Inday TrendingInday Trending
Ginagawang Katatawanan ng Sosyalerang Magkaibigan ang Dating Kaklase na Mahirap; Bandang Huli’y Sila Pala ang Katawa-tawa

Ginagawang Katatawanan ng Sosyalerang Magkaibigan ang Dating Kaklase na Mahirap; Bandang Huli’y Sila Pala ang Katawa-tawa

Dadalo ng isang seminar ang magkaibigang Jodie at Myrna. Habang nagpapalipas ng oras sa isang kilalang cafe, hindi maiwasan ng dalawa na pag-usapan ang mga pangyayari noong nasa hayskul pa sila. At sa tuwing nababalik ang usapang ito’y hindi maaaring hindi nila pagkwentuhan ang kaklaseng si Jasmin. Ito kasi ang palagi nilang iniinis dahil bukod sa mahina ito sa klase ay hindi rin kagandahan ang itsura nito, kaya naman walang humpay ang kanilang tawanan ng mga sandaling iyon.

“Naaalala mo pa ba nung binasa mo ‘yung palda niya tapos ang akala ng lahat ay naihi siya? Muntik na rin akong maihi sa kakatawa noon!” saad ni Jodie.

“Ako nga rin, e! Pero natatandaan ko nung sinadya mong baliin yung tasa ng lapis niya tapos ay tinago mo pa ‘yung pantasa. Wala kang kasing sama noon! Takot na takot ang loka-loka dahil hindi niya alam paano siya magsisimulang sagutan ang pagsusulit! Mas grabe ka sa akin!” tumatawang wika naman ni Myrna.

“Nasaan na kaya ‘yang si Jasmin, ano? Siguro ay nakatira pa rin iyon sa tabi ng estero kung nasaan sila dati. Tingin mo kaya nakapag-aral pa ‘yun ng kolehiyo? E ang hina ng utak no’n, walang alam kung hindi magtinda ng biko ng nanay niya. Hindi naman masarap!” saad muli ni Jodie.

“Pupusta ako sa iyo na hindi na nakapagkolehiyo iyon at nakapag-asawa na lang ng @dik sa lugar nila! Naku huwag na nga natin siyang pag-usapan at baka malasin rin tayo sa buhay! Pumunta na nga tayo sa seminar at baka mahuli pa tayo! Binilin pa naman sa akin ng boss ko na kumuha ako ng interview sa panauhing pandangal dahil maaari raw itong makatulong sa kompanya namin,” wika naman ni Myrna.

Habang palabas ng cafe ay hindi sinasadyang nabangga ni Myrna ang isang babaeng jologs kung manamit. Natapon tuloy sa kaniyang damit ang kaniyang inumin.

“Ano ba naman ‘yan! Mamahalin pa naman ang damit kong ito! Bakit hindi mo kasi tinitingnan ang dinadaanan mo, miss?! May dadaluhan pa naman kaming seminar! Palibhasa hindi sanay na pumunta sa ganitong lugar!” sambit ng dalaga.

Sandaling hindi nakaimik ang babae.

“Sandali lang, miss, ikaw ang nakabangga sa akin. Ikaw ang may kasalanan kung bakit natapon sa iyo ang kape. Nais ko sanang humingi ng paumanhin ngunit ubod ka ng yabang,” saad naman ng babae.

“Ako pa ang mayabang ngayon? Hoy, babae, alam ko ang ganyang itsura, nagpupumilit ka lang makisawsaw sa ganitong lugar! Hindi ka nababagay dito!” dahil sa sobrang inis ay kung anu-ano nang masasakit na salita ang lumabas sa bibig ni Myrna.

“Kung gusto mo ay ibibili na lang kita ng damit para lang matigil ka. Okay ba sa’yo ‘yun, miss?” dagdag pa ng babae.

“Anong akala mo sa akin walang pambili? Kaya kong bumili ng damit ko. Ang pinaglalaban ko lang ay ‘yang asal mo! Tara na nga, Jodie, ayaw ko nang kumausap pa ng mga tulad niya!” dagdag pa ni Myrna.

Umalis ang dalawa sa cafe. Dahil may oras pa naman ay napilitan tuloy si Myrna na bumili ng damit. Nakakahiya naman kasi kung haharap siya sa tao nang may mantsang kape ang kaniyang damit.

“Parang pamilyar ang mukha ng babaeng ‘yun. Parang nakita ko na siya dati. Hindi ko lang matukoy kung saan,” saad ni Jodie.

“Kung hindi sa mga beerhouse ay marahil sa mga disko sa probinsya mo makikita ang ganong uri ng tao! Grabe, halatang cheap! Halatang galing sa hirap!” dagdag pa ng dalaga.

Pumunta sa isang department store ang dalawa at namili ng mamahaling damit. Doon ay muli nilang nakita ang babae. Namimili ito ng damit. Kausap nito ang saleslady at nagpapahanap ng may diskwentong presyo.

“Kita mo nga naman, talagang social climber ang babaeng ito. Nais na bumili ng magandang tatak ng damit pero ayaw magbayad nang tama!” pagpaparinig ni Myrna.

Hindi na lang siya pinatulan pa ng babae at lumayo na lang. Ngunit matigas talaga ang ulo nitong si Myrna. Sinundan pa rin niya ito. Hindi siya makakapayag na hindi niya ito mapahiya.

“Miss, sabihin mo sa kliyente mo na ‘yan na pumunta na lang ng Divisoria at doon mamili. Wala atang pambayad kaya pinahihirapan kang maghanap ng mura,” saad ng dalaga.

