Kinantyawan Niya ang Dating Kasintahan na Ngayon ay Naglalako ng Isda; Ngunit Bakit Siya ang mas Nasasaktan Ngayong Kausap Niya Ito?

Alas sais ng umaga nang magising si Abner, matapos niyang iligpit ang pinaghigaan ay nagpasya siyang lumabas na ng silid upang magsaing. Paminsan-minsan lamang siyang nakakauwi sa probinsya nila, maliit na bagay na lang kung gagawa siya ng mga hindi naman mabibigat na gawain, gaya na lang nga ng pagsasaing.

Nang matapos sa ginagawa ay nagpasya siyang lumabas upang magpapawis, agad niyang nginitian at hinalikan sa noo ang inang nakitang nagwawalis.

“Saan ka pupunta, Abner?” usisa ng ina.

“Magjo-jogging lang, ‘nay,” aniya.

Nang tumango ito bilang pagsang-ayon ay agad niyang hinanda ang sarili sa paglabas ng kanilang bakuran nang makita ang pamilyar na bulto ng babaeng papasok sa bakuran nila.

“Nanay Iseng, baka gusto mo ng isda? Sariwa ito ‘nay, bagong huli,” ani Madel, nang makita siya’y agad na rumehistro sa mukha ang pagkagulat. “Uy! Nakauwi ka na pala, Abner,” anito at matamis na ngumiti.

Si Madel ang kaniyang dating nobya, at tumagal din ang relasyon nila ng siyam na taon. Hayskul nang maging sila, hanggang sa nagkolehiyo, nagkahiwalay lang noong sumampa siya ng barko. Malaki na ang ipinagbago ng itsura nito, ngunit hindi pa rin maitatangging maganda talaga ang dating nobya.

“Kumusta ka na, Madel?” tanong niya sa babae. Ang planong pagtakbo ay nawala na sa isipan.

Advertisement

“Ayos lang naman, Abner, ito losyang na losyang na,” anito at sinundan ng malakas na tawa.

Nais niyang itanggi ang bagay na iyon, dahil hindi naman nagmukhang losyang ang dating kasintahan. Medyo nagkalaman nga lang ang dating patpatin nitong katawan, ngunit bumagay naman rito. Sabagay, dalawa na kasi ang anak nito kaya malamang ay may pagbabago na talaga, ngunit naroroon pa rin ang natural nitong ganda.

“Uy! Bumili ka na ng isda, Abner, sariwa ito, hindi gaya ko. Tiyak na hinding-hindi ka magsisisi,” biro pa rin ni Madel.

Bahagyang tumawa si Abner. “Sinasabi ko naman kasi sa’yo. Kung tayo sanang dalawa ang nagkatuluyan, malamang hindi mo mararanasan ang maglako ng isda,” aniya sa tonong nagbibiro.

Malapad na ngumiti si Madel. “Malandi ka kasi kaya hindi tayo nagkatuluyan,” sakay nito sa biro niya.

Iyon ang totoo… siya ang may kasalanan kaya nagkahiwalay sila noon ni Madel, kaya hindi kataka-takang walang kahit anong galit ang pamilya niya sa babae. Nang mag-OJT siya sa Maynila upang ihanda ang sarili sa pagsakay ng barko. Marami siyang nakilalang babae na mas maganda kay Madel, bilang lalaki at batang-bata pa ay sumubok siyang tumikim ng iba, at inisip na hindi pala si Madel ang tunay na nagpapasaya sa kaniya, kung ‘di ang maraming mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya, lalo na noong nakasakay na siya sa barko. Nakipaghiwalay siya sa nobya at nagpakasarap.

Ngunit ngayong tumatanda na siya’y saka lamang niya napagtantong wala palang ibang babaeng tunay na nagmahal sa kaniya kung ‘di si Madel lang. Minahal siya ni Madel, kahit wala siyang kayang ibigay rito, hindi gaya ng mga babaeng nakilala niya pagkatapos nito’y minamahal lamang siya dahil sa kaya niyang ibigay.

“Nanghinayang ka ba, Madel, kasi hindi tayo ang nagkatuluyan?” aniya biglang sumeryoso. Alam niyang wala na rin namang saysay kung nanghinayang nga ito sa relasyon nila noon, dahil may asawa’t anak na ito. Pero nais pa rin niyang malaman ang nararamdaman nito.

Advertisement

Tila naguluhan si Madel sa biglaang tanong ni Abner, hindi niya iyon napaghandaan. Naparito siya upang magtinda ng kaniyang paninda, hindi upang dugtungan ang kahapon nilang matagal nang nagtapos. Ngunit pakiramdam niya’y kailangan niyang sagutin ang tanong nito, upang pareho silang malinawan.

“Kung noon mo ako tinanong niyan, baka ang isagot ko’y oo, Abner… labis kong pinanghinayangan ang nasira nating relasyon,” aniya, mula iyon sa kaniyang puso. Matamis siyang ngumiti saka nilingon ang ina ng lalaking kanina pa nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila. “Pero kung ngayon ko pagbabasehan ang isasagot d’yan sa tanong mo… hindi, Abner. Hindi na, kasi alam kong nangyari iyon dahil may plano ang Panginoon, iyon ay ang makilala ko ang asawa ko,” aniya at agad na napagiti nang maalala ang asawa.

Pakiramdam ni Abner ay nawasak ang puso niya sa tapat na sagot ni Madel.

“Kung hindi tayo nagkahiwalay, baka hindi ko nakilala ang asawa ko at baka hanggang ngayon ay wala pa rin akong cute na mga anak anak,” dugtong ni Madel, saka inakbayan ang dating kasintahan. “Alam mo Abner, salamat sa pananakit mo, marami akong natutuhan sa relasyon natin. At alam mo, tungkol doon sa sinabi mong hindi sana ako naglalako ngayon ng isda, pakiramdam ko’y malabong mangyari iyon. Kasi kahit tayo siguro ang nagkatuluyan, gugustuhin ko pa ring pasukin ang negosyong ito,” aniya at matamis na ngumiti at mahinang tinapik ang balikat niya.

Nakikita ni Abner sa mga mata ni Madel na hindi ito nagsisinungaling. Nakikita niyang tunay itong masaya sa piling ng asawa. “Masaya ako para sa’yo, Madel, at sana mapatawad mo ako sa lahat ng kasalanan ko sa’yo noon.”

Ngumiti si Madel at kumindat.

“Matagal na kitang napatawad, Abner, at mas lalo kitang mapapatawad kung magbubuena mano ka sa paninda ko,” ani Madel at malakas na tumawa.

Nakitawa na rin si Abner at ang ina nitong tila natutuwa sa kanilang dalawa.

Advertisement

Hindi naman talaga tayo dapat magalit sa mga dati nating kasintahan, bagkus ay dapat pa nga natin silang pasalamatan, dahil kahit papaano’y naging parte sila sa kwento ng buhay natin.