Iniwan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Asawang Subsob sa Pag-aalaga ng Paralisado Nitong Ama; Kakarmahin pala Siya sa Paglipas ng Panahon
Nakakunot ang noo ni Frank habang pinagmamasdan ang kaniyang asawang si Lucia. Kasalukuyan na nitong pinupunasan ang baldado na nitong ama, pagkatapos nito iyong pakainin ng tanghalian. Dahil doon ay makailang ulit na napapalatak si Frank sa inis. Buhat kasi nang maparalisa ang ama nito dahil sa stroke, noon lamang isang buwan, ay si Lucia na ang sumalo ng lahat ng obligasyon sa pag-aalaga sa ama nito gayong mayroon naman itong mga kapatid. Pakiramdam ni Frank ay inagaw na ng kaniyang biyenan ang lahat ng atensyon at pag-aaruga ng kaniyang asawa na dapat ay siya ang nakararanas at hindi ito.
“Lucia, matagal ka pa ba r’yan? Hindi ba’t sabi ko sa ’yo, masakit ang likod ko? Masahihin mo naman ako!” galit na pasaring ni Frank sa kaniyang asawa na sinigurado niyang maririnig din ng kaniyang biyenan. Agad naman siyang nilingon ni Lucia bago siya binigyan nito ng makahulugang tingin.
Napamura si Frank. “Bwisit na buhay ’to, o! Hindi na nga makabuo-buo ng anak, may dumagdag pang pahirap at palamunin!” walang prenong sabi pa niya na agad namang ikinainit ng ulo ni Lucia.
“Ang tatay ko ba ang tinutukoy mo, Frank? Aba! Baka nakakalimutan mong narito ka sa pamamahay niya at nakikitira ka lang?” galit na panunumbat din tuloy sa kaniya ni Lucia na agad namang nakapagpatahimik kay Frank.
“Kung ganoon, edi aalis na ako sa bahay na ’to! Maghiwalay na tayo at alagaan mo na lang ’yang ama mo, habang buhay!” nanggagalaiting tugon naman ni Frank bago siya dumiretso sa silid nilang mag-asawa at nagsimulang mag-empake na ng mga damit.
Hindi na siya pinigilan pa ni Lucia nang magpasiya siyang umalis na nga ng bahay at makipaghiwalay dito. Sinayang ni Frank ang halos sampung taon na nilang pagsasama, dahil lang hindi niya kayang intindihin ang sitwasyon nito at ng kaniyang biyenan.
Nag-asawa ng iba si Frank at sa pagkakataong ito ay nagkaanak siya ng babae. Simula noon ay nawalan na siya ng balita tungkol kay Lucia, dahil hindi na rin naman siya nito ginawa pang habulin kahit pa kasal silang dalawa. Naging maayos naman ang buhay ni Frank sa piling ng kaniyang bagong asawa’t anak. Inalagaan niya sila’t pinalaki ang bata hanggang sa ito’y magdalaga na at magkaasawa.
Matanda na si Frank. Hindi na siya nakapagtatrabaho at umaasa na lamang sila sa kaniyang pensyon at sa sustentong ibinibigay ng kaniyang anak na siyang tanging nagtatrabaho na lang sa kanilang pamilya. Nang mga panahong iyon ay sumakabilang buhay na rin naman ang kaniyang kinakasama habang siya naman ay mahina na ang pangangatawan dahil sa katandaan.
Dumating ang panahong nag-asawa na ang nag-iisa niyang anak, ngunit kung kailan naman ito nagpasiyang bumuo na ng sarili nitong pamilya ay saka naman siya nagkasakit nang malubha na siyang naging dahilan kung bakit ngayon ay hindi na niya kaya pang alagaan ang kaniyang sarili. Ni hindi na makatayo si Frank nang walang nag-aalalay sa kaniya. Kahit nga ang maligo o kumaing mag-isa ay hindi na niya kaya.
Buto’t balat na kasi siya ngayon dahil nga sa iniindang sakit, at dahil doon ay napunta na sa kaniyang anak ang lahat ng pasanin at obligasyon sa pag-aalaga sa kaniya, dahilan para mawalan na ito ng oras para alagaan ang sarili nitong asawa.
“Puro na lang tatay mo ang iniintindi mo, Jenica! Paano naman ako? Kakakasal lang natin at gusto ko nang makabuo tayo ng supling, pero paano natin gagawin ’yon kung lahat ng atensyon at panahon mo ay napupunta d’yan sa ama mong walang silbi?!” isang araw ay dinig niyang pag-aaway ng kaniyang anak at ng asawa nito, na talaga namang nakapagpaluha kay Frank.
Tila bigla na lamang nanumbalik sa kaniyang mga alaala ang nakaraang ngayon ay pinagsisisihan na niya. Ganitong-ganito rin ang ipinaranas niya noon sa asawang si Lucia na kalaunan ay iniwan niya dahil lamang inaalagaan at minamahal nito ang kaniyang ama. Magsisi man siya ngayon ay huli na ang lahat, dahil kamakailan lamang ay nalaman niyang sumakabilang buhay na rin si Lucia.
Nang gabing iyon ay ibinuhos ni Frank ang kaniyang sarili sa pagdarasal at sa paghingi ng tawad sa Panginoon para sa kaniyang mga naging kasalanan. Ipinaubaya na niya ang lahat sa Diyos. Kinabukasan ay kinausap niya ang kaniyang anak at kinumbinsi niya itong ipadala na lamang siya sa ‘home for the aged’ upang hindi na magkaroon pa ng problema ang pagsasama nito at ng asawa. Ito rin ang naiisip ni Frank na paraan upang parusahan ang kaniyang sarili sa nagawa niya noon kay Lucia.
Sa huli ay walang nagawa ang kaniyang anak kundi ang sundin ang kaniyang kagustuhan. Masaya na rin naman si Frank sa kaniyang kinahinatnan, dahil kaunting panahon na lamang naman ang hihintayin niya upang makaharap muli ang asawang si Lucia. Sa langit ay muli siyang hihingi ng tawad sa kaniya.