagdiriwang na tinatawag na “Gender Reveal”. Ito ay isang pagdiriwang kasama ang pamilya ng mag-asawa upang maibunyag kung ano ang kasarian ng batang dinadala ng ina.

Gusto niyang magkaroon ng ganitong klaseng selebrasyon upang madagdagan ang kasabikan sa kaniyang puso sa pag-alam ng kasarian ng kaniyang magiging anak. Bukod pa roon, gusto niya rin itong maranasan dahil ito ang magiging umpisa ng buhay ng kaniyang anak.

Kaya naman, nang malaman niyang siya’y nagdadalantao na, dalawang buwan matapos ang kanilang kasal ng kaniyang asawa, agad niyang sinabi rito ang tungkol sa selebrasyong iyon.

“Kailangan ba talagang may ganoong uri pa ng selebrasyon, mahal? Hindi ba pwedeng sa unang kaarawan na ni baby tayo magdiwang? Alam mo naman na malaki-laki ang nagastos natin sa ating kasal. Syempre, kapag magdaraos tayo ng ganoong selebrasyon, kailangan nating pakainin ang mga dadalo. Sigurado akong kakapusin tayo sa pera kapag nangyari ‘yon,” paliwanag nito na agad niyang ikinagalit.

“Kung ayaw mo, edi ‘wag! Isang beses lang ito mangyayari sa buhay ng una nating anak tapos gan’yan kaagad ang nasa isip mo?” sigaw niya rito.

“Nagiging praktikal lang naman ako, mahal. Imbes kasi na gastusin natin para sa selebrasyon na ‘yon, hindi ba’t mas maigi na mag-ipon na lang tayo para sa panganganak mo at para sa mga gamit ni baby?” sabi pa nito at imbes na kaniya itong intindihin, dinabugan at nilayasan niya pa ito.

Habang naglalakad siya patungo sa bahay ng kaniyang kaibigan kung saan siya maaaring makapagpahinga, naisip niyang gumawa ng paraan upang matupad pa rin ang pangarap niyang iyon.

“Ayaw mo akong tulungan, ha? Ako na lang gagawa mag-isa ng paraan!” sabi niya pa habang iniisip ang asawa.

Imbes na dumiretso sa bahay ng kaniyang kaibigan, siya’y naghanap ng mapagtatrabahuhan sa palengke. Dito niya napag-alamanang may isang tindera roon na naghahanap ng tagalinis ng mga isda.

At dahil sa kagustuhan niyang makaipon ng pera, agad niyang tinanggap ang trabahong iyon. Maghapon man siyang nakatayo at halos hindi na niya magalaw ang kaniyang mga kamay dahil sa pagod, kaniya itong tiniis.

Hindi pa siya nakuntento sa trabahong iyon at pumasok pa siya bilang taga-hila ng mga banyera ng isda sa daungan tuwing madaling araw.

Lahat ng ito ay sinisikreto niya sa asawa. Umaalis lang siya kapag tulog o nasa trabaho ang kaniyang asawa. Alam niya kasing kapag nalaman nito ang kaniyang ginagawa, pipigilan lamang siya nito.

Katulad ng kaniyang kagustuhan, halos isang buwan lang ang lumipas, nakaipon na rin siya ng tatlong libong piso. Sakto na ito upang makabili siya ng ilang putaheng maipapakain niya sa iilang bisitang iimbitahan niya.

Kaya lang, isang araw, nagulat na lamang siya nang bigla siyang datnan ng kaniyang buwanang dalaw! Sa sobrang pagkataranta niya, siya’y napasigaw na kinaalarma naman ng kaniyang asawa.

Dahil doon, agad siya nitong dinala sa ospital at doon nga nila nalamang wala na ang batang nasa sinapupunan niya.

“Nalaglag ang pinagbubuntis mo, misis,” malungkot na balita ng doktor na ikinaguho ng kaniyang mundo.

“P-Paano nangyari ‘yon, dok? Wala naman siyang ginagawa sa bahay buong maghapon! Ni hindi ko nga siya pinapagawa ng gawaing bahay, eh!” mangiyakngiyak na sabi ng kaniyang asawa.

“Totoo ba ‘yon, misis? Nagpapahinga ka lang ba talaga? Kasi base sa pagsusulit ko…” hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil nakita na niyang may tinitingnang dokumento ang naturang doktor.

“Nagtrabaho po ako, dok, para kumita ng pera. Gusto ko po kasing makapagdaos ng gender reveal,” pagtatapat niya na lalong ikinapanghina ng kaniyang asawa.

“Naku, misis, hindi naman iyon importante lalo na kung wala naman talaga kayong pera. Ang mas importante, mapangalagaan mo ang katawan mo dahil iyan ang tahanan ng baby mo,” pangaral ng doktor na talagang ikinaiyak niya dahil sa pangongonsenya kaniyang naramdaman.

Dahil sa pangyayaring iyon, katakot-takot na pasensya ang hiningi niya sa kaniyang asawa, lalo na sa batang hindi niya naingatan at naalagaan nang maayos.

Sa kabutihang palad, siya rin ay pinatawad ng kaniyang asawa at ilang buwan pa ang lumipas, siya ay muling nagdalantao na talagang ikinasaya nilang dalawa.

Sa pagkakataong ito, hindi na niya inuna ang paghahanap ng pera para makapagdaos ng gender reveal. Bagkus, mas pinagtuunan na niya ng pansin ang sarili para sa kapakanan ng kaniyang dinadalang bata. Kumain siya ng masusustansiyang pagkain, nag-ehersisyo at labis na inalagaan ang kaniyang sarili.

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na rin siyang nagbigay buhay sa isang malusog na bata.

Advertisement