Inday TrendingInday Trending
Panay ang Tingin ng Babaerong Lalaking Ito sa Iba; Hindi Niya Akalaing Ibang Klase pala ang Ganda ng Kaniyang Nobya

Panay ang Tingin ng Babaerong Lalaking Ito sa Iba; Hindi Niya Akalaing Ibang Klase pala ang Ganda ng Kaniyang Nobya

Napasipol si Lawrence nang mapadaan sa kaniyang harapan ang isang napakaganda at napakaseksing babae na nakasuot ng isang magarang swimsuit na hapit na hapit sa katawan nito. Ginawa niya ’yon kahit pa kasama niya ngayon mismo ang kaniyang nobyang si Marjory na ang sama-sama na naman ng tingin sa kaniya.

“Wala ka na talagang galang sa ’kin, ano? Lagi mo na lang ginagawa ’yan!” inis na sabi nito sa kaniya na agad namang ikinangiwi ni Lawrence.

“E, bakit ba? Sino ba ang gusto mong tingnan at sipulan ko, ikaw? Tingnan mo nga ’yang suot mo! Nasa beach tayo pero balot na balot ka!” inis namang sagot niya sa nobya na ni hindi man lamang niya pinagkaabalahang suyuin.

Nasa bakasyon kasi sila ngayon, dahil sa kasal ng isa sa kanilang mga katrabaho na dito gaganapin sa isang beach resort na nirentahan nilang magbabarkada bilang regalo sa kaibigan nila. Iyon nga lang, laking pagkadismaya ang naramdaman niya sa kaniyang nobya nang makitang kahit dito ay ni ayaw man lamang nitong magpakita ng kahit na kaunting balat! Tulad ng dati ay balot na balot pa rin ito na para bang lagi itong nilalamig.

Manang! Iyon ang tamang salitang nababagay sa nobya niyang ito. Hindi nga alam ni Lawrence kung ano nga ba ang nakita niya noon at niligawan niya ang dalaga. Napakakapal ng salamin nito at baduy ito kung manamit. Ni hindi ma lang nga ito marunong maglagay ng kolorete sa mukha para naman umayos ang hitsura nito! Dahil doon, madalas ay ikinukumpara niya ito sa ibang babaeng nakasasalamuha niya. Palagi nga rin niya itong sinasalisihan ng pambababae niya, ngunit ayaw niya naman itong hiwalayan.

Alam ni Lawrence sa kaniyang sarili na mahal niya naman si Marjory. Kailangan niya ito. Sa totoo lang, kung pagbabasehan lang ang paraan ng pag-aalaga at pagmamahal nito sa kaniya ay solve na solve na siya sa dalaga! Hitsura lang talaga nito ang problema niya. Kaya nga hanggang ngayon ay hindi siya nag-abalang higitan sa simpleng halik ang nangyayari sa kanila.

“Alam mo, Lawrence, sawang-sawa na ako sa ’yo. Ayaw ko nang masaktan lagi nang ganito dahil lang hindi ko kayang busugin ng kagandahan ko ’yang mapili mong mga mata. Simula ngayon, hahayaan na kita sa gusto mo. Ayaw ko na, Lawrence. Maghiwalay na tayong dalawa!” umiiyak na tugon sa kaniya ni Marjory nang maya-maya pa ay lalong lumala ang away nila.

Dahil sa taas ng pride ni Lawrence ay hindi na rin siya nag-abala pang suyuin ito hanggang sa lumipas na ang ilang araw, linggo at buwan. Hindi naman maikaila ni Lawrence sa kaniyang sarili na nami-miss niya pa rin si Marjory, lalo na ang pag-aalaga nito sa kaniya noong sila pa. Ngunit mas minabuti na lang ng binata na mag-enjoy sa pakikipagkilala sa iba’t iba at kung sino-sinong babae ngayong malaya na siya!

Hindi na rin niya nakikita sa trabaho si Marjory buhat nang magpalipat ito ng opisina. Ngunit isang araw ay nagkaroon ng isang event ang kanilang kompaniya at hindi akalain ni Lawrence na doon ay muli silang magkikita ng dating nobya…

Halos mabali ang leeg ng mga tao sa event na ’yon sa biglang pagpasok ng isang babaeng may maladiyosang ganda! Simple lang ang suot nito, ngunit naghuhumiyaw iyon ng pagiging elegante!

Halos malaglag naman ang panga ni Lawrence sa pagkakanganga nang makilalang ang nasabing babaeng ito ay ang dati niyang nobyang si Marjory, na ngayon ay nakaangkla sa braso ng anak ng presidente ng kanilang kompaniya!

Biglang nakaramdam ng matinding kirot sa dibdib si Lawrence nang muling masilayan ang dating nobya sa bisig ng ibang lalaki. Pakiramdam niya ay maiiyak siya at ganoon na lang ang pagpipigil na ginawa niya upang hindi tuluyang malaglag ang kaniyang mga luha! Ang sakit palang makitang may ibang tinitingnan ang mahal mo. Ngayon ay alam na ni Lawrence ang pakiramdam ni Marjory noong mga panahong panay ang pambababae niya kahit kaharap niya ito.

“Marjory, hindi ko inaasahang pupunta ka sa event na ’to,” pagsisimula ni Lawrence ng usapan matapos niyang lapitan si Marjory nang gabing iyon. “Kumusta ka na?” tanong niya pa sa dalaga.

Sinagot naman siya ni Marjory ng isang matamis na ngiti. “Ayos naman ako. Sa totoo lang ay napilitan lang akong um-attend dito dahil kay Paul,” sagot pa nito na ang tinutukoy ay ang lalaking kasama nito kanina. Halos madurog ang puso ni Lawrence nang mapag-alaman niyang nobyo na ito ni Marjory kaya naman wala na siyang kapag-a-pag-asa pang balikan nito. Kung sana ay trinato niya ito nang tama noong sila pa, disin sana’y hindi siya nagdurusa ngayon.

Advertisement