Inday TrendingInday Trending
Naging Napakaambisyoso ng Lalaking Ito kaya Inabuso Niya ang Kaniyang Katawan sa Pagtatrabaho; Malala pala ang Magiging Singil Nito sa Kaniya

Naging Napakaambisyoso ng Lalaking Ito kaya Inabuso Niya ang Kaniyang Katawan sa Pagtatrabaho; Malala pala ang Magiging Singil Nito sa Kaniya

“Aalis ka na naman, kuya? Kauuwi mo lang, a?” takang tanong ng kapatid na si Jonathan sa binatang si Jomar nang makitang isinusuot na naman niya ang kaniyang sapatos gayong kadarating-dating lamang niya galing sa trabaho.

“Tinawagan ako ni boss, e. Kailangan daw ako ngayon sa opisina dahil nagpatawag daw ng urgent meeting ang mga investors namin,” sagot naman ni Jomar sa kapatid.

Dahil doon ay agad na rumehistro ang labis na pag-aalala sa mukha ni Jonathan. Magdadalawang buwan na kasing ganito ang gawain ng kaniyang kuya buhat nang malaman nitong siya ang pinakanapipisil ng kaniyang boss para sa inaasam na promosyon.

“Kuya, magpahinga ka naman,” hindi napigilang paalala ni Jonathan sa kapatid, ngunit imbes na pasalamatan siya’y galit siyang tiningnan ng kaniyang kuya.

“Huwag mo nga akong pakialaman! Gusto mo pa yata akong igaya sa ’yo na puro pagpapahinga na lang ang alam gawin sa buhay! ’Yan ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala ka pa ring mahanap na matinong trabaho! Palibhasa’y wala kang pangarap sa buhay!” sunod-sunod pang pang-iinsulto nito sa kaniya na nagpalaglag na lang ng panga ni Jonathan hanggang sa tuluyan nang makaalis ang kaniyang kuya.

Nawalan na siya ng pagkakataong ibalita ritong sa wakas ay natanggap na siya sa isang electronics company bilang isang manager, na katulad ng trabaho nito ngayon. Napailing na lamang siya at ipinagsawalang bahala na lamang ang masasakit na salitang sinabi sa kaniya ng kapatid.

Noon pa man ay mataas na ang pangarap ng kaniyang Kuya Jomar at hinahangaan ’yon ni Jonathan. Iyon nga lang, sobra-sobra na kung abusuhin nito ang sariling katawan! Halos hindi na ito magpahinga para lang makamit agad ang tagumpay. Gusto kasi nitong yumaman agad, upang makapagyabang ito sa kanilang mga kaanak na noon ay madalas silang hamakin dahil sa hirap ng buhay na kanilang dinaranas.

Lahat ng sobra, masama. Ang ikinatatakot ni Jonathan ay baka bigla na lamang singilin ng katawan nito ang kaniyang kuya dahil sa sobrang pang-aabuso nito sa sarili, lalo pa’t ngayon ay napapansin niya na ang ilang sintomas sa kapatid na binabalewala lamang nito.

Madalas sumakit ang ulo ni Jomar. Iyong sobrang sakit na halos hindi na nito maimulat ang kaniyang mga mata, kasabay ng madalas ding pagkawala ng malay nito. Bukod doon ay kapansin-pansin din ang pangangayayat ng katawan nito. Napakalaki ng ibinagsak n’on na labis namang ikinababahala ni Jonathan.

Kahit na anong pagsasabi ng kaniyang mga kapatid kay Jomar na huwag niyang abusuhin ang sarili ay hindi pa rin siya nakikinig sa mga ito. Madalas ay sinasagot pa niya sila ng kayabangan at pang-iinsulto. Ngunit hindi nagtagal, lahat ng sinasabi sa kaniya ng mga ito ay nagkatotoo…

Dalawang araw nang wala talagang tulog noon si Jomar dahil may tinatapos siyang trabaho. Nangingitim na ang ilalim ng kaniyang mga mata at tanging kape na lamang ang tila nagpapagana sa katawan niya nang mga sandaling ’yon…

Nasa kalagitnaan siya ng pagtatrabaho sa harap ng kompyuter niya sa opisina, nang bigla na lamang siyang mahilo. Pakiramdam niya ay bumabaliktad ang kaniyang sikmura at unti-unti nang nanlalabo ang kaniyang paningin.

Dumidilim ang paligid, at dahil doon ay kinabahan na si Jomar. Akma na sana siyang hihingi ng saklolo nang bigla na lamang siyang mapahinto sa paglalakad dahil tuluyan na siyang nawalan ng ulirat!

Nagising na lamang siyang nasa ospital siya habang naroon din ang lahat ng kaniyang mga kapatid, pati na rin si Jonathan. Bakas ang labis na pag-aalala sa mga ito habang nakatitig sa kaniya, at halos mataranta pa nga sila nang makitang nagising na siya.

Napag-alaman ni Jomar na halos tatlong araw na pala siyang walang malay-tao. Nagkaroon daw kasi siya ng atake sa puso dahil sa sobrang pagiging puwersado ng kaniyang katawan. Mabuti na lamang at ‘mild’ lamang ang naging atake niya, dahil kundi ay baka pinaglalamayan na siya ngayon. Iyon nga lang, kalahati ng katawan ngayon ni Jomar ay paralisado na at matatagalan pa bago siya maka-recover sa naturang karamdaman.

Doon niya pinagsisihan ang lahat ng ginawa niyang pang-aabuso sa kaniyang sarili. Sana pala ay nakinig na siya sa kaniyang mga kapapatid noon pa man. Tuloy, ngayon ay lalong napurnada ang sana’y pagkaka-promote niya sa trabaho.

Ang mahalaga ay may pagkakataon pa siyang baguhin ang sarili, mula sa sobrang pang-aabuso niya sa katawan, hanggang sa maling pagtrato niya sa kaniyang mga kapatid na sa kaniya’y nagmamalasakit lang naman.

Advertisement