Nagreklamo ang Babaeng Ito sa Iniuwing ‘Pasalubong’ ng Kaniyang Bayaw na OFW; Lalo Siyang Mawawalan sa Kaniyang Pagiging Maselan

Tuwang-tuwa si Ysabelle nang ibalita sa kaniya ng asawang si Eddie na uuwi na ang kapatid nitong OFW para sa taunan nitong bakasyon. Sabik siya dahil alam niyang tiba-tiba na naman sila sa mga pasalubong na dadalhin nito, tulad na lang ng mga ibinigay nito sa kanila noong huling uwi nito.

Mamahalin at mga branded na bags, damit, sapatos, pati na rin mga gadgets. Samahan pa ng mga imported na tsokolate, candies at kung anu-ano pang masasarap na pasalubong na palagi nitong ibinubuhos sa kanila sa tuwing uuwi ito.

“Huwag kang masiyadong umasa sa pasalubong. Alam mo namang ikakasal na ang kapatid kong ’yon. Dapat nga ay ako ang nagbibigay doon dahil ako ang kuya, pero ikaw naman ’tong hingi pa nang hingi sa kaniya,” agad na paalala ng asawang si Eddie kay Ysabelle nang makita ang labis na kasabikang nakarehistro sa kaniyang mukha.

Inismiran naman ni Ysabelle ang kaniyang mister. “Sus! Siya naman ang nagbibigay nang kusa, ’no! Huwag ka ngang KJ!” inis na sabi niya pa kaya napailing na lamang si Eddie.

Hindi man lamang nakinig kahit kaunti si Ysabelle sa kaniyang mister, bagkus ay nagpresinta pa siyang sasama sa pagsundo sa bayaw na si Joey sa airport upang mauna siya sa mga dala nitong pasalubong. Inaalala niya kasi na baka maunahan pa siya ng kaniyang mga biyenan sa mga pasalubong nito, o ’di kaya’y ng nobya nitong kasama rin nila sa pagsalubong kay Joey.

“Welcome home, bayaw!” masiglang bati ni Ysabelle kay Joey nang sa wakas ay makita na nila ito, iyon nga lang ay hindi siya sa binata direktang nakatingin kundi sa mga bagaheng bitbit nito ngayon.

Pakiramdam ni Ysabelle ay mai*hi siya sa sobrang pagkasabik habang ini-imagine na niya sa likod ng kaniyang isip kung ano ang posibleng laman ng mga ’yon. Galante kasi si Joey kaya naman alam niyang hindi ito magbibigay na lamang basta ng kaunti o mumurahing mga gamit sa kanila.

“Ano itong mga dala mo, Joey? Buksan na natin!” atat na ani Ysabelle sa kaniyang bayaw nang sa wakas ay makauwi na sila sa bahay ng kaniyang mga biyenan na tinutuluyan din ni Joey sa tuwing umuuwi ito galing sa abroad.

Advertisement

Hindi pa man nakasasagot ang binata ay pinagbubuksan na agad ni Ysabelle ang mga bagahe nito na para bang sarili niya iyong pag-aari. Palibhasa kasi ay wala roon ang asawa niya at walang nagsasaway sa kaniya, kaya naman gawa niya ang kaniyang asal.

Ngunit maya-maya pa ay bigla na lamang napangiwi si Ysabelle nang makitang puro mga lumang gamit ni Joey ang laman ng mga bagaheng dala nito. Hindi niya naitago ang matinding pagkadismaya nang matapos niyang halungkatin ang lahat ng maleta nito’y wala siyang ni isang mamahaling ‘pasalubong’ na natagpuan mula roon.

“Pasensiya ka na, ate. Biglaan kasi ang naging pag-uwi ko ngayon dahil may gusto kaming ianunsyo ng nobya ko, kaya naman hindi na ako nakabili pa ng mga pasalubong. Bukod pa roon ay nagtitipid din ako, kaya naman kaunting tsokolate at sabon lang ang naiuwi ko galing sa ibang bansa,” maya-maya’y paliwanag pa ni Joey.

Napakunot ang noo ni Ysabelle dahil sa tinuran nito. “Bakit naman nagtitipid ka? ’Yon lang ang pasalubong mo sa amin? Kaunting tsokolate at sabon? Saan aabot ’yon? Naku, Joey, siguro pinipigilan ka na ng nobya mong ’yan na gastusan kaming pamilya mo, ano?” tahasang sabi pa ni Ysabelle sa kaniyang bayaw na hindi rin kinaya, maging ng kaniyang mga biyenan.

“Ysabelle, ano ’yang pinagsasasabi mo? Tumahimik ka nga!” saway pa sa kaniya ng biyenan niyang babae na hindi pa rin pinansin ni Ysabelle.

“Ayaw ko ng ganiyang klaseng pasalubong, Joey!” patuloy pa ring pag-i-eskandalo ni Ysabelle na sa wakas ay ikinaubos na ng pisi ni Joey.

“Edi huwag. Ate Ysabelle, wala naman akong obligasyong paglaanan ka ng mamahaling pasalubong, ano? Dahil hindi naman ikaw ang kapatid ko kundi ang kuya ko. Ni hindi pa nga kayo kasal kaya hindi pa kita maituturing talagang hipag! Hindi ikaw ang kailangan kong gastusan ngayon kundi ang magiging anak namin ng nobya ko, kaya kung p’wede, umalis ka muna sa bahay na ’to para makapag-usap kaming pamilya!” galit na turan ni Joey na agad na ikinapahiya ni Ysabelle.

Umuwi siyang luhaan at walang ni isa mang bitbit na kahit ano galing kay Joey. Pagkatapos, pag-uwi niya pa sa kanilang bahay ay laking gulat niya nang abutang nakaempake na ang kaniyang mga gamit. Galit na Eddie ang sumalubong sa kaniya na ngayon ay hinihiwalayan na siya dahil sa labis na kahihiyang ibinigay niya rito! Ngayon ay lalong nawalan si Ysabelle dahil sa kaniyang kaartehan!