Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalaga sa Amang Palagi Siyang Pinagsasarhan ng Gate; Ito Pa Pala ang Makapaglalayo sa Kaniya sa Kapahamakan

Nagalit ang Dalaga sa Amang Palagi Siyang Pinagsasarhan ng Gate; Ito Pa Pala ang Makapaglalayo sa Kaniya sa Kapahamakan

Ang dalagang si Gail at ang kaniyang ama na lamang ang tanging magkasama sa buhay. Kamakailan lang nang sumakabilang buhay ang ilaw ng kanilang tahanan na talagang nagpayanig sa kanilang daigdig ngunit kahit pa ganoon, katulad ng kagustuhan nito, pinagsumikapan nilang mag-ama na mamuhay nang masaya sa kabila ng pagkawala nito.

Hindi man naging madali para sa kaniya ang pagkawala ng taong nagbigay buhay, kumalinga, at nagbigay pag-asa sa pangarap niyang maging isang doktor, ginawa niya pa rin ang lahat upang maabot ang pangarap niyang ito sa tulong ng kaniyang ama na ngayon ay siyang sumusuporta sa kaniya.

Kaya lang, sa tuwing nauunahan siya nitong umuwi sa kanilang bahay pagkatapos ng trabaho nito, palagi nitong kinakandado ang kanilang gate na talagang ikinaiinis niya.

“Papa, alam mo naman kung gaano kahirap ang kurso ko kaya palagi akong gabi kung umuwi! Kaya huwag mo nang ikandado kaagad ang gate kapag ikaw ang naunang umuwi! Nakakahiya kaya sa mga kapitbahay, baka akala nila isa akong suwail na anak na hatinggabi palagi umuuwi! Kung gusto mong ikandado ang gate, iwanan mo ang susi sa taguan natin, papa, hindi ‘yong pati susi ay kukuhanin mo!” galit niyang sabi sa ama, isang gabi matapos siya nitong pagbuksan ng gate.

“Umuwi ka kasi nang maaga! Alas onse na ng gabi ang uwi ko sa trabaho, dapat ang isang dalagang katulad mo, nasa bahay na sa mga oras na iyon! May internet naman tayo, may kompyuter, at malamig naman sa kwarto mo, kaya rito ka na lang mag-aral, anak, huwag na kung saan-saan!” sermon nito sa kaniya.

“Hindi mo kasi ako naiintindihan, eh!” sigaw niya pa rito saka agad na nagkulong sa kaniyang kwarto.

Sa kabila ng pag-uusap nilang iyon ng kaniyang ama, ganoon na naman ang ginawa niya kinabukasan. Pagkatapos ng kaniyang klase sa unibersidad na kaniyang pinapasukan, muli na naman siyang sumama sa kaniyang mga kaibigan na mag-aral sa isang sikat na kapehan.

Doon kasi, pakiramdam niya, para lang siyang nakikipagtsismisan sa kaniyang mga kaibigan kahit ang totoo, sila talaga’y nag-aaral. Tila napapadali para sa kaniya ang pag-aaral kapag kasama niya ang mga ito dahilan para ganoon niya na lamang hindi intindihin ang payo ng kaniyang ama.

Habang abala siya sa pag-aaral doon, siya’y napatingin sa orasan ng naturang kapehan at nang makita niyang limang minuto na lamang ay alas onse na, agad niyang tinawagan ang ama upang huwag siya nitong pagsarhan ng gate.

“Umuwi ka na,” agad nitong sagot.

“Eh, papa, naman! Sige na, sarhan mo na ‘yong gate, basta, iwanan mo ‘yong susi sa paso, ha? Madami-dami pa itong pag-aaralan ko, eh,” katwiran niya habang pinapakinggan niya ang pagbukas nito ng kanilang gate.

“Sige, kahit bukas ka na ng umaga umuwi, anak,” wika nito na agad niyang ikinainis dahil pakiramdam niya, sarkastiko ang pagkakasabi nito.

“Si papa naman, eh! Galit na naman ‘yan sa akin!” sigaw niya rito.

“Sige na, anak, makinig ka sa akin, ha? Bukas ka na umuwi,” wika pa nito saka agad na binaba ang tawag dahilan para siya’y agad-agad na magligpit ng gamit at umuwi sa takot na mapagsarhan ng gate.

Maya maya pa, tuluyan na siyang nakauwi sa kanilang bahay at katulad ng kinaiinisan niya, nakakandado na naman ang kanilang gate at wala na naman sa paso ang susi nito dahilan para siya’y sumigaw nang sumigaw upang pagbuksan siya ng kaniyang ama.

Kaya lang, siya’y labis na nagtaka dahil ilang tawag na ang ginawa niya, hindi pa rin siya pinagbubuksan ng kaniyang ama. Dati kasi, isang sigaw palang nito, agad na niyang maririnig ang yabag ng paa nito patungo sa kanilang gate.

Ito ang dahilan para akyatin na niya ang kanilang gate at siya’y labis na nabigla nang makitang nakahandusay na sa tapat ng kanilang pintuan ang kaniyang ama! Nang tingnan niya ang kanilang bahay, wala na ang kanilang mga gamit sa bahay at gulo-gulo na ito!

Agad siyang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay kaya agad na nadala sa ospital ang kaniyang ama. Sa kabutihang palad, nawalan lang ng malay ang kaniyang ama nang ito’y pukpukin ng isang magnanakaw ng baril sa ulo. Nakita niya ang lahat ng pangyayaring ito dahil sa kanilang CCTV.

Nakita niya pa roon na pagkakatok at pagkasigaw niya sa kanilang gate, lumabas ang isang magnanakaw upang siya’y bar*lin at doon na ito inawat ng kaniyang ama. Nang mawalan ito ng malay dahil sa pagkapukpok ng baril sa ulo nito, agad nang nagsitakbuhan ang mga magnanakaw sa likod ng kanilang bahay bitbit-bitbit ang kanilang mga gamit.

Marami man silang nawalang gamit at may kailangan silang bayaran sa ospital, labis-labis pa rin ang pasasalamat nilang mag-ama dahil wala ni isa sa kanila ang nasaktan sa insidenteng iyon at agad ding nahuli ang tatlong magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay.

Simula noon, palagi na silang sabay umuwi ng kaniyang ama. Dahil sa takot nilang dalawa, hinihintay niya na lamang itong dumaan sa paborito niyang kapehan saka sila sabay na uuwi. Hindi na rin sila nag-iiwan ng susi sa paso dahil iyon ang nakapabigay daan sa mga magnanakaw upang makapasok sa loob ng kanilang tahanan.

Advertisement