Kambal ang anak ni Gina at Celio, dahil medyo nahihirapan siya sa kaniyang sitwasyon kaya kumuha sila ng makakasama niya sa pag-aalaga ng anak nila at para na rin makabalik siya sa kaniyang trabaho. Kahit papaano ay gumagaan ang pakiramdam ni Gina, dahil may nagbabantay na sa mga anak niya kapag gusto niyang matulog at magpahinga.
Ngunit isang kabimbal-gimbal na balita ang makakararing sa kaniyang pandinig.
“Hindi mo ba napapansin iyang asawa mo at ang yaya ng mga anak mo? Naku! Ikaw na lang yata ang walang alam, Gina? Pero lahat ng mga taong nakakakita sa kanila ay nagsasabi talagang mas mukha pa silang mag-asawa kaysa sa inyo,” kausap sa kaniya ni Ikang ang kaniyang matalik na kaibigan.
“Grabe naman ang malisyosa at malisyoso niyo naman. Hindi ba pwedeng nag-uusap lang sila? Masyado naman kayong mapagbigay kahulugan. Mahal ako ni Celio kaya malabong mangyari ang bagay na iyan,” buong kumpiyansa niyang wika.
“Sige lang. Magtiwala ka lang ng sobra sa sarili mo. Tignan natin kung sino ang mapag-iiwanan na lang bigla,” muling wika ni Ikang.
Kampante naman siya sa pagmamahal ni Celio at hindi naman niya pinagdududahan ang pagmamahal nito sa kaniya. Syempre laging magkakausap si Celio at Shiela dahil ang babae ang nagbabantay sa mga anak nila. Para sa kaniya ay wala namang malisya iyon, para sa kaniya parte na ng pamilya si Shiela.
Habang nasa hapag kainan sila ay naisingit niya sa usapan ang narinig na chismis.
“Alam mo ba hon? Pinag-uusapan kayo ng mga kapitbahay na para daw kayong mag-asawa ni Shiela kapag nakikita nila kayo. Para sa’kin naman masyado lang silang nag-iisip ng mga bagay-bagay. Syempre mag-uusap kayo ni Shiela kasi siya ang yaya ng kambal natin ‘di ba?” nakangiti niyang sambit. Ngunit imbes na ngiti din ang makikita niya sa mukha ng dalawa ay parang nailang pa ito sa sinabi niya. Meron nga ba siyang hindi nalalaman sa dalawa?
“O-oo nga naman hon. Masyado lang silang mapag-isip ng masama,” nauutal na wika ni Celio.
May tinatago ba ang dalawa? May kababalaghan bang nangyayari sa likuran niya? Bakit biglang nagkailangan ang dalawa sa harapan niya? May napansin man ay mas pinili ni Gina namanahimik. Pero hindi niya maiwasang obserbahan ang dalawa. Totoo kaya ang chismis at siya na nga lang ba ang hindi nakakapansin?
Isang araw ay maagang umuwi si Gina galing sa trabaho dahil pakiramdam niya ay magkakasakit siya. Ngunit nabigla siya dahil maaga din pa lang umuwi ang kaniyang asawa, nasa garahe na kasi ang sasakyan nito.
Nakangiting binilisan ni Gina ang mga hakbang dahil sabik siyang makita si Celio nang agad ding napaatras sa nakita. Naghahalikan si Shiela at Celio habang ang dalawa niyang kambal ang kampanteng naglalaro sa sala.
“Celio!” nabigla niyang tawag sa pangalan ng asawa. Agad na naghiwalay ang mga ito ng makita siya. “Nakakadiri kayo!” agad niyang sinugod si Shiela at pinagsasampal. “Ipinagkatiwala ko lang ang mga anak ko sa’yo. Hindi ko sinabing pati ang asawa ko’y pakialaman mo!” galit na galit niyang pinagsasampal ang babae habang panay naman ang awat ni Celio.
“Tama na iyan, Gina,” awat ni Celio.
“Ikaw naman isa kang baboy! Pati ang yaya ng mga anak mo pinatos mo! Bakit? Nagsawa ka na ba sa’kin at mas masarap tumikim ng iba? Saan ako nagkulang Celio!” galit niyang singhal sa asawa.
“Patawarin mo ako Gina,” nakayukong wika ni Celio.
Dahil sa inis ay nasampal niya ito ng ubod lakas. “Naging kampante ako kasi akala ko mahal mo talaga ako! Pero nagkamali ako ng buong akala pagdating sa’yo, Celio! Ayoko nang makita ang mukha mo! Nandidiri ako sa’yo! Lumayas kayo sa pamamahay ko! Pinapangako kong hindi mo na makikita ang mga anak ko!” aniya sabay tulak sa dalawa palabas ng bahay nila.
Habang tahimik lang na nakamasid sa kanila ang kambal niyang anak. Masyado pang bata ang mga ito at alam niyang wala pang naiintindihan sa nangyayari.
“Gina, hindi mo pwedeng gawin ang bagay na iyan! Mga anak ko sila,” nakikiusap na wika ni Celio.
“Noon iyon Celio, pero hindi na ngayon! Sana inisip mo ang mga anak mo bago mo ako niloko. Sana inisip mo muna ang pamilyang pwedeng masira bago mo pinatulan ang babaeng iyan!” galit niyang wika.
“Magsasampa ako ng kaso kapag inilayo mo sila sa’kin!” wika ni Celio.
“Hindi kita aatrasan! May ebidensiya ako sa kababoyang ginawa niyong dalawa. Baka nakakalimutan mo may cctv ang bahay na ito. Ang kapal din ng mukha niyo ‘no? Dito niyo pa talaga ginawa sa loob ng bahay ko ang kababoyan niyo. Magsampa ka lalabanan kita!” aniya tsaka tuluyang isinara ang pintuan para hindi na niya makita ang dalawa. Nasasaktan siya pero namumuhi rin siya sa ginawa ng kaniyang asawa.
Hindi na siya nagsampa pa ng kaso para sa kaniyang asawa at kay Gina. Para sa kaniya’y may pinagsamahan sila nito kahit sobrang sakit ng panlolokong ginawa ng dalawa. Balita naman niya’y hindi din nagtagal ang relasyon ni Shiela at Celio, kung anuman ang dahilan ay wala na siyang balak pang alamin.
Nagdesisyon si Gina na mag-resign sa trabaho upang sumunod sa pamilya niya doon sa America kasama ang dalawang anak. Mas maigi na rin na lumayo muna sila. Mas may mag-aalaga sa mga anak niya at hindi pa siya ganung mahihirapan dahil kasama naman niya ang kaniyang pamilya.
May karapatan si Celio sa mga anak nila at wala naman siyang balak ipagdamot ang mga ito. Pero wala na talaga siyang balak bumalik sa asawa. Hindi na niya alam kung paano pa ulit ibabalik ang tiwala rito at nahihirapan siyang kalimutan ang kasalanan nito sa kaniya. Kaya mas maigi na lang sigurong maging pormal na lang sila para sa kambal nilang anak.