Dala ng Pagkahumaling sa Dalagang Hindi Naman Siya Pinapansin ay Nakaisip ng Maitim na Plano ang Binata; Magtagumpay Naman Kaya Siya?
Agad na nahumaling ang binatang si Johan sa anak ng kumare ng kaniyang ina na palaging dumadlaw sa kanilang bahay upang makipagtsismisan. Unang kita niya pa lang sa dalagang ito, siya ay agad na nakaramdam ng mga paru-paro sa kaniyang tiyan at tila ba siya’y nasisilaw sa liwanag na mayroon ito.
Sa katunayan, hindi pa man ito nakakapasok sa kanilang bahay, agad na niyang tinanong kung anong pangalan nito.
“Mindy,” nag-aalangan nitong sagot.
“Napakaganda mo, Mindy,” tugon niya habang nakatingin sa mga mata nito na labis na ikinatawa ng nanay nito.
“Ibang klase pa rin pala pagdating sa babae ang anak mo, mare, ano? Pati anak ko, hindi papalagpasin!” tawang-tawa sabi ng kumare ng kaniyang ina dahilan para siya’y magising sa kaniyang katinuan, “Hoy, Johan, bago mo pangarapin ang anak ko, magmano ka muna sa akin!” sabi pa nito sa kaniya kaya dali-dali niyang kinuha ang kamay nito upang magmano saka na hinayaan ang dalawa na makapasok sa kanilang bahay.
Habang abala sa pakikipagkwentuhan ang mag-ina sa kaniyang ina, wala siyang ibang ginawa noon kung hindi pagmasdan ang kagandahang taglay ng dalaga.
“Sino bang hindi mahuhumaling sa ganda niya? Bagay na bagay ang kulay tsokolate niyang buhok sa maputi niyang balat, bilugan at mapungay ang kaniyang mga mata, matangos ang kaniyang ilong, at higit sa lahat, parang bote ang kaniyang katawan! Diyos ko! Mababaliw na yata ako!” sabi niya sa sarili.
Sa araw-araw pang pagdalaw ng mag-ina sa kanilang bahay, lalong lumalalim ang pagtingin niya sa dalaga. Kaya lang, kahit anong gawin niya, hindi siya nito pinapansin dahilan upang mag-isip siya ng paraan kung paano malalapit ang loob nito sa kaniya.
Sa pagmamasid niya sa bawat kilos nito, napansin niyang malakas ito sa tubig na nagbubunga ng palagian nitong pagpunta sa kanilang palikuran. Dahil dito, doon na siya nakapag-isip ng isang hindi magandang gawain upang ma-blackmail ito.
Pagsapit ng araw ng Linggo, kung kailan madalas na dumadalaw ang mag-ina sa kanila upang pag-usapan ang negosyong gustong itayo ng kanilang mga ina, siya’y maagang nagising upang ihanda ang kaniyang masamang plano.
Gumawa siya ng maliit na butas sa kanilang banyo na sasakto lamang sa kamera ng kaniyang selpon. Naiisip niya kasing kapag nakita na niya ang pinakatatago nito, maaari na itong mapalapit sa kaniya. Naisip niya ring kapag hindi pa rin ito gumana, tatakutin niya itong ilalahad niya sa social media ang kaniyang mga makikita sa katawan nito.
“Wala ka nang takas, Mindy. Mapapasaya mo na ako ngayong araw, mapapasa’kin ka pa habambuhay!” sa isip-isip niya habang hinihintay na dumating ang mag-ina.
Katulad ng inaasahan niya, maya maya lang ay dumating na nga ang mag-ina. Ilang minuto pa ang kaniyang hinihintay, narinig niyang nagpapaalam na ang dalaga sa kaniyang ina kung pwede itong makigamit ng banyo at lalo pa siyang napangiti nang marinig niyang gusto nitong makiligo dahil natapunan pala ito hindi umano ng suka nang bumili ito ng tuhog-tuhog kanina!
“Kapag sinuswerte ka nga naman!” sabi niya saka na siya agad pumuwesto sa butas na ginawa niya.
Pagkapasok na pagkapasok ng dalaga, agad niyang tinutok ang kaniyang selpon sa naturang butas ngunit dala ng kasabikan, agad niyang itinapat sa butas ang kaniyang mata upang ito’y agad na masilip.
Napansin niyang tila napatigil panandalian ang dalaga sa pagtatanggal ng damit. Bigla tuloy siyang kinabahan sa pag-aakalang nakita siya nito. Siya’y bigla nahimasmasan nang tuluyang magtanggal ng blusa ang dalaga.
Kaya lang, naging mabilis ang mga sumunod na nangyari! Bigla itong may kinuhang panlinis ng inidoro at pinisit sa butas na kaniyang ginawa dahilan para lahat ng iyon ay mapunta sa kaniyang mga mata!
Wala siyang ibang nagawa kung hindi ang masisisigaw sa sakit at humingi ng tulong sa kaniyang ina na dali-dali naman siyang isinugod sa ospital.
Sa kasamaang palad, hindi na nagamot ang pinansilip niyang mata dahil sa naturang asido. Gusto man niyang magalit sa dalaga ay hindi niya magawa dahil agad na itong nakapagsumbong sa kaniyang ina na galit na galit din sa kaniya.
“Bakit mo naman iyon ginawa, anak? Hayop ka! Baka nakakalimutan mo, walang short cut sa pag-ibig! Kung gusto mo siyang makuha, magpursigi ka, suyuin mo siya! Hindi ‘yong gagawan mo siya ng bagay na magbibigay bangungot sa kaniya!” sermon pa nito na labis na nagbigay-aral sa kaniya.
Puno man ng pagsisisi at kahihiyan ang kaniyang pagkatao pagkatapos ng insidenteng iyon, siya’y labis na nagpasalamat sa kumare ng kaniyang ina pati sa dalaga dahil hindi na siya sinampahan ng kaso ng mga ito. Ngunit napagdesisyunan ng mag-ina na tuluyan nang lumayo sa kaniya dahil sa takot na baka mangyari pa iyong muli – o mas malala pa.
Nang dahil sa nangyari, ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na siya magiging padalos-dalos sa kaniyang mga desisyon. Kailangan niyang matutong rumespeto at gumalang sa mga kababaihan dahil iyon ang nararapat.