Inday TrendingInday Trending
Pangarap ng Mag-Asawa na Mapagtapos sa Pag-aaral ang Anak; Ito ang Kanilang Nakamit sa Labis na Paghahangad

Pangarap ng Mag-Asawa na Mapagtapos sa Pag-aaral ang Anak; Ito ang Kanilang Nakamit sa Labis na Paghahangad

Halos humaba na ang leeg ni Ron sa kakahanap sa kaniyang inang si Ditas. Wala kasi ito sa pwesto niya sa bangketa malapit sa overpass. Ilang sandali pa ay natagpuan niya ito kausap ang isang ale kaya agad niya itong nilapitan.

“Pautangin mo naman na ako ulit, Gina, pangako ko sa iyo na hindi na ako mahuhuli ng bayad. Nagkasakit lang talaga ang mister ko kasabay ng bayaran ng anak ko ng matrikula kaya nahuli ako ng bayad sa’yo noong nakaraan,” nakikiusap si Ditas sa isang ginang.

“Narinig ko na ‘yang dahilan na ‘yan, Ditas. Hindi lang naman isang beses kang nahuli ng bayad. Ilang beses ka ring nagtatago sa akin! Tanungin mo pa ang ibang tindera dito! Sinagad mo ang pasensya ko, Ditas, hindi ka na talaga makakaulit pa!” sambit naman ni Gina.

Lumapit si Ron at agad na inawat ang ina.

“‘Nay, ano pong nangyari? Bakit po kayo sinisigawan ng babaeng ito?” pag-aalala ng binata.

“Naku, hindi, anak. Wala ito! Nag-uusap lang kami nitong si Gina. Sa katunayan nga ay paalis na siya, e,” tugon ng ina.

“Ditas, huwag ka nang magpanggap diyan sa anak mo! Sabihin mo na ang totoo sa kaniya na hindi na kaya ng pagtitinda mo rito sa bangketa ang pagpapaaral sa kaniya!” sabat ni Gina.

“Ikaw naman, Ron, huwag ka nang mangarap ng mataas dahil ito ngang ina mo’y hindi na naghayskul nang makatapos ng elementarya. Tulungan mo na lang siya sa pagtitinda kaysa nagiging pabigat ka! Kaya pati tuloy ang negosyo ko ay nadadamay sa inyo! Ewan ko sa inyong mag-ina, makalayas na nga!” dagdag pa nito.

Hindi makatingin si Ditas sa mga mata ng kaniyang anak.

“Totoo ba, ‘nay, nabaon na kayo sa utang nang dahil sa pag-aaral ko? Ayos lang naman po sa akin ang tumigil, ‘nay. Tutulungan ko na lang kayo sa pagtitinda. Kapag dalawa tayong magtinda ay mas mabilis at mas madami tayong kikitain,” naiiyak na wika ni Ron.

“Anak, huwag mong intindihin ang sinabi ni Gina. Ganoon lang talaga ang bibig ng babaeng iyon! Akala mo naman ay milyon ang inutang ko sa kaniya! Hindi ka hihinto ng pag-aaral, anak. Kapag huminto ka ay matutulad ka rin sa amin ng tatay mo. Ayaw naming maranasan mo ang hirap na dinanas namin. Mag-iiba ang takbo ng buhay mo kapag may pinag-aralan ka. Hindi ka hahamakin ng ibang tao. Makakahanap ka ng magandang trabaho. Mabubuhay mo ang pamilya mo!” pinipilit ni Aling Ditas na hindi tumulo ang kaniyang mga luha.

“Anak, tandaan mo ang sinabi ko, a. Ayos lang na mahirapan kami ng tatay mo. Bata hindi ka titigil sa pag-aaral,” dagdag pa ng ina.

Hindi na alam ni Ron ang kaniyang gagawin. Nais na talaga kasi niyang makapagtrabaho nang sa gayon ay hindi na nahihirapan ang kaniyang mga magulang. Lalo ngayon na higit na nahihirapan ang kaniyang ina dahil nagkasakit pa ang kaniyang ama.

Kinabukasan ay lutang pa rin ang isip ni Ron kahit na nasa loob na siya ng silid-aralan. Umiisip siya ng paraan upang makatulong sa kaniyang mga magulang.

Nang tawagin siya ng guro ay wala siyang nasagot sa tanong nito, kaya naman pinaiwan siya nito sa klase.

“Ano ba ang iniisip mo, Ron, at lutang ang isip mo sa klase? Hindi ka naman ganyan dati. May nangyari ba?” tanong guro.

“Pasensya na po, ma’am, nag-iisip lang po ako ng paraan para makatulong sa mga magulang ko. Gipit na gipit na po kasi sila ngayon pero pinag-aaral pa rin nila ako. Gusto ko silang tulungan,” malungkot na sambit ng binata.

“Alam mo, Ron, swerte ka at masigasig na itinatawid ng mga magulang mo ang pag-aaral mo. Kung gusto mo talaga silang tulungan ay pagbutihan na lang ang pag-aaral mo. Iyan ang tanging magagawa mo para sa kanila ngayon,” payo ng guro.

Napagtanto ni Ron na tama ang sinabi ng kaniyang guro. Lalo tuloy lumakas ang kaniyang pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral. Napagtanto kasi niyang hindi lang basta magandang buhay ang maibibigay niya sa kaniyang mga magulang kung hindi pati na rin karangalan para sa mga ito.

Pag-uwi ni Ron sa kanilang bahay ay nagulat siyang makita ang ama na nagkukumpuni kahit na may sakit.

“‘Tay, hindi ba’t sabi ng doktor ay hindi pa kayo p’wedeng magtrabaho? Huwag muna po kayong magkikilos at baka lalo kayong magkasakit,” wika ni Ron.

“Lalo akong magkakasakit kapag hindi ako kumilos, anak. Madali lang naman ang trabahong ito. Kayang kaya ko na ‘to. Pumasok ka na sa loob at kumain, tapos ay gawin mo na ang mga asignatura mo. Huwag ka nang mag-alala pa sa akin,” wika naman ng ama.

Bago pumasok ng bahay si Ron ay dumating ang kanilang kapitbahay para tingnan ang ipinakumpuni.

“Ron, paghusayan mo ang pag-aaral mo. Tingnan mo itong tatay mo, kahit may sakit ay nagtatrabaho pa rin. Ang sabi niya sa akin ay bayaran na raw kasi ng matrikula mo at nag-aalala siya sa nanay mo. Kapag nakatapos ka ng pag-aaral ay baka naman mag-asawa ka kaagad. Bumawi ka muna sa mga magulang mo!” sambit ng ginang.

Labis na nahabag si Ron sa kaniyang mga magulang. Sadyang nasa kaniyang palad talaga na magbago ang buhay ng mga ito.

Simula nang araw na iyon ay sinikap ni Ron na mag-aral nang mabuti, lalo na nang malaman niyang namimigay ng iskolarsyip ang kanilang eskwelahan. Ginawa niya ang lahat dahil malaki ang matitipid niya sa matrikula kapag nakakuha siya ng iskolarsyip.

Isang hapon ay nagtungo muli si Ron sa bangketa upang puntahan ang kaniyang ina. Nais niyang ibahagi ang magandang balita.

“Anak, nakiusap ka na ba sa guro mo na makapag-exam kahit na wala ka pang bayad? Sabihin mo na pangako at babayaran ko sa katapusan. May hinihintay akong pera sa paluwagan. Kahit na ako ang makiusap sa kaniya kung kinakailangan,” saad ni Aling Ditas.

“‘Nay, hindi ko na po kinausap ang guro ko. Wala na rin po kasing saysay kung makikiusap pa ako sa kaniya,” wika ng binata.

“Bakit, anak, ayaw mo na bang mag-aral talaga? Huwag ka namang huminto sa pag-aaral, anak. Kahit naman nagigipit kami ng tatay mo ay sinisikap naming makapag-aral ka. Parang awa mo na, anak. Huwag kang humiminto,” naiiyak na pakiusap ng ina.

“‘Nay, hindi ko na po kailangang makiusap kasi nakapag-exam na po ako. Nakapasa po kasi ako sa iskolarsyip! Simula po ngayon ay hindi na po tayo magbabayad ng matrikula. Huwag kayong mag-alala, ‘nay, at hindi masasayang ang pinaghirapan ninyo ni tatay. Pangako po na kahit anong mangyari ay magtatapos ako ng pag-aaral,” wika naman ni Ron.

Walang pagsidlan ng tuwa si Aling Ditas sa ibinalita ng anak. Maging ang asawa niya’y napaluhod pa at napadalangin sa Panginoon sa labis na kaligayahan.

Dahil naging inspirasyon ni Ron ang kaniyang mga magulang ay sinikap niyang makapagtapos ng pag-aaral. Hindi lang basta maka-graduate dahil nagtapos siya nang may karangalan. Labis siyang ipinagmamalaki ng kaniyang mga magulang. Para sa mag-asawa’y sila rin ang nakapagtapos.

“Sino ang mag-aakala na parehong elementary graduate ang mga magulang ko? Kahit na kapos sa edukasyon ay hindi ito naging hadlang para mapagtapos nila ako ng pag-aaral. Para sa kanila, ito ang pinakamagandang pamana na maiiwan nila sa akin. Pero para sa akin ay ito ang pinakamatinding sandata ko upang maabot ko ang lahat ng minimithi ko sa buhay para naman sa kanila. Umpisa pa lang ito ng bagong yugto sa buhay ko. Buong pag-asa kong haharapin ang bukas dahil alam kong nariyan ang mga magulang ko na handang sumuporta at laging naniniwala sa akin,” pahayag ni Ron sa kaniyang talumpati.

Bumuhos ang luha nang umagang iyon nang isabit ng mag-asawa sa kanilang nag-iisang anak ang pinakamataas na pagkilala na natatanggap ng isang mag-aaral sa kanilang kurso. Taas noo ang mag-asawa dahil sa wakas natupad na ang matagal na nilang pangarap.

Bilang ganti naman ay si Ron na ang bumuhay sa kaniyang mga magulang. Hindi dahil sa pagtanaw ng utang na loob ngunit dahil ibinabalik niya ang pagmamahal at sakripisyong inilaan ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

Advertisement