Mainit ang dugo ni Ellen sa kaniyang biyenan na si Aling Susing. Para kasi sa kaniya ay walang ginawa ang matanda kundi pakialamanan ang kanilang pamilya. Lubusan ang kaniyang pagkayamot sa tuwing may ginagawa sa bahay si Aling Susing. Dahil dito ay palagi siyang nakikipagtalo sa kaniyang asawang si Edgar.
“Hindi ba puwedeng sa Ate Gina mo na lang manatili ang nanay mo, Edgar?” sambit ni Ellen sa kaniyang mister.
“Hindi ko na kaya pang pakisamahan ‘yang nanay mo. Noong isang araw ay ihahanda ko na sana ang babaunin mong pagkain ngunit laking gulat ko na lamang at nagawa na niya. Palagi rin niyang binabago ang ayos nitong bahay ng walang paalam sa akin. Hindi porke’t ikaw na anak niya ang bumili nitong bahay ay ibig sabihin ay may mas karapatan na siya kaysa sa akin. Aba, ako ang asawa. Kung ano ang pag-aari mo ay pag-aari ko na rin,” naiinis pa niyang pahayag.
“Ellen, ikaw na lamang ang umintindi sa nanay. Alam mo namang matanda na siya at wala pang asawa. Baka nabuburyo lamang siya at naghahanap ng gagawin,” tugon naman ng mister.
“Saka hindi mo ba gusto ‘yon? Maaari ka nang magpokus sa pag-aalaga diyan kay Junior. Matutulungan ka ni nanay sa mga gawaing bahay habang abala ka sa pag-aalaga ng anak natin,” sambit pa ni Edgar sa kaniyang asawa.
“Isa pa ‘yang problema ko, Edgar. Kahit sa pag-aalaga ko sa anak natin ay laging may nasasabi ‘yang nanay mo sa akin. Kesyo mali raw ang paraan ko ng pagpapaligo kay Junior. H’wag ko raw lalagyan ng polbo at baka ubuhin. Madalas ay kinukuha pa niya pa sa akin si Junior para padighayin. Ano ang gusto niyang palabasin niyang nanay mo? Hindi ako magaling na ina at hindi ko kayang alagaan ang anak antin?” saad pa ng ginang.
“Tandaan mo, Edgar, hindi maaaring magkaroon ng dalawang reyna sa iisang palasyo. Kung ayaw mo na ako ang umalis ay paalisin mo na ang nanay mo rito sa bahay!” galit na wika ni Ellen.
Hindi alam ni Edgar kung paano siya mamamagitan sa dalawang babaeng pinakamamahal niya. Ang kaniya kasing ina ay matanda na at balo pa. Hindi naman din maganda ang buhay ng kaniyang Ate Gina kaya nangangamba siya na kung doon titira ang ina ay mas mapadali ang buhay nito. Sa tanda ng kaniyang ina ay nais niya itong bigyan ng maayos na buhay. Kaso ayaw rin naman niyang nag-aaway silang mag-asawa. Kahit anong pakiusap ni Edgar kay Ellen ay hindi na kaya pa itong pakisamahan ng kaniyang misis.
Isang umaga ay maagang nagising Si Ellen upang ipamalansta ng damit na pamasok sa opisina ang kaniyang asawa. Ngunit laking gulat na lamang ng ginang na makitang plantsado na ang mga damit. Maging ang almusal ay nakahain na rin at ang baong pagkain ni Edgar ay nakahanda na rin.
Laking inis na naman ni Ellen kaya dali-dali niyang ginising ang asawa.
“Hindi na ba ako puwedeng magpaka asawa sa’yo, Edgar? Eh, nagawa na naman ng nanay mo ang lahat ng dapat ay responsibilidad ko sa’yo,” galit niyang sambit sa kagigising lang na asawa.
“Kay aga naman, Ellen. Pabayaan mo na ang nanay. Kung gusto mo ay tumabi ka na lamang dito sa akin. Wala ka na palang kailangang gawin,” pabiro ng mister. “Dali na, tara na dito sa tabi ko habang tulog pa si Junior,” dagdag pa ni Edgar.
Nang silipin sa kuna ni Ellen si Junior ay wala ang kanilang anak. Dali-dali niya itong hinanap sa kaniyang biyenan at natagpuang pinapaaraw pala nito ang sanggol.
Lalong ikinainis ito ng ginang. “Edgar, hindi ko na talaga kaya. Sobra na ‘yang pangingialam ng nanay mo. Kung hindi mo pa talaga siya kakausapin ay ako na ang aalis dito sa bahay na ‘to!” yamot ng misis.
Ayaw talagang magpatalo ni Ellen sa kaniyang biyenan kaya walang magawa si Edgar kung hindi kausapin na lamang niya ang kaniyang nanay.
“Nay, huwag ninyo pong mamasamain ito ngunit hindi ho kasi nagugustuhan ni Ellen na pinangungunahan ninyo siya sa pag-aasikaso sa pamilya. Kung maaari lamang din po ay huwag ninyo na ring babaguhin pa ang ayos ng bahay. Ganiyan kasi ang gusto ni Ellen. Isa pa po, kung nakikita ninyo si Ellen na inaalagaan ang aming mga anak ay hayaan ninyo na lamang siya. Kung may mali man siyang ginagawa ay sa akin ninyo na lang sabihin upang ako na po ang magsabi sa kaniya,” paliwanag niya sa ina.
“Pasensya na kung ganoon pala ang tingin ni Ellen sa aking ginagawa. Kaya lamang ako kumikilos dito sa bahay ay nahihiya kasi ako sa pagpapatira ninyo sa akin. Matanda na ako ngunit ayoko namang maging alagain, anak,
“Kahit paano ay gusto ko namang napagsisilbihan ko pa rin kayo. Nagluluto ako ng maaga upang hindi na bumangon ng maaga ang misis mo. Alam ko namang sa gabi ay puyat siya sa pag-aalaga ng anak ninyo,” paliwanag ni Aling Susing.
“Pasensya na rin kung binago ko ang ayos ng bahay. Ang akala ko kasi ay mas maliligayahan siya kung mas maaliwalas ang kaniyang ginagawalawan. Madalas kasing tumama ang tuhod niya sa center table kaya iginilid ko ito. Sa ayos kasi na ganiyan ay tingin ko na mas mapapadali ang kaniyang kilos kung kakailanganin siya ni Junior,” aniya.
“Kung minsan na napagsasabihan ko siya sa pag-aalaga ng anak ay pasensya na rin. Nag-aalala lang kasi ako sa aking apo. Ngunit mali nga na pangunahan ko siya bilang nanay. Nagmumungkahi lamang ako ayon sa aking karanasan sa pag-aalaga ko sa inyo,” patuloy niyang sambit.
“At saka kanina kasi iyak ng iyak si Junior. Ayaw ko naman na maistorbo pa ang gising ninyo kaya kinuha ko siya sa inyong silid. Nakita kong maganda ang sikat ng araw kaya inilabas ko na rin siya. Pasensya na kayo sa pangingialam ko. Hindi ko alam na mamasamain ninyo ito. Ang nais ko lamang ay makatulong sa inyong mag-asawa bilang pasasalamat ko na rin sa pagkupkop ninyo sa akin,” aniya.
Napangiti si Edgar sa narinig. Maganda naman pala ang intensyon ng kaniyang ina. Ang hindi nila alam ay lihim na nakikinig sa kanilang usapan si Ellen. Naghihiya siya sa lahat ng mga nasabi niyang masama sa kaniyang biyenan. Wala pala itong nais kung hindi makatulong lamang sa kanila. Humingi ng patawad si Ellen sa kaniyang biyenan.
Mula noon ay nagkasundo na sila. Malugod ng tinatanggap ni Ellen ang pagtulong sa kaniya ng kaniyang biyenang si Aling Susing. Napagtanto ni Ellen na lubusan ang kaniyang swerte sa nanay nang kaniyang napangasawa sapagkat hindi masama ang ininatrato nito sa kaniya bagkus ay gusto pa nitong mapalapit sa kanilang pamilya. Hindi lahat kasi ay nabibiyayaan ng isang biyenan ng tulad ni Aling Susing.