“Ayos lang naman po dahil trabaho ko ito,” sagot ng saleslady.

“Sabagay, pareho kayo kaya nagkakaintindihan kayong dalawa!” dagdag pa nito.

“Miss, hindi naman kita pinakikialaman kaya maaari bang huwag mo na lang ding pakialaman ang ginagawa ko? Nagmamadali na kasi ako at may importante akong lakad,” wika ng babae.

“Bakit, naghihintay na ba ang sugar daddy mo? Naghihintay na ‘yung matandang lalaking inuuto mo? Alam mo halata ka na, kilalang kilala ko ang mga babaeng tulad mo. Hindi mo ako maloloko!’ muling sambit ni Myrna.

“Wala kang alam sa akin, miss, kaya mawalang galang na sa iyo, tatapusin ko na ang pamimili ko,” sagot naman ng babae.

Nang matapos mamili ay nagpalit agad ng damit itong si Myrna. Agad silang nagtungo sa seminar at ilang minuto na lang kasi ay magsisimula na ito.

Nagulat sila nang makita ang babaeng nakaalitan na pumasok rin ng naturang seminar.

“Akalain mong dadalo rin pala siya ng seminar na ito. Wala sa itsura niya!” saad ni Jodie.

“Wala talaga! Siguro ay may sugar daddy siya na narito at sinama lang!” natatawang saad naman ni Myrna.

Nagpatuloy ang seminar at kahit paano ay nawawala na rin ang inis ni Myrna.

“Jodie, pakinggan mo ngang maigi ‘yung pangalan ng panauhing pandangal, ayaw kong mapahiya mamaya kapag nakaharap ko siya. Babango ang pangalan ko sa boss ko kapag nagtagumpay ako,” pakiusap ni Myrna.

Maya-maya ay ipinakilala na ang panauhing pandangal. Nakita nila ang larawan ng babaeng nakasagupa nila kani-kanina lang.

“Alam naming gusto niyo na siyang makilala. Mula sa hirap ang babaeng ito ay nagsumikap upang mag-isa niyang maabot ang rurok ng tagumpay. Ngayon ay isa sa pinakamayamang negosyante sa Singapore. Kilala rin bilang isang manunulat at motivational speaker. Itinaas niya ang bandera ng mga kababaihang Pilipino hindi lang sa Singapore kung hindi sa lahat ng sulok ng mundo — walang iba kung hindi si Binibining Jasmin Guatato!” banggit ng tagapagsalita.

Nanlaki ang mga mata ng dalawa.

“Jodie, tama ba ang nakikita ko? Si Jasmin ba ang babaeng iyan? Si Jasmin na kaklase natin noon? Hindi ako makapaniwala!” nangangatal na sambit ni Myrna.

“Naku, paano na ‘yan ngayon, Myrna? Paano mo siya kakausapin para sa boss mo ngayong nilait at hinamak mo siya kanina? Sa tingin mo ba ay mapapatawad ka niya?” wika naman ni Jodie.

Buong seminar na iyon ay walang inisip si Myrna kung paano niya kakausapin ang dating kaklase. Hanggang ngayon pa rin ay hindi siya makapaniwala sa pagbabago ng buhay nito.

Pagkatapos ng seminar ay nakita ni Myrna si Jasmin na nasa parking lot pasakay ng mamahaling sasakyan nito.

“Jasmin, hindi ko akalaing ikaw ‘yan. Natatandaan mo pa ba ako? Ako si Myrna! Ito naman si Jodie, mga kaklase mo kami dati!” sambit ng dalaga na parang walang nangyaring tensyon sa pagitan nila.

“K-kalimutan mo na ang nangyari. Humihingi ako ng tawad sa’yo. Hindi ko kasi alam na ikaw na pala ‘yan! Ang laki kasi ng pinagbago mo, e,” dagdag pa ng dalaga.

“Una ko pa lang kayong makita sa cafe ay natandaan ko na kaagad kayo. Kung hindi nga lang masama ang nangyari’y baka nilibre ko pa kayo ng kape at magkakasama tayo ngayon. Kaso, hindi ka pa rin nagbabago, Myrna, masama pa rin ang ugali mo. Kape lang ang natapon sa damit mo ngunit hindi mo ako tinigilan. Hinamak mo pa pati ang pagkatao ko. Kung hindi kaya ako ganitong kayaman at katanyag ay hihingi ka ng tawad? Tiwala ako na hinding hindi! Pasensya na rin pero hindi ko matatanggap ang patawad mo dahil pinaghirapan ko kung ano man ang narating ko ngayon. Pero hindi ko ito ipinangangalandakan sa iba dahil gusto kong maging isang inspirasyon. Hanggang sa muli, Myrna at Jodie! Sana sa susunod nating pagkikita ay magaganda na ang mga asal ninyo,” sambit ni Jasmin sabay paandar ng kaniyang mamahaling sasakyan.

Hiyang-hiya sa kanilang mga sarili ang dalawa. Lalo na itong si Myrna. Magkahalong inis sa sarili at pagsisisi ang kaniyang naramdaman. Kung hindi sana matabil ang kaniyang dila’y nakausap na niya ito at malamang ay pinakiusapan niya ito sa hiling ng kaniyang boss.

Natutuhan ng dalawa ang pinakamahalagang aral sa kanilang buhay. Sa antas kasi ng buhay nila ngayon ay walang-wala sila kay Jasmin na kinukutya nila dahil lang sa nakaraan nito.

Advertisement