Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Binata sa mga Magkasintahang Nasa Malamig na mga Lugar Ngayong Tag-init; Ikapapahamak Pala Ito ng Kaniyang Nobya

Naiinggit ang Binata sa mga Magkasintahang Nasa Malamig na mga Lugar Ngayong Tag-init; Ikapapahamak Pala Ito ng Kaniyang Nobya

Ngayong nalalapit na ang tag-init sa Pilipinas, usong-uso na ang malalamig na pagkain at mga pasyalang talaga nga namang makapagpapaalis ng init sa katawan ng mga tao. Nagsisilabasan na sa kalsada ang mga panindang palamig, halo-halo, at kung ano pang pantagal init na pagkain at umiingay na rin muli sa social media ang mga pasyalang may malamig na klima katulad na lamang ng Baguio at Tagaytay.

Ito ang dahilan upang ganoon na lamang mainggit ang binatang si Jobel sa mga magkasintahang may kakayahang mamasyal sa Baguio at Tagaytay. Sila kasi ng kaniyang nobya, pambili lang ng halo-halo ang mayroon sila dahil bukod sa pareho silang inaasahan ng kani-kanilang pamilya, marami-rami rin ang pinagkakautangan nilang dalawa.

“Kailan kaya tayo makakapasyal sa Baguio o kahit sa Tagaytay man lang, ano? Kung mayaman lang sana ang mga magulang ko, hindi ko na kailangang magbigay ng pera sa kanila! Edi sana, nasa Baguio na tayo ngayon!” inis niyang sabi sa kasintahan, isang araw nang makakita na naman siya sa social media ng magkasintahan nasa Baguio.

“Mahal, hindi naman ‘yon mahalaga! Hindi naman porque mainit ang panahon ngayon, kailangan na nating magpunta sa Baguio o Tagaytay! Mas maigi nga itong ginagawa nating pagtulong sa kani-kaniyang pamilya natin, eh!” katwiran ng kaniyang nobya na hindi niya inintindi dahil siya’y aligaga sa pagtingin ng mga litrato ng magkasintahan.

Sa kagustuhan niyang makisabay sa uso ngayon, humanap siya sa internet ng pasyalang pupwede nilang puntahan na mayroon ding malamig na klima.

Dito niya nalamang mayroon pa lang isang ice skating place ang sumisikat ngayon na matatagpuan lang sa isang mall na malapit sa kanilang lugar. Puno ng yelo ang paligid ng naturang lugar at pupwede pa silang matuto ng kaniyang kasintahan kung paano mag-skating doon na talagang kinahumalingan niya.

Nakita niya pang marami-rami na rin ang mga nagpupunta roon dahilan para lalo siyang maging desidido na kailangan din nilang magtungo roon ng kaniyang kasintahan.

Kaya naman, nang muli siyang makasweldo sa trabaho, agad siyang nagtabi ng dalawang libong piso para makapunta sila ng kaniyang nobya roon at kahit lingid pa ito sa kagustuhan ng dalaga dahil hindi ito marunong mag-ice skating at nanghihinayang ito sa perang gagastusin nila, pinilit niya pa rin itong sumama sa kaniya sa pamamagitan ng pananakot ditong hihiwalayan niya ito.

Pagkadating na pagkadating nila roon, dali-dali na siyang nag-aral na mag-ice skating. Lamig na lamig man ang kaniyang buong kalamnan, kaniya itong tiniis upang makapagpakitang gilas lamang sa social media.

Laking tuwa niya naman dahil ilang minuto lang ang lumipas, agad na rin siyang natutong mag-ice skating kaya dali-dali na niyang hinila ang kaniyang kasintahan upang makapagpakuha na sila ng litrato. Kaya lang, hindi pa pala ito marunong bumalanse sa naturang aktidad kaya imbis na makasabay ito sa kaniya, pumilipit ang binti nito at nauntog ang ulo nito sa yelo!

Sa sobrang taranta niya, wala siyang ibang nagawa kung hindi ang humingi ng tulong at mag-iiiyak sa tabi nito. Sa kabutihang palad naman, agad na nadala sa ospital ang dalaga sa tulong ng mga empleyado roon.

Kaya lang, malaki-laking halaga ang kailan niya upang mapasementuhan ang nabaling binti at matahi ang sugat sa ulo nito.

“Diyos ko! Ano ba itong nagawa ko? Imbes na makatipid kami, lalo na nga kaming mapapagastos, nahihirapan pa ang nobya ko! Bakit ba kasi ang hilig kong maisabay sa uso, eh!” inis niyang sabi sa sarili habang patuloy na nag-iisip kung paano sila makakabayad sa ospital.

Mabuti na lamang, napag-alamanan niyang patago palang nagbabayad sa isang insurance company ang dalaga dahilan para lahat ng gastusin nito sa ospital ay mabayaran nito kaagad.

Sa kabila ng kaginhawaang kaniyang naramdaman dahil nga wala na silang kailangan pang bayaran, durog na durog ang puso niya nang makitang hinang-hina ang kaniyang kasintahan at upang makabawi rito, matiyaga niya itong binantayan araw-araw hanggang sa tuluyan na itong muling makalakad.

Simula no’n, hindi na niya muling pinilit ang mga bagay-bagay para lamang siya’y makasunod sa uso.

Mas binigyang pansin na niya ang kaniyang kasintahan higit sa mga bagay na ito at bukod pa roon, tuwing sasapit ang tag-init, imbes na siya’y maghangad na makapunta sa malalamig na lugar, tinitiis niya na lamang ang init at ginamit niya ang oportunidad na ito upang makapagtinda ng mga palamig na talagang nagbigay daan upang magkaroon siya ng dagdag na pagkakakitaan.

Advertisement