Inday TrendingInday Trending
Ang Sutil na Kapatid

Ang Sutil na Kapatid

“Ano itong nababalitaan ko, Mina, na hindi ka na raw pumapasok sa eskwelahan?” bungad ni Sandra sa kaniyang nakababatang kapatid na si Mina.

“Buong akala ko ay pumapasok ka at nag-aaral dahil aalis ka dito na nakauniprome, ang malupit pa doon ay nanghihingi ka pa ng baon pagkatapos ay hindi ka naman pala pumapasok! Ano ba ang umaandar d’yan sa kokote mo? Nagrerebelde ka ba?” patuloy na panggagalaiti ng nakatatandang kapatid.

Maagang naulila sa magulang sina Sandra at Mina. Bata pa lamang sila nang maaksidente ang nanay at tatay nila na agad ikinasawi ng mga ito.

Simula noon ay si Sandra na ang naging magulang ni Mina. Solong katawan niyang itinataguyod ang kaniyang kapatid na ngayon ay nasa kolehiyo na.

Ngunit hindi maganda ang relasyon ng dalawa. Lagi na lamang napapagalitan ni Sandra si Mina. Walang araw yata na hindi ito sumisigaw at hindi niya pinagalitan ang dalaga.

“Hindi mo alam kung gaano kahirap ang magtrabaho. Tapos ikaw, mag-aaksaya ka lang d’yan! Hindi ko pinupulot ang pera na pinangpapaaral ko sa’yo, Mina. At para sabihin ko sa’yo ay hindi biro ang matrikula mo. Kaya ang pinakamainam mo sanang gawin ay kahit paano ay pumasok at mag-aral. Kaso mas gusto mo pang makipag-inuman kaysa isipin mo ang pag-aaral mo!” pagpapatuloy ni Sandara sa kaniyang kapatid.

“Ate, pwede bang tigilan mo na ‘ko d’yan sa mga pangaral mo? Matanda na ako! Gagawin ko kung ano ang gusto ko. Kung gusto kong magpakalango buong gabi ay wala ka na doon!” sagot ni Mina sa kaniyang ate.

“Tigilan mo ang pagpapanggap mo bilang nanay sa akin dahil kahit kalian ay hindi magiging ikaw si nanay!” sigaw pa niya.

“Iyan ba ang natututunan mo sa paglabas kasama ng mga kaibigan mo, ang sagutin ako ng pabalang? Bakit, Mina, may maipagmamalaki ka na ba? Ni hindi mo nga matapos-tapos ‘yang kolehiyo mo,

“Ilang taon ka na ba riyan?Tapos may gana ka pang sumagot sa akin ng ganyan! Hindi ko pinupulot ang pera na ipinambabayad sa eskwelahan mo para lang magloko ka. Masuwerte ka nga at nakapag-aaral ka pa. Akala mo ba ay madali ang buhay ng walang pinag-aralan? Kung sa tingin mo ay oo, huminto ka na at maghanap ka ng trabaho!” nangagagalaiting sigaw ni Sandra.

“Talagang hihinto na ako ng pag-aaral. Nakakasakal na sa bahay na ‘to. Ni wala akong kalayaang gawin kung ano ang gusto ko. Wala na nga tayong mga magulang ay nariyan ka naman na higit pa ang pagbabantay sa kanila. Para akong bilanggo dito!” pakikipagtalo ni Mina.

Dahil sa galit ni Sandra sa kaniyang kapatid ay nasampal niya ito. Nabigla din naman siya sa kaniyang ginawa kaya agad siyang humingi ng tawad sa nakababatang kapatid. Ngunit ayaw itong tanggapin ni Mina bagkus ay tumungo ito sa kaniyang silid at nagbalot ng kaniyang gamit.

“Saan ka naman pupunta,Mina?” pigil ni Sandra sa dalaga.

“Hindi ka aalis! Dito ka lang sa bahay. Wala kang mapupuntahan Mina, kaya tigilan mo na ‘yang ginagawa mo!” aniya.

“Iyan ang akala mo, ate! Marami akong kaibigan at marami akong mapupuntahan! Mas pamilya pa nga ang turing nila sa akin. Ayoko na talaga sa bahay na ‘to lalo na kung ikaw lang ang makakasama ko!” saad ni Mina.

Tuluyan na ngang umalis si Mina sa kanilang bahay. Wala namang nagawa si Sandra sapagkata buo na ang pasya ng kapatid. Hindi na rin pumasok pa ng eskwelahan ang dalaga. Araw-araw ay tinatawagan ni Sandra ang kaniyang nakababatang kapatid upang kumbinsihin itong umuwi na sa kanilang bahay ngunit ayaw magpatinag ni Mina.

Maging sa hatinggabi ay inaabangan ni Sandra ang nakababatang kapatid sa mga bar na pinupuntahan nito ngunit bigo siyang maiuwi muli ang dalaga.

“Mina, umuwi ka na sa atin, parang-awa mo na. Patawarin mo na ako kung nasaktan kita noon. Nabigla lang naman ang ate,” pakiusap niya sa kapatid.

“Umalis ka na! Hindi na ako babalik sa bahay na ‘yon!” saad ni Mina.

“Simula ngayon ay hindi na tayo magkapatid. Mag-isa kang tumanda!” aniya sabay tulak sa kaniyang Ate Sandra.

“Iyan ang nababagay sa’yo,” wika pa niya habang napasalampak ang nakatatandang kapatid sa kalsada.

Walang nagawa si Sandra kundi lumuha. Batid niya na maaring hindi na muli pang magbalik ang kapatid sa kanyang piling. Lihim niya itong sinundan sa bar at nakita niya na napakalakas uminom ng dalaga.

Ilang buwan ang lumipas at hindi pa rin umuuwi si Mina sa kaniyang Ate Sandra. Upang mabuhay ay nag waitress na lamang si Mina. Wala siyang permanenteng trabaho dahil na rin sa uri ng kanyang pamumuhay na gabi-gabi ay umiinom ng alak kasama ang mga kaibigan.

Isang gabi sa inuman ay bigla na lamang nawalan ng malay itong si Mina kaya dali-dali siyang dinala ng mga kaibigan sa ospital. Inaapoy ito ng lagnat at lubusang nanghihina.

“Mina, matindi ang impeksyon sa iyong kaliwang bato at kailangan mo ng agarang operasyon ngunit sa kasamaang palad ay wala kaming mahanap na bato na pwedeng ilagay sa iyo. Malaki ring halaga ang kinakailangan upang maisagawa ito. Kung hindi ito maisasagawa agad ay maaaring ikamatay mo,” sambit ng doktor na sumuri sa dalaga.

Alam ni Mina na sa panahon na iyon ay imposible pa na mabuhay siya. Nagtanung-tanong siya sa kaniyang mga kaibigan ngunit wala sa kanilang nais tumulong at magbahagi ng kanilang bato sa dalaga.

Sa paglipas ng araw ay lalong lumulubha ang kaniyang kalagayan. Lumalaki na rin ang gastusin niya sa ospital. Ang mga kaibigan na kaniyang tinuring na pamilya ay isa-isa na siyang iniwan dahil sa kaniyang kalagayan. Dahil nawawalan na siya ng pag-asa sa kaniyang buhay ay naisipan na rin niyang isuko na lamang ang kaniyang buhay.

“Mina, may nakuha na kaming magdo-donate ng bato para sa’yo. Ngunit ayaw niyang sabihin kung sino siya. Nagawa na rin namin ang mga pagsusuri at maaaring ilagay sa iyo ang kaniyang bato. Sisimulan na natin agad ang operasyon,” nagagalak na wika ng doktor.

“Ngunit wala po akong pambayad sa mga gastusin sa ospital na ito, maging sa gagawing operasyon,” wika ng dalaga.

“Wala ka ng iintindihan pa, Mina, may sumagot na rin ng mga gastusin mo sa ospital,” pahayag ng doktor.

Lubos naman ikinagalak ni Mina ang kaniyang narinig. Sa wakas ay madudugtungan muli ang kaniyang buhay. Sa pagkakataong ito ay napagtanto ni Mina na itama na lahat ang kaniyang pagkakamali. Kung magiging mtagumpay man ang operasyon ay agad siyang makikipagbati sa kaniyang ate.

Agad na inoperahan si Mina at tulad ng inaasahan ay nagging matagumpay ito. Labis ang pasasalamat ni Mina sa nagbahagi sa kaniya ng kaniyang bato.

“Dok, gusto ko pong makita ang taong nagbahagi sa akin ng kaniyang bato para ako po ay mabuhay,” pakiusap niya. “Gusto ko po kasing magpasalamat sapagkat kung hindi dahil sa kaniya ay baka wala na po ako ngayon,” aniya.

Nakangiting itinuro sa kaniya ng doktor ang taong ito. Sa katabi lamang pala ng kaniyang kama ay ang nakahiga rin ang taong handang magbuwis ng buhay para lang siya ay masagip. Nang kaniyang hawiin ang kurtina na naghihiwalay sa kanilang mga higaan ay kaniya itong lubusang ikinagulat.

“Ate,” sambit niya. Hindi na napigilan pa ni Mina ang lumuha. “Ate, ikaw ang donor ng aking bato? Bakit mo ginawa ‘yun? Sa kabila ng lahat ng nagawa ko sa’yo bakit handa ka pa ring tulungan ako?” hagulgol ng dalaga.

“Dahil kapatid kita. Nang mamatay ang mga magulang natin ay nangako ako sa kanilang puntod na kahit ano ag mangyari ay aalagaan kita. Hindi kita pababayaaan at ibibigay ko ang lahat sa’yo. Kahit buhay ko ang maging kapalit Mina, ay handa akong magsakripsiyo para lang sa ikabubuti mo,” tugon ni Sandra.

“Patawarin mo ako kung naghigpit ako sa’yo ng lubusan. Natakot lang ang ate na baka kung ano ang mangyari sa’yo. Ayaw kong mapariwara ang buhay mo. Gusto ko sa panahon na kaya mo nang tumayo sa sarili mong mga paa ay hindi maling landas ang iyong tahakin,” dagdag pa niya.

“Mahal kita Mina, sapagkat ikaw ang kaisa-isa kong kapatid. Ikaw ang tanging kayamanan ko sa buhay.”

Lubusang pagsisisi ang naramdaman ng dalaga. Kung nakinig lamang siya sa kaniyang ate ay hindi na sana hahantong pa sa ganito. Ngunit mas pinangunahan siya ng tigas ng kaniyang ulo.

“Mahirap ang mabuhay ng mag-isa, ate. Ngayon ay napagtanto ko na ang lahat. Patawarin mo ako ate, sa lahat ng mga kasalanan ko!” napayakap na lamang si Mina sa kaniyang Ate Sandra.

Nagkapatawaran ang dalawa. Mula noon ay tinanggap na ni Mina ang mga pangaral sa kaniya ng kapatid. Bumalik na rin siya ng pag-aaral. Nagamit man ni Sandra ang lahat ng kaniyang ipon upang ipagamot ang kapatid ay namuhay pa rin sila ng payak, masaya at nagmamahalan. Dito napatunayan na walang mas hihigit pa sa pagmamahal ng sarili mong pamilya.

Advertisement