Inday TrendingInday Trending
Mabagsik na Sinugod Niya ang Sariling Kapatid Dahil sa Ginawa Nito sa Kaniyang Anak; Sising-sisi Siya sa Paghingi ng Tulong sa Kamag-Anak

Mabagsik na Sinugod Niya ang Sariling Kapatid Dahil sa Ginawa Nito sa Kaniyang Anak; Sising-sisi Siya sa Paghingi ng Tulong sa Kamag-Anak

Lakad takbo ang ginawa ni Myrna upang habulin ang galit na galit niyang asawang si Berto. “Berto, tama na iyan!” aniya. Ngunit tila bingi ang asawa at wala itong naririnig sa sigaw niya dahil nagpapatuloy ito sa paglalakad patungo sa bahay ng kapatid nitong si Michelle.

“Michelle! Lumabas ka d’yan!” galit na kinalampag si Berto ang matayog na gate ng bahay ng kapatid.

“K-Kuya, ano na naman ba ito?” nahihintakutang tanong ni Michelle sa galit na kapatid. “At bakit may dala kang itak?! Anong balak mong gawin?” dugtong nito, ang mga mata’y nakatitig sa hawak nito.

“Lumabas ka rito at mag-usap tayo! Hindi ba’t ito naman ang gusto niyo? Ang ilabas ko ang ugali kong iskwater?! Ito ang gusto niyo, ang patunayan ko sa inyo… sa lahat ng tao na wala akong pinag-aralan! Lumabas ka rito!” asik pa rin ni Berto.

Si Myrna naman at ang tatlo pa nilang anak ay pinipigilan si Berto na kalampagin ang matayog na gate. Nais pakalmahin ang padre de pamilyang ngayon ay nagwawala sa galit.

“Ano ba ang kasalanan ko sa’yo, kuya? Wala naman akong ginagawang masama ah!” ani Michelle.

“Wala kang ginawang masama, Michelle, talagang gustong-gusto mo lang na apakan ang pamilya ko!” ani Berto, hindi maiwasang pumiyok nang sambitin ang wikang pamilya. “Kasi ako ang kuya, pero ang hindi umangat sa buhay! Ako ang kuya pero nandito ako sa lupa at kayo ay nasa langit! T@ngina, Michelle! Lahat kayo wala kayong ginawang masama, dahil pakiramdam niyo, palagi kayong tama!” gigil na gigil na wika ni Berto.

“Kung hindi ka pa aalis, kuya, tatawag na ako ng pulis. Nangha-harass ka na!” tili ni Michelle.

“Itay, tama na ho,” mangiyak-ngiyak na wika ni Santi, ang panganay na anak ni Berto at Myrna. “Nakakahiya na po sa mga kapitbahay,” dugtong niya at dagling sinulyapan ang mga kapitbahay na nagkaniya-kaniyang dungaw sa mga bintana ng bahay nito upang manuod sa eksena nila.

Nang makita ni Berto ang mukha ni Santi ay bigla itong huminahon at malalim na bumuntong hinga saka mangiyak-ngiyak na nagsalita. “Patawarin mo ako, anak, kasi dahil sa’kin kaya kayo inaalipusta ng mga tiyahin niyo,” aniya, hindi mapigillan ang pagdagsa ng emosyon.

Working student si Santi. Habang nag-aaral ay nangamuhan ito sa tiyahing si Michelle. Dahil hindi niya kayang pag-aralin ang anak ay nagdesisyon siyang humingi ng tulong sa mga kapatid, ngunit tanging si Michelle lamang ang tumanggap kay Santi. Nasaktan ang kaniyang loob, ngunit hindi na lamang niya inisip ang bagay na iyon.

Tatlo ang kapatid niyang nakakaangat-angat sa buhay – si Robert, ang sumunod sa kaniya, si Nancy ang pangatlo, at si Michelle, ang bunso. Lahat kasi ng mga kapatid niya’y nakapagtapos ng pag-aaral, siya lamang ang hindi, dahil siya ang panganay. Isinakripisyo niya ang sarili makapagtapos lamang ng pag-aaral ang tatlong kapatid.

Ang katwiran niya noon ay sanay naman siyang maghanapbuhay, at kaya naman niyang maghanap ng trabaho kahit hindi siya makapagtapos ng pag-aaral. Ang mahalaga’y matulungan niya ang kaniyang mga kapatid, at baka sakali’y baka gumanti rin ang mga ito sa kaniya pagdating ng panahon.

Kaya naman noong nakikita niya ang pag-angat ng mga buhay ng mga kapatid ay labis ang galak na naramdaman niya, dahil alam niyang parte ng tagumpay ng mga ito’y isa siya sa mga naroon upang umagapay. Ngunit nang tuluyang magbago ang buhay ng kaniyang mga kapatid ay kasamang nagbago ang ugali ng mga ito. Hindi na kapatid ang tingin ng mga ito sa kaniya… kung ‘di isang pabigat.

Kaya nag-aalangan siyang humingi ng tulong sa mga ito, dahil ayaw niyang makarinig ng panunumbat, maliban na lang talaga noong nagkolehiyo si Santi. Ngunit nagpapasalamat pa rin siya dahil tinanggap ni Michelle ang kaniyang anak.

Ngunit isang araw ay biglang umuwi si Santi sa kanila, sa pag-aalala niya na baka may nagawa itong kasalanan o ano’y nagalit siya. Nanghihinayang kasi siya sa pag-aaral ng anak. Dalawang taon na lang ang bubunuinn at makapagtatapos na ito.

“Ano ba talaga ang nagawa mong kasalanan, Santi? Hindi ka ba nanghihhinayang sa pag-aaral mo? Ginagamit mo pa ba ang utak mo?!” inis na sita ni Berto sa anak.

“Itay, dito na lang po ako, mag-aaral pa rin naman ako, pero hindi na po ako kila Tita Michelle tutuloy. Tutulungan ko kayo sa bukid, ‘tay. Kaya niyo naman akong pag-aralin, hindi po ba?” maluha-luhang pakiusap ni Santi.

“Sabihin mo sa’kin, Santi, kung ano ang naging problema,” pangungumbinsi ni Berto sa anak.

Hindi man sabihin ng anak ay nararamdaman niyang may mabigat na dahilan kaya ayaw na nitong tumira sa tiyahin. Isa-isang ipinaliwanag ni Santi sa kaniya ang totoong nangyari. Sa loob ng dalawang taong namalagi si Santi sa bahay ng kaniyang kapatid, animo’y isang hayop ang naging turing nito sa kaniyang anak. Hangga’t hindi nalilinisan ni Santi ang buong bahay ay wala itong karapatang kumain. At ayaw rin ni Michelle na nakakasabay si Santi sa kanila sa hapag-kainan.

May nabasag na mamahaling gamit ang anak nito ay kay Santi iyon ibinintang, kaya dalawang gabing natulog si Santi sa labas ng bahay nang walang kain bilang parusa. Ayaw rin ni Michelle na sumasali si Santi sa kahit anong programa sa eskwelahan, ang gusto nito’y pagkatapos ng klase ay uuwi agad si Santi upang asikasuhin ang bahay nila.

Hindi kamag-anak ang tingin nito kay Santi, kung ‘di isang katulong. Palagi pang minamaliit ni Michelle si Berto kapag nagagalit ito kay Santi. Dahilan kaya agad na umakyat ang dugo ni Berto at sinugod ang walang utang na loob niyang kapatid.

“Tandaan mo ito, Michelle! Hindi habambuhay ay nasa tuktok kayo. Kapag umikot ito pababa, wala nang mahirap na Berto ang tutulong sa inyo. Ibinigay ko sa inyong lahat ang buhay ko, hinayaan ang sariling hindi makapag-aral dahil makita ko lang kayong nagtatagumpay sa buhay ay masaya na ako. Pero mga wala kayong utang na loob!” gigil na wika ni Berto sa kapatid.

“Kinaya ko noon na suportahan kayo, sa tingin mo ba’y hindi ko kakayanin ngayon sa sarili kong anak? Papatunayan ko sa inyong lahat, Michelle, na hindi lang kayo ang mahal ng Diyos!” inis niyang wika at malakas na pinukpok ang bakal na gate saka nagmartsa palayo.

Kung alam lang niyang mangyayari ang ganito, sana noon pa man ay inuna niya nang isipin ang kaniyang sarili. Inakbayan niya si Santi at ang iba pa niyang mga anak. Ipinapangako niya sa sarili na susuportahan niya ang mga ito hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral.

Kahit mawala man siya sa mundo, alam niyang makakayanan ng mga itong tumayo sa sariling mga paa upang hindi na muling humingi ng tulong sa mga matapobre niyang kapatid.

Advertisement