Isa Lamang Siyang Simpleng Tindero ng Lobo na Naghahangad ng Malaking Kita; Isang Bata ang Naging Daan Para Siya’y Makilala
Walang ibang inisip ang padre de pamilyang si Johan kung hindi ang kumita ng pera para sa kaniyang mag-iina. Sa katunayan, halos lahat na yata ng trabaho ay kaniya nang napasukan ngunit sa lahat ng iyon, wala ni isa ang kaniyang tinagalan. Kung hindi siya umaalis nang kusa sa trabaho dahil sa hindi magandang pakikitungo ng kaniyang amo o mga katrabaho, nalulugi naman o nagbabawas ng empleyado ang mga pinapasukan niyang kumpanya.
Ang kagandahan lang sa kaniya, kahit hindi na mabilang ang mga pagkakataon na siya’y bumabagsak, hindi siya nawawalan ng determinasyon na magsipag at kumita ng pera para may maipakain sa kaniyang pamilya.
Dahil nga pakiwari niya’y malas siya sa pagtatrabaho, naisipan niyang magtinda na lamang ng kung anu-anong bagay gamit ang kaunti niyang ipon at ngayong malapit na ang pista sa kanilang lungsod, naisipan niyang magtinda ng mga lobo na madaling ibenta lalo na sa mga bata.
Nang mabuo na ang loob niya sa pagpasok sa ganitong uri ng pagtitinda, dali-dali na siyang nagpunta sa bilihan ng iba’t ibang disenyo ng lobo sa palengke at kaniya na itong nilagyan ng hangin. Tinalian niya na rin ito ng manipis na tali saka siya nag-ikot-ikot sa kanilang lugar.
Hindi nga siya nagkamali sa pinasok niyang pagtitinda dahil kahit isang oras pa lang ang nakakalipas, nakabenta na agad siya ng limang lobo na nabenta niya sa halagang anim na pung piso ang isa! Labis ang tuwang naramdaman niya noon dahil nabawi niya na kaagad ang pinuhunan niyang pera.
Pinagpatuloy niya ang pagtitinda hanggang sa tuluyan na itong maubos at siya’y makapag-uwi ng malaking halaga ng pera kumpara sa isang araw niyang pagtatrabaho sa isang kumpanya.
Simula no’n, araw-araw niya na iyong ginawa at kahit anong tawad ang gawin ng mga magulang na kulang ang dalang pera, hindi niya binibigay nang mas mura ang kaniyang panindang lobo dahil sa kagustuhan niyang kumita nang malaki.
Ngunit isang hapon, habang siya’y naghihintay ng mamimili sa parke, may isang espesyal na bata ang lumapit sa kaniya. Tuwang-tuwa ito sa mga lobong hawak niya dahilan para utuin niya ito.
“Gusto mo ba ito, bata?” tanong niya dahilan para agad itong tumango-tango, “Tawagin mo ang nanay mo, dali, magpabili ka nito!” payo niya rito kaya agad nitong hinila ang nanay na nakaupo lamang sa isang tabi.
Kaya lang, imbes na bumili ang nanay nito, nagkamot lang ito ng ulo saka agad nang binuhat ang batang iyak nang iyak. Sabi pa nito sa bata, “Wala tayong pera, anak, eh. Pupwede bang bukas na lang tayo bumili no’n?”
Sa sinabi ng ina ay nagwala ang bata at pagtinginan na ng mga tao ang mag-ina.
Hindi niya mawari sa sarili kung bakit bigla siyang nahabag nang makita niyang hirap na hirap ang ina na kumbinsihin ang batang nagwawala at pilit na nagpupumiglas. Kaya naman, kahit alam niyang mababawasan ang kikitain niya sa araw na iyon, nilapitan niya ang mag-ina saka niya inabutan ng isang lobo ang bata.
“Naku, wala po talaga kaming pera, manong,” sambit ng ginang.
“Sa kaniya na lang po iyan, mukhang gustong-gusto niya po, eh,” nakangiti niyang tugon na labis nitong ikinapasalamat. Tumahan na rin sa kakaiyak ang bata at agad na itong nagtatatakbo roon kasama ang lobong bigay niya.
Babalik pa lang sana siya sa kinatatayuan niya kanina nang siya’y palakpakan ng mga taong naroon. Ang iba pa’y agad siyang nilapitan at inabutan ng pera na talagang ikinagulat niya.
“Sana dumami pa ang mga taong katulad mo, kuya! Pinahanga mo kaming lahat ngayong araw! Tiyak na mas dadami ang kustomer mo sa mga susunod na araw!” sabi sa kaniya ng isang dalagang kinukuhanan siya ng bidyo at tila nagdilang anghel nga ito dahil bukod sa mabilis siyang nakaubos ng paninda nang araw na iyon, dumami nga ang kaniyang mga kustomer sa mga sumunod na araw hanggang sa makapagpatayo na siya ng maliit na tindahan sa naturang parke na araw-araw na mabili kahit tapos na ang pista sa kanilang lugar.
“Grabe, isang kabutihan lang ang ginawa ko, pinuno na kaagad ako ng biyaya ng Panginoon!” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kaniyang tindahan na dinudumog ang bago niyang disenyong lobo ng mga taong may ipagdiriwang na selebrasyon, may pagbibigyan ng regalo, at mga taong gusto lamang magpasaya ng mga bata.
At dahil nga malaki-laki na ang kinikita niya ngayon, bukod sa siya’y muling nag-isip ng iba pang negosyo na pamumunuan naman ng kaniyang asawa, lalo pa siyang nagbigay tulong sa ibang nangangailangan na talagang nakapagpataba ng puso niya at mas nagbigay biyaya sa kaniya.
Sa ganoong paraan, nakatulong na siya sa iba, gumanda pa ang buhay ng kaniyang pamilya.