Inday TrendingInday Trending
Nag-OFW Ako Para Sa Wala

Nag-OFW Ako Para Sa Wala

Mula ng pumanaw ang ina ni Paul na si Aling Darla ay naiatang na sa kaniyang balikat ang lahat ng gastusin ng kanilang pamilya. Bunso si Paul sa kanilang dalawang magkapatid.

Ang kuya niyang si Dante ay may asawa na at mga anak ngunit wala pa ring trabaho at nakaasa pa rin sa kaniya. Maging ang ama niyang si Mang Obet na malakas pa naman ay hindi na rin nagtrabaho simula nang makapasok sa pabrika sa Korea itong si Paul.

Hindi naman makaangal si Paul sa kaniyang sitwasyon sapagkat palaging isinusumbat sa kaniya ng kaniyang ama ang pagkam*tay ng kanilang ilaw ng tahanan. Inatake kasi ito sa puso ng aminin ni Paul na siya ay isang binabae.

Dahil dito ay naratay ang kaniyang ina at sa paglipas ng panahon ay tuluyan na itong nanghina at binawian ng buhay. Nahihirapan man sa kaniyang kalagayan ay kinakaya niya ito sa ngalan ng pagmamahal niya sa kaniyang pamilya.

“Paul, nagagalit na ang tatay. Kailan mo raw maipapadala ‘yung hinihingi niya sa’yong pera,” wika ni Dante sa nakababatang kapatid na si Paul.

“Kakapadala ko lang ng dalawampung libong piso. H’wag ninyo sabihing naubos na lahat ng iyon ng ganung kabilis,” tugon naman ni Paul.

“Alam mo naman na marami kaming pinagkakagastusan dito. Saka nagbayad si tatay sa mga utang niya,” paliwanag ng kapatid. Habang nagsasalita ang kaniyang Kuya Dante ay naririnig niya ang sigaw ng kaniyang ama.

“Si tatay nagagalit na, Paul. Sabihin mo na kasi kung kailan ka magpapadala. Kailangan na daw niya ng pera,” aniya.

Maya-maya ay narinig na niya ang tinig ni Mang Obet na inagaw kay Dante ang telepono.

“Ano ba, Paul? Magpapadala ka ba? Aba sabihin mo na agad hindi ‘yung pinaghihintay mo pa ako. Kung hindi ka makapagpapadala ay huwag ka na ring umuwi dito! Wala kang silbi!” galit na wika ng kaniyang ama.

“Gusto ko lang naman po malaman tay, kung para saan po ang pera. Kasi malaki naman po ang ipinadala ko nung nakaraang linggo. Imposible kasi na naubos ninyo na po agad ‘yon,” wika niya.

“Wala kang pakialam kung ano ang ginagawa ko sa pera. Bakit, hindi ba kami kumakain dito? Wala bang mga binabayarang kuryente at tubig. Porke’t ikaw ang gumagastos ay akala mo kung sino ka na. Gusto mo ba isa-isahin pa namin sa iyo kung sa’n ginagastos ang pera mo?! Huwag ka nang magpadala. Huwag ka na rin umuwi, letse ka!” sambit ng ama.

Nasasaktan man ang kalooban ni Paul ay agad siyang nagpadala sa kaniyang ama ng pera. Halos wala nang maipon si Paul sa kaniyang pagtatrabaho sa ibang bansa. Madalas pa nga ay mangutang siya sa kaniyang mga kasamahan.

Masyado niyang tipirin ang kaniyang sarili gayong sagana ang pamumuhay ng kaniyang mag-anak sa pamilya. Bukod sa pagpasok pa sa pabrika ay kumukuha pa siya ng ibang trabaho sa gabi kaya patang-pata lagi ang kanyang katawan.

Isang araw ay hindi inaasahan ni Paul ang makararating sa kaniyang balita. Isang kasamahan kasi niya ang nagsumbong na mayroon siyang ibang pinapasukang trabaho. Ito rin ang dahilan kung bakit madalas ay nahuhuli siya sa pagpasok sa pabrika. Nang malaman ito ng namamahala sa kanilang opisina ay agad siyang sinibak sa tungkulin. Lalo niyang ikinalugmok nang malaman naman ang ekstrang trabaho niya sa gabi ay ilegal.

Dahil walang ipon ay napilitang makituloy si Paul sa bahay ng kaniyang kaibigan sa pangakong magbabayad siya kung siya ay kumita na. Ilang araw ang makalipas ay muling nakatanggap ng tawag si Paul mula sa Pilipinas.

“Paul, kailan ka ba ulit makakapagpadala ng pera? Kailangan na naman ng tatay, eh.” sambit ng kapatid.

“Kuya, baka hindi muna ako makapagpadala sa inyo. May nangyari kasi sa akin dito,” tugon niya.

“Letse naman, Paul, siguro ay naloloko ka sa lalaki, ano?” pagbibintang ng kapatid.

“Tigilan mo muna ‘yang pagkabinabae mo sapagkat lalong ngayon kailangan ni tatay ng pera mo. Kailan niya ng pampiyansa. Gumawa ka ng paraan para mailabas siya sa kulungan,” saad ni Dante.

“Paanong nakakulong, kuya?” pagtataka niya. “Ano ba talaga ang ginagawa ng tatay sa pera?”

“Madalas magsugal ang tatay. Nabaon sa utang. Ngayon, ‘yung mga pinagkakautangan niya ay pinakulong siya. Kaya kung ako sayo ay magpapadala na ako kung hindi ay magagalit na naman ‘yon sa’yo,” wika ni Dante.

Sa puntong iyon ay labis na ikinalungkot ni Paul ang mga nangyari. Habang siya pala ay nagpapakasubsob sa pagtatrabaho sa ibang bansa ay isinusugal lang pala ng kaniyang ama ang perang kanyang pinaghihirapan. Napagtanto ni Paul na walang saysay ang lahat ng kaniyang sakripisyo. Masakit man sa loob niya ay kailangan niyang tiisin ang kaniyang ama sapagkat sumusobra na ito.

“Wala akong pera, kuya. Sabihin mo kay tatay na hindi ako makakapagpadala,” mariin niyang wika.

“Ang yabang mo na. Akala mo kung sino ka. Nakatungtong ka lang ng ibang bansa ay sobra ka na kung magmataas. Baka nakakalimutan mo na ikaw ang dahilan ng pagkasawi ni nanay. At kung hindi nasawi ang nanay ay ayos pa sana sa sirkulasyon si tatay. Kapag nabulok ang tatay sa kulungan ay isipin mo na lamang na wala ka ng pamilyang babalikan,” sumbat ni Dante.

“Isumbat ninyo na sakin ang gusto ninyong isumbat ngunit hindi ako makakapagpadala. Natanggal ako sa trabaho kuya, dahil sa paghahangad kong mapunan ang lahat ng pangangailangan ninyo tapos ay nagsusugal lang pala ang tatay,

“Halos hindi ako kumain dito para lang may maipadala diyan sa atin habang kayo ay inuubos ang perang pinaghirapan ko para lang sa wala. Maiintindihan ko kuya, kung ipinanggamot o ipinangpagawa ng bahay o hindi naman ay ipinamatrikula. Pero hindi! Isinugal lang!” giit niya.

“Sabihin ninyo na ang gusto ninyong sabihin sa akin. Ngunit hindi naman siguro masama kung sa pagkakataong ito ay uunahin ko naman ang sarili ko,” wika ni Paul at agad na niyang ibinaba ang telepono.

Umiiyak man ay sa wakas at napalaya na ni Paul ang kaniyang pusong nakulong sa sumbat ng kaniyang ama at kapatid. Napakawalan na niya ang lahat ng pighating kaniyang kinimkim mula pa man noong unang inamin niya ang kaniyang kasarian. Muling bumangon si Paul mula sa kaniyang pagkakalagpak ngunit sa pagkakataong ito ay mag-iipon na siya at iisipin na ang sarili niyang kinabukasan.

Ang pamilya ang siya dapat na nagtataas sa atin kung tayo ay nalulugmok. Hindi sila ang dapat na dahilan kung bakit tayo nagdurusa. Maging aral sana sa atin na hindi masamang paminsan-minsan ay unahin natin ang ating mga sarili.

Advertisement