Inday TrendingInday Trending
Inayawan ng Dalaga ang Mayamang Hapon Kaya Napunta Ito sa Kaniyang Pinsan; Inggit ang Dadaloy sa Puso ng Kaniyang Ina

Inayawan ng Dalaga ang Mayamang Hapon Kaya Napunta Ito sa Kaniyang Pinsan; Inggit ang Dadaloy sa Puso ng Kaniyang Ina

Nagmamadaling makauwi ng bahay si Aling Bebang dahil may ibabalita siya sa kaniyang dalagang anak na si Eden, ngunit laking inis niya nang hindi niya ito nadatnan sa bahay. Lalong nag-init ang kaniyang ulo nang matagpuan niya itong nakaupo sa tapat ng isang tindahan kasama ang manliligaw na si Danny.

“Eden!” sigaw ng ina. “Bakit nakikipaglampungan ka na naman d’yan sa lalaking iyan? Ilang beses ko nang sinabi sa iyo na wala kang mapapala sa lalaking iyan! Tambay na nga, wala pang pinag-aralan!” sambit ni Aling Bebang.

“‘Nay, naman! Huwag n’yo namang pahiyain si Danny. Hindi naman po siya tambay. May trabaho siya sa palengke. Nagkataon lang po na may inihatid siya riyan sa kabilang bahay. Paalis na nga rin po siya,” tanggol naman ng dalaga.

“Bakit, Eden? Trabaho bang matuturing ‘yung pagbubuhat niya ng mga gulay sa palengke? Ni sarili niya ay hindi niya mabubuhay! Ikaw naman, Danny, tigilan mo ang anak ko! Hindi ang kagaya mo lang ang gusto kong mapangasawa niya! Tsupi!” muling sambit ng ginang.

Hindi lang ito ang unang pagkakataon na pinagsabihan ni Aling Bebang ng masama ang binata. Dahil sa inasal ng ginang ay napilitan na lang itong umalis.

“‘Nay, lagi n’yo na lang pinapahiya si Danny sa harap ko. Kawawa naman ‘yung tao! Kita n’yo naman kung gaano siya kabait. Kung may pera lang ang pamilya niya’y tiyak akong nag-aral siya. Sabi nga po niya ay nag-ALS siya para matapos na niya ang hayskul at makatuloy na siya sa kolehiyo. May pangarap po si Danny, ‘nay,” sambit ni Eden.

“Wala akong pakialam sa kaniya! Ang mahalaga ay itong sasabihin ko, Eden. Alam mo bang ang Tiya Terry mo ay uuwi galing Japan? Ang matindi pa roon ay may kasama siyang kaibigang Hapon. Naghahanap daw ng mapapangasawa! Ang sabi sa akin ng tita mo’y ubod raw ng yaman! Ito na ang pagkakataon mo! Kailangang ikaw ang maibigan niya, anak. Narinig din ng Tita Ellen mo ang lahat kaya tiyak akong ibibida na naman niya ‘yung anak niyang si Cecille. Hindi hamak naman na mas maganda ka r’on!” pahayag ni Aling Bebang.

“‘Nay, naman! Hayan na naman po kayo, e! Pinagtutulakan n’yo na naman ako sa gan’yang bagay! Parang lagi n’yo akong pinagbibili. Ayaw ko pong pumatol sa taong hindi ko naman lubusang kilala. Higit pa, ayaw kong magpakasal sa taong hindi ko naman mahal!” tutol ng dalaga.

“Tigilan mo nga ako, Eden, d’yan sa sinasabi mo! At sino ang gusto mo? ‘Yung si Danny na walang pinag-aralan? Mahirap na nga tayo, mahirap pa rin ang kukunin mo! Hindi ako makakapayag! Sinasabi ko sa’yo, Eden, huwag mong sayangin ang pagkakataon na ito. Ito na ang tyansa natin para yumaman! Ayaw mo bang yumaman? Ayaw mo bang maranasan ang sarap ng buhay? Huwag kang plastik, Eden! Kaya kung ako sa’yo, susunggaban ko na ‘to! Ayusin mo ang sarili mo at maghanda ka. Pag-uwi ng Tita Terry mo ay ipapakilala ka niya sa kaibigan niyang Hapon!” sambit muli ng ina.

Bigla tuloy naalala ni Eden ang nakalipas. Walang ibang ginawa ang kaniyang ina kung hindi ayusan siya at ipakita sa marami na higit siyang mas maganda. Ayaw ng kaniyang ina na nilalapitan siya ng kahit sinong lalaki. Ayaw rin nitong mapasama siya sa mga ibang kabataan dahil baka raw maimpluwensyahan. Ang matinding pangarap kasi nito ay makaahon sa hirap, at maisasakatuparan lang iyon kung makapag-asawa siya ng mayaman.

Ngunit iba ang laman ng puso ng dalaga. Noon pa man ay may pagtingin na sila sa isa’t isa ni Danny. Matayog ang kanilang mga pangarap ngunit walang bilib si Aling Bebang. Sino ba nga naman ang maniniwala sa isang walang pinag-aralan?

Labag man sa kalooban ni Eden ay kailangan niyang sumunod sa kaniyang ina kung hindi ay itatakwil siya nito. Ang ina na lang niya ang tangi niyang pamilya.

“Bakit kailangan mong pumayag sa gusto ng nanay mo, Eden? Hindi na tama ‘yan, para bang binubugaw ka na niya. Pasensya ka na, masakit man marinig pero iyon talaga ang nakikita ko,” saad ni Danny.

“Gusto kasi ni nanay na makaahon kami sa hirap sa madaling paraan. Hindi ko naman siya masisi dahil sobrang hirap talaga ng buhay namin. Baka ayaw niya lang talaga akong mahirapan,” sagot ni Eden.

“Hindi naman kita pababayaan, Eden. Mahal kita, alam mo ‘yan. Kaya gagawin ko ang lahat para maging maayos ang kinabukasan mo,” dagdag pa ng binata.

“Pero kahit anong gawin ko ay walang bilang ang pagmamahal na ‘yan para sa nanay ko! Kaya ngayon palang, Danny, itigil na natin ito. Hindi matutuwa si nanay. Baka ito pa ang maging dahilan ng pag-aaway namin!”

“Sumama ka na lang sa akin, Eden! Lalayo tayo sa kaniya! Hindi ko hahayaan na ipamigay ka na lang bigla sa isang banyaga dahil lang sa pera! Kung papayag ka, sa makalawa ay magkita tayo ulit dito. Hihintayin kita. Magpapakalayo-layo tayong dalawa. Bubuo tayo ng sarili nating buhay,” wika muli ni Danny.

Labis na pinag-iisipan ni Eden ang alok ng kasintahan.

Hanggang sa dumating nga ang araw na makauwi sa Pilipinas ang kaniyang Tita Terry kasama ang kaibigang Hapon. Unang ipinakilala si Eden, sumunod ang pinsan niyang si Cecille. Una pa lang ay tuwang-tuwa na ang Hapon sa kaniya, ngunit naiinis siya dahil madalas siya nitong hawakan.

“Ano ba? Hindi ka ba titigil sa paghawak sa akin? Hindi naman tayo magkaano-ano! Baka akala mo dahil sa pera mo kaya masisilaw mo ako! Sa’yo na ang pera mo! Bastos ka!” napikon na ang dalaga.

Dahil sinigawan niya ang lalaking Hapon ay nagalit ang kaniyang tiyahin.

“Ate Bebang, ano ba ‘yang anak mo? Akala mo naman ay kung sino! Sinigaw-sigawan pa itong kaibigan ko! Kung ayaw niya ay nariyan naman si Cecille. Para namang may nakuha sa kaniya! Ano siya? Dalagang Pilipina? Siya na nga ang tinutulungan ay siya pa ang mapagmataas! Ayaw ata ng magandang buhay, e!” saad ng ginang.

Hinabol agad ni Bebang ang anak upang kagalitan.

“Bumalik ka doon at humingi ka ng tawad, Eden! Makukuha na ni Ceciile ang Hapon na ‘yun at baka mamaya ay hindi ka na magkaroon ng ganitong pagkakataon. Bumalik ka na roon at humingi ng tawad!” galit na sambit ng ina.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, ‘nay? Binabastos ako ng lalaking iyon pero ayos lang sa iyo? Kung gusto mo ng ganon ay ikaw na lang! Aalis na ako rito!” sagot naman ng dalaga.

“At kanino ka pupunta? Doon kay Danny? Sige, bahala ka at sirain mo ang buhay mo! Pero sinasabi ko sa iyo, wala ka nang inang babalikan!” dagdag pa ng ina.

Masakit man kay Eden ay kailangan niyang talikuran ang ina. Agad siyang nagtungo sa tagpuan nila ni Danny. Nang matanaw pa lang siya’y labis na ang kaligayahan nito.

“Sasama na ako sa’yo, Danny, kahit saan basta ilayo mo na lang ako rito,” wika ni Eden.

Ilang buwan ding nagkawalay ang mag-ina. Talagang tiniis ni Aling Bebang ang kaniyang anak. Para sa kanya’y matagal na itong sumakabilang buhay. Hindi niya maiwasang mainggit nang malaman niyang ikakasal na si Cecille at ang lalaking Hapon, at magtutungo na ang dalawa sa Japan upang doon manirahan.

Nagpakita naman si Eden sa ina upang humingi ng tawad.

“Nakita mo si Cecille? Pupunta na ng ibang bansa. Dapat ikaw ‘yun pero nasiraan ka ng ulo! Huwag ka nang mag-abala pang bumalik dito, Eden, dahil mula nang umalis ka ay wala ka nang ina! Umalis ka na at ayaw na kitang makita pa!” saad ni Aling Bebang.

Walang kasing lungkot ang dalaga. Pilit siyang nakikipag-ayos sa ina ngunit tumanggi na ito.

Makalipas ang ilang taon ay nagbago na ang buhay ni Danny at Eden. Hindi man nakapagkolehiyo ang kaniyang mister ay nagtayo ito ng maliit na carwash na kalaunan ay lumaki rin. Nang makaipon ay nagpundar muli ng mga negosyo. Hindi man naging madali ngunit kinaya nilang maging matagumpay.

Samantala, ginulantang ang lahat ng balitang sumakabilang buhay na pala si Cecille at dahil ito sa mapang-abusong banyagang asawa. Sa burol ng dalaga ay hindi sinasadyang magkita muli ang mag-ina.

Nang matanaw ni Aling Bebang ang anak ay napatakbo ito at napayakap.

“Eden, anak, patawarin mo ako! Nakita mo ba itong si Cecille? Nakakalungkot ang nangyari sa kaniya at maaaring ikaw ang nasa kalagayan niya kung nakinig ka sa’kin noon. Salamat sa Diyos at ubod ng tigas ang ulo mo. Ikakabaliw ko kung mangyari ito sa iyo! Patawarin mo ako!” pagtangis ng ina.

“‘Nay, kalimutan n’yo na po ang lahat ng nangyari. Masaklap talaga ang nangyari kay Cecille. Hindi ito dapat nangyari sa kaniya kung hindi siya pinagtulakan na pakisamahan ang lalaking iyon. Simula pa lang ay alam ko nang masama ang ugali no’n,” wika naman ni Eden.

Walang hanggan ang paghingi ng tawad ni Bebang sa kaniyang anak. Ngayon ay napatunayan niyang tama ang desisyon nito.

“Hindi pa naman siguro huli ang lahat, anak, para bumawi ako sa iyo. Pasensya ka na dahil ang tanging nais ko lang naman ay makalasap ka ng magandang buhay…pero mali pala talaga ang paraan na alam ko. Kita mo naman kayo ngayon ni Danny, nagmamahalan na nga ay ubod pa ng yaman. Masaya ako para sa iyo, anak,” wika muli ni Aling Bebang.

Sa wakas ay natanggap na rin ng ginang ang pagmamahalan nina Eden at Danny. Hindi dahil sa estado nila sa buhay ngayon kung hindi dahil napatunayan nila na iba ang nagagawa ng pag-ibig. Maging si Aling Bebang ay naniniwala na rin dito. Hindi kailangan ni Eden na makapag-asawa ng mayaman dahil kayang maabot ng dalawang nagmamahalan ang magandang bukas kung tapat ang kanilang pag-ibig at palagi silang nakasuporta sa isa’t isa.

Advertisement