Inday TrendingInday Trending
Animo’y Pinagbagsakan ng Langit at Lupa ang Taxi Drayber nang Walang Maipambayad ang Kaniyang Pasahero; Bakit Mukhang Ito pa ang Galit sa Kaniya?

Animo’y Pinagbagsakan ng Langit at Lupa ang Taxi Drayber nang Walang Maipambayad ang Kaniyang Pasahero; Bakit Mukhang Ito pa ang Galit sa Kaniya?

Panay ang kamot ni Edgar sa kaniyang sentido habang nakikinig sa sinasabi ng babaeng kaniyang pasahero. Sumakay ito sa kaniyang taxi mula sa Buendia patungong Monumento, at ngayon ay wala naman pala itong perang pambayad.

“Anong gagawin natin ngayon, ma’am? Ang layo po ng biyahe natin, tatakbong limang daan nga po ang metrong dapat niyong bayaran tapos wala kayong pera?” aniya, parang nanakit ang ulo sa problemang biglang dumating.

“Ano ang gagawin ko, manong? E talagang wala akong perang maipapambayad sa’yo,” anang babae.

Sa tono nito’y wala man lang siyang mahimigang nahihiya at nakokonsensya. Animo’y nagmamalaki pa ang tono nito habang kinakausap siya. Akala niya talaga’y matino ang babae, ang porma kasi nito’y animo mayaman, at kanina habang bumibiyahe sila’y may kinakausap itong sa kaniyang hinuha’y kasosyo nito sa negosyo dahil puro pera ang tumatakbo sa usapan nila ng nasa kabilang linya. Kaya labis siyang nakukunsumi ngayong wala naman pala itong pambayad sa kaniya.

“Alam mo ma’am, mas maigi siguro na dumeretso na muna tayo sa barangay at doon na natin pag-usapan ang bagay na ito,” aniya, akmang mamani-obrahin ang manibela nang magsalitang muli ang babae.

“Mukha ka rin talagang pera kuya ‘no? Hindi pa ba sapat iyang ibinigay kong kwintas at singsing sa’yo? Sinamahan ko pa nga ng pampaswerte, tapos hindi ka pa kuntento!” mataray na wika ng babae.

Siya na nga itong naagrabyado, mukhang ito pa ngayon ang galit. Kaunting-kaunti na lang ay maiinis na siya rito’t baka masinghalan na niya ang manlolokong babae.

“Ano naman ang gagawin ko sa kwintas at singsing mong peke, miss? Saka pampasuwerte? Sa’yo pa nga lang ay minalas na ako!” aniya, pilit hinihinahon ang boses. Sa itsura pa lang kasi ng mga ibinigay nito’y alam na niyang wala namang mga halaga iyon at baka nga ibato pa iyon pabalik sa kaniya ng sanglaan kapag sinubukan niyang isangla.

Umirap ang babae. “Kahit anong gawin mo sa’kin, kuya, wala ka nang mapipiga. Wala na talaga akong pera, kaya nga iyan na lang ang ibinigay ko kasi iyan na lang ang mayroon ako,” anito. Mataray pa rin nitong wika, wala man lang pagpapakumbaba na kung tutuusin ay ito ang umagrabyado sa kaniya.

“Limang daan ang kailangan mong bayaran sa’kin, tapos ito lang ang ibinigay ko sa’kin. Alam mo, miss, kung wala ka naman pa lang pambayad, sana hindi ka na lang nag-taxi, sana nag-dyip ka na lang o ‘di kaya’y nag-LRT,” litanya ni Edgar. “Maayos akong naghahanapbuhay, miss, malaking halaga na rin ang limang daan na ayaw mong bayaran. May pamilya akong binubuhay, naghahanapbuhay ako, hindi ako nakikipaglaro. Sana tubuan ka man lang ng kaunting konsensya, hindi iyong ikaw pa ang nagmamataas na para bang ako ang may atraso sa’yo,” dugtong niya.

“Bayad na ako sa’yo, kuya, nasa kamay mo na ang bagay na pinapahalagahan ko. Kaya kwits na tayo,” anang babae, mataray pa rin ang tono.

Mariing naipikit ni Edgar ang mga mata at napahigpit ang hawak sa manibela, tanda nang pinipigilang galit para sa babae. Kaysa masaktan niya ito’y nagdesisyon siyang pababain na lamang ang babaeng hindi niya malaman kung nasa tamang pag-iisip ba o wala.

“Bumaba ka na miss, isang pag-aaksaya ng oras ang makausap ka. Kahit alam mo naman na mali ka’y ipinagpipilitan mo pa ring tama ka. Diyos na lang ang bahalang maningil sa ginawa mo sa’kin. Sana wala ka nang kagaya kong maloloko,” aniya.

Bumaba ng taxi ang babae gaya ng sabi niya. Ngiting-ngiti pa.

Ang sakit isipin na nabiktima siya ng ganitong klaseng modus. Ngunit kung palalakihin pa niya ang nangyari’y siya lang rin ang malulugi, bukod pa sa pera’y pati na sa oras. Kung makikipagtalo pa siya rito’y mas lalo siyang hindi makakahanap ng pasahero, at kung ihahatid niya ito sa barangay upang doon makipag-areglo, masisiguro kaya niyang mababayaran siya nito?

Siya ang luging-lugi kahit saang anggulo man niya iyon tingnan. Kaya naman kaysa hayaan itong malugi siya’y ipagpapasa-Diyos na lamang niya ang ginawa nito sa kaniya. Pilit niyang pinakalma ang nagagalit na damdamin. Nalugi man siya ng halos limandaang piso, alam niyang pera lamang iyon at maaari pa niya iyong kitain ulit, ipapaliwanag na lang siguro niya mamaya kay Boss Adrian kung bakit kulang ang tarya niya, maiintindihan naman siguro siya ng batang boss. Huhulug-hulugan na lamang niya iyon.

May mga tao talagang sanay na sanay mang-agrabyado ng taong marangal na naghahanapbuhay. Hindi nila naiisip kung ano ang magiging epekto nito sa taong inagrabyado nila. Tinatalaban pa kaya ng karma ang mga ganitong klaseng tao?

Advertisement