Inday TrendingInday Trending
Ginawa ng Lalaking Ito ang Lahat upang Maging Masama sa Paningin ng Kanilang Lolo ang Pinsan Niyang Beki; Ito ang Mapapala Niya

Ginawa ng Lalaking Ito ang Lahat upang Maging Masama sa Paningin ng Kanilang Lolo ang Pinsan Niyang Beki; Ito ang Mapapala Niya

Bata pa lamang sila ay malaki na ang inggit ni Joshua sa kaniyang pinsang si Rafael. Paano kasi, bukod sa matalino na ito ay napakaganda pa nitong lalaki! Hindi katulad niya na tila pinaglihi ng kaniyang ina sa sama ng loob—iyon ang tingin niya sa kaniyang sarili. Kaya naman noon pa man ay malaking tagumpay na para sa kaniya ang matalo lamang niya sa kahit anong bagay ang pinsang si Rafael…na kahit kailan ay hindi naman niya nagawa.

Animo ito isang pepektong nilalang sa paningin ng nakararami, kaya naman lalo iyong ikinainis ni Joshua. Ngunit lahat ng iyon ay nagbago nang isang araw ay matuklasan niya ang pinakatatagu-tagong lihim ng pinsan niyang ito…hindi pala ito tunay na lalaki, dahil ang puso nito ay sinlambot ng mamon! Isa itong binabae!

Isang araw kasi ay pinasok ni Joshua ang silid ng kaniyang pinsan sa bahay ng kanilang lolo kung saan pareho silang nanunuluyan. Balak niya kasing nakawin dito ang presentation na pinaghirapan nito ng ilang buwan upang makuha ang loob ng mga magiging investors sa kumpaniya ng kaniyang lolo na pareho rin nilang pinagtatrabahuhang dalawa. Iyon nga lang, imbes na ’yon ang kaniyang makita ay iba ang kaniyang natagpuan…nakakita kasi siya ng iba’t ibang litrato ng iisang lalaki na tila ba matagal nang hinagangaan ng kaniyang pinsan!

Ngingisi-ngisi si Joshua nang lumabas siya sa silid ni Rafael. Noon mismo ay nagtungo siya sa opisina ng kanilang lolong si Don Emil—na kilala sa pagiging istrikto nito—upang isiwalat ang kaniyang nalaman tungkol sa pinsang si Rafael!

“Lolo, p’wede ko po ba kayong makausap?” tanong ni Joshua sa kaniyang lolo matapos siyang papasukin nito sa kaniyang opisina.

“Ano ’yon, apo? May kailangan ka ba?” agad namang tugon nito sa kaniya. Mukhang good mood ang kanilang lolo, ngunit napangisi si Joshua sa likod ng kaniyang isip, dahil alam niyang agad na masisira ang magandang lagay ng loob nito ngayon dahil sa kaniyang sasabihin.

“Tungkol po ito kay Rafael, lolo…may kailangan kayong malaman tungkol sa kaniya,” wala nang paligoy-ligoy pang sabi naman ni Joshua.

Pagkarinig pa lang sa pangalan ng kaniyang pinsan ay napaayos na ng tindig ang kaniyang lolo. Sumeryoso rin ang mukha nito na kababakasan din ng pag-aalala. “Bakit? May nangyari ba sa pinsan mo, Joshua?” tanong pa nito na agad namang inilingan ng lalaki.

“Wala naman po, lolo. Ang totoo niyan ay may nalaman lang akong isang kakaibang sikreto tungkol sa kaniya,” sabi niya pa.

Napakunot ang noo ni Don Emil sa narinig. “At ano ’yon?”

Inilabas naman ni Joshua mula sa kaniyang bulsa ang mga litratong nakuha niya kanina sa silid ni Rafael, kung saan sa bawat likod nito ay may nakasulat na romantic quotes na animo isinulat ng isang babaeng tinedyer.

Titig na titig ang kaniyang Lolo Emil sa mga litratong ipinakita ni Joshua. Dahil doon ay napangisi siya. Mukhang naaamoy niya na ang tagumpay na sirain ang kaniyang pinsan sa kanilang lolo. Kapag nagkataon ay siya na lang ang nag-iisang magiging tagapagmana nito, dahil siguradong itatakwil nito si Rafael!

“Hindi isang tunay na lalaki si Rafael, lolo. Matagal na niyang itinatago sa atin ang tunay niyang pagkatao! Isa siyang kahihiyan sa pamilya natin, ’Lo. Siguradong pag-uusapan tayo ng madla kapag nalaman nila ang nakapandidiring karamdamang ito ng pinsan kong ’yon!” sabi pa ni Joshua sa kaniyang lolo na maya-maya pa ay napabuntong-hininga na lang.

“Ngayon mo lamang pala nalaman ang tungkol dito, hijo?” Nanlaki ang mga mata niya nang sabihin iyon ng kanilang lolo. “Pasensiya ka na kung maging ako ay hindi rin ipinaalam sa ’yo ang tungkol sa pagkatao ng pinsan mo. Matagal ko nang alam na may pusong mamon si Rafael, dahil siya mismo ang umamin sa akin tungkol diyan. Ang ipinagtataka ko ngayon ay kung papaanong napunta sa ’yo ang mga litratong ito, gayong maingat itong itinatago ng pinsan mo sa kaniyang kwarto?”

Sa sunod na tanong na binitawan ng kaniyang lolo ay namutla na si Joshua. Lalo na nang biglang pumasok si Rafael sa opisinang iyon ng kaniyang lolo upang sabihin ang tunay na dahilan niya!

“Para kunin itong presentation ko, lolo. Balak niyang agawin ’to para siya ang magpi-present nito sa board nang sa wakas ay maging proud naman siya sa sarili niya,” sabi pa ni Rafael at wala nang nagawa pa si Joshua kundi ang mapayuko na lang.

Umiling-iling ang kanilang lolo. “Alam mo, apo, hindi naman sa kasarian ng isang tao nababase ang magiging tagumpay mo. Nalalaman ’yon sa pamamagitan ng nilalaman ng puso mo pati na rin ng iyong konsensiya.”

Doon ay labis na pagkapahiya ang naramdaman ni Joshua. Wala siyang nagawa kundi ang humingi ng tawad sa kaniyang pinsan at sa kanilang lolo. Napagtanto niyang tama nga ito. Hindi siya kailan man nagtatagumpay sa buhay dahil hindi rin kailan man naging malinis ang kaniyang konsensiya. Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay talunan pa rin siya. Mabuti na lang at ngayon ay namulat na siya sa katotohanan. Sinigurado ni Joshua na sa pagkakataong ito ay babaguhin niya na ang kaniyang pag-uugali, tungo sa kabutihan at aalisin ang lahat ng inggit na kaniyang nararamdaman.

Advertisement