Binili Niya ng Panindang Ukay-Ukay ang Ipon ng Kaniyang Asawa; Sigurado Siyang Ito na ang Simula ng Pag-asenso ng Kanilang Buhay
Noon pa gusto ng ginang na si Marian na pasukin ang mundo ng pagnenegosyo. Bukod kasi sa alam niyang malilibang na siya rito, maaari pa siyang kumita nang malaki kahit nasa bahay lang siya’t nagbabantay ng kaniyang mga anak.
Labis siyang nahumaling sa pagtitinda nang mapansin niyang halos lahat na ng kaniyang kaibigan ay nagbebenta na ng kung anu-anong gamit sa social media. Napansin niya pang kada linggo, malaki ang kinikita ng mga ito – lalo na kung ang paninda ay mga naggagandahang damit o gamit sa bahay.
Kaya naman, nang umabot sa limang libong piso ang ipon ng kaniyang asawa at nang makakita siya ng supplier ng ukay-ukay sa social media, agad niyang ginastos ang pera nito sa paniniwalang maaari itong trumiple kapag nabenta niya ang bibilhing mga ukay-ukay.
“Kaysa naman matulog lang sa pitaka niya ang limang libong pisong ito, ipapangnegosyo ko na lang! Siguro naman, bago niya pa mapansing nawawala ang pera niya, nakabenta na ako ng maraming ukay!” sabi niya sa kaibigang si Inna nang dumalaw ito sa kanilang bahay at kanilang mapag-usapan ang pagnenegosyo.
“Sigurado ka ba sa papasukin mo, Marian? Mahirap ang pagtitinda ng ukay-ukay, ha? Nasubukan ko na ‘yan at talagang kailangan mong magtiyaga sa paglalaba ng mga damit na matatanggap mo dahil hindi naman lahat ng naroon ay maganda at pupwede mong ibenta sa malaking halaga,” babala nito sa kaniya.
“Magtiwala ka sa akin! Maganda ang mga damit ng pagkukuhanan kong supplier!” giit niya pa.
“Paano ka nakakasiguro? Kung ako sa’yo…” hindi na niya inintindi ang kaibigan dahil may nakita na siyang deliver boy na may angkas na isang malaking bungkos ng mga damit na papalapit sa kanilang bahay.
“Ayan na ang in-order kong mga damit!” sigaw niya na ikinabuntong-hininga na lamang ng kaniyang kaibigan.
Sa sobrang kasabikan niya, pagkadating na pagkadating ng binili niyang ukay, dali-dali niya itong binuksan at hinalukay. Kaya lang, pagkita niya ng mga damit sa loob nito, siya’y biglang nanghina dahil iilan lamang ang naggagandahang damit dito at halos lahat ay kulay puting puro mantiya!
“Diyos ko! Malalagot ako sa asawa ko nito! Paano ko ibebenta ang mga ito? Kahit yata ibenta ko ito ng limang piso, walang bibili sa mga ito!” iyak niya habang patuloy na sinisipat ang mga mantiya sa puting damit na nasa harapan niya.
Bago pa siya masermunan ng kaniyang kaibigan na todo iling na, dumating naman ang kaniyang asawa at pinapakuha sa kaniya ang ipon nitong pera. Sabi pa nito, “Dalian mo, mahal, hinihintay ako ng mga katrabaho ko. Sabay-sabay kaming mamimili ng grocery at supply sa bahay.”
Wala siyang ibang nasagot no’n sa asawa kung hindi pagngawa at nang mapansin nito ang sandamakmak na damit sa harapan niya, agad itong nagwala sa galit.
“Sinong nagsabi sa’yong galawin mo ang pera ko, ha? Hindi mo ba alam kung ilang buwan ko iyon inipon para makabili tayo sa unang pagkakataon ng mga grocery items? Huwag mo akong bigyan ng dahilan para iwan ka, Marian!” galit nitong sabi saka siya agad na nilayasan.
Habang siya’y patuloy na umiiyak sa patong-patong na pangambang nararamdaman, napansin niyang nawala sa tabi niya ang mga maruruming puting damit pati na ang kaniyang kaibigan at nang hanapin niya ito, nakita niyang binababad na nito sa sabong panlaba ang mga naturang damit.
“Sa pagnenegosyo, Marian, hindi pwedeng mahina ang loob mo! Dapat maging maabilidad ka at madiskarte!” sermon nito sa kaniya, “Kumuha ka roon ng pansisil at isa-isahin nating labhan ang mga ito! Hayaan mo na muna ‘yong asawa mo, kapag naman nabenta mo ito lahat, lalamig na ang ulo no’n!” sabi pa nito kaya agad siyang nagkaroon muli ng pag-asa.
Sa pagtitiyagang ginawa nilang magkaibigan, sa awa ng Diyos ay natanggal nila ang dumi sa mga puting damit na iyon at nagmukha pang bago ang mga ito! Ito ang dahilan para pagkatuyo ng mga damit na iyon, agad na nilang pinalantsa isa-isa ang mga ito at kinuhanan na ng litrato.
Siya’y halos mapaiyak sa sobrang tuwa dahil pagkalagay na pagkalagay niya ng litrato ng mga damit sa social media, marami kaagad ang bumili sa kaniya!
Iyon na ang naging simula ng pakikipagsapalaran niya sa pagtitinda ng ukay-ukay sa social media. Hindi man lahat ng nakukuha niyang damit ay maganda sa una, sa pamamagitan ng pagtitiyaga niyang maglaba, mamalantsa at magtahi, palagi siyang nakakaubos at kumikita nang malaking halaga dahil dito.
Katulad ng sabi ng kaniyang kaibigan, agad nang nanumbalik ang sigla ng kaniyang asawa sa kanilang pagsasama nang unti-unti na siyang kumikita at kung dati ay tutol ito sa negosyong iyon, ngayon ay ito na ang kaniyang delivery boy!
Ipinagpatuloy niya ang pagnenegosyo niyang iyon hanggang sa siya na ang maging supplier ng mga maliliit na negosiyante ng ukay-ukay. Dahil sa tagumpay niyang iyon, walang sawa siyang nagpapasalamat sa kaibigan niyang si Inna araw-araw na ngayon ay kasosyo na niya sa negosyo at sila’y parehas nang nakakaipon ng malaki para sa kani-kanilang mga pamilya.