Ang Hiwaga ng Lumang Camera

“Ang ganda sana kapag lumang bahay yung lugar para sa pictorial. Para mas mukhang lumang litrato talaga.” sabi ni Camilla habang tinitingnan ang mga kinunan nilang litrato ng kaibigan niyang modelo na si Sophia.

Ngumuso ito sa kanya.

“Totoo. Kaso nga lang, mahirap makahanap ng lumang bahay na mura, Cams.”

Napabuntong-hininga siya. Tama ito. Ilang beses na nila sinubukang maghanap, ngunit lahat ng nakikita nila ay masyadong mahal ang bayad.

“Sige, susubukan ko ulit maghanap. Sayang naman kasi. Tiyansa na natin ‘to, para maipasa sa mga sikat na kompanya.”

Matagal ng magkaibigan sina Camilla at Sophia. Sila rin ang magkasama sa trabaho. Si Camilla ang tumatayong photographer habang si Sophia ang modelo. Minsan naman ay nagpapalit sila. Pareho kasi nilang pinapangarap na makapagtrabaho sa entertainment industry.

Yun nga lang, masyadong madalang ang swerte sa kanila. Walang tumatawag kahit isa. Kaya naman naisip na lang nila na sumali sa isang kompetisyon. Baka sakali ay matisod na nila ang swerte sa pagkakataong ito.

Sa ngayon ay namomroblema sila. Vintage photo, o yung makaluma kasi ang tema ng kompetisyon, at hirap silang makanap ng lugar.

Advertisement

Naging busy silang dalawa sa paghahanap ng posibleng lugar. Kapwa sila nakaharap sa kanya kanyang cellphone.

Maya-maya pa ay tumili si Sophie.

“Bakit?” tanong niya dito.

“May nakita na ako, Cams!” ani nito na halos tumalon sa sobrang tuwa. Napangiti na rin siya at lumapit dito.

“Patingin?” aniya.

Excited nitong pinakita ang kanyang cellphone. Isang litrato ng lumang bahay ang kanyang nakita.

“Sa Batangas ‘yan. Medyo malayo-layo pero sobrang ganda. Look— pumayag na yung may-ari. Jackpot ‘to, Cams. Sobrang baba nung babayaran natin. Actually ayaw nga niyang magpabayad kaso pinilit ko na lang.” Tuloy tuloy ang sinasabi nito.

Tama si Sophie, jackpot nga ito.

Advertisement

Maganda ang loob ng bahay. Medyo nakakakilabot tignan dahil mukhang sobrang luma.

“Sige. Magpahinga tayo ng maaga ngayon para makapag-ayos ng gamit at bukas na bukas ay tutulak na tayo.” sinabi niya sa kaibigan.

Kaya naman ng gabing iyon ay naghanda sila para sa pag-alis. Halos hindi natulog si Sophie sa sobrang excitement.

Dala ang lahat ng damit na kailangan nila, camera at lumang sasakyan ay umalis sila patungong Batangas.

“Manang, alam nyo po ba kung saan banda itong bahay na ‘to?” aniya sa isang matandang babaeng naabutan nilang nagdidilig ng halaman. Panandalian nitong itinigil ang ginagawa.

Ipinakita niya ang litrato ng bahay mula sa cellphone.

Kumunot ang noo nito at bahagyang umatras. “Sigurado kayong dito kayo pupunta mga ineng?” tanong pa nito.

Tumango sila bagamat nagtataka.

Advertisement

“Photographer ho kasi ako tapos itong kaibigan ko naman modelo. Doon ho kami magpo-photoshoot.” paliwanag niya.

“Ah! Sige. Diretsuhin nyo lang itong daan tapos kaliwa, pagdating sa dulo, may makikita kayong kinakalawang na gate. Yun na yun. Mag-iingat kayo. May kalakip na panganib ang bahay na iyon.”

Gusto pa sana nila mag-usisa pero tumalikod na ang matanda at tila hindi na interesado pang makaipag-usap sa kanila. Sinunod niya ang direksyon nito at nakita niya nga ang gate matapos ang ilang minuto.

“Ang ganda, Cams!” ani Sophia na agad bumaba mula sa sasakyan.

Maging siya ay namangha. Pumasok sila sa tarangkahan at mas lalong tumindi ang kanilang pagkamangha.

“Tao po!” kumatok si Sophia.

Ilang minuto silang naghintay ngunit wala silang nadatnang tao. Tinulak niya ng bahagya ang pinto at sa gulat niya ay bumukas ito.

“Nasa loob siguro? Hindi tayo naririnig.” Aniya sa kaibigan.

Advertisement

“Pasok na lang ba tayo?” tanong nito. Alam niyang yun na nga ang magandang gawin. Isa pa, hindi naman sila magnanakaw ng kahit na ano.

“Okay.”

Tinulak nila ang pinto at dahan-dahang pumasok. “Tao po! Manang Isabelle?” tawag ni Sophia sa matandang nakausap daw nito. Ang caretaker.

Sa sobrang laki ng bahay ay halos mag-echo ang boses nito. Wala si Manang Isabelle.

“Hanapin natin si Manang. Tara, para malibot rin natin tong bahay.”

Iniwan nila ang mga gamit sa sala.

Sa paghahanap ay umabot sila sa isang madilim at maalikabok na kwarto. Nilibot niya ang paningin at napatingin sa salamin.

Napapikit siya ng biglang may mag-flash sa likuran. Napatingin sa tumatawang si Sophie. “Ano yan?” aniya.

Advertisement

“Ngiti ka muna!”

Awtomatiko ang kanyang ngiti. “Ano ‘yan, Sophie?” tanong niya rito.

“Tingnan mo, ang ganda ng camera na ito.”

Kinuha niya ito at sandaling binusisi. Bilang photographer, mabilis siyang mahumaling sa ganitong bagay.

“Okay, pero hindi ito satin, Sophie. Kaya hanapin na muna natin si Manang.” aniya at aktong bibitawan niya na ang camera ng pigilan siya ni Sophie.

“Kuhanan mo muna ako ng litrato! Dali na!” pilit nito kaya’t hinayaan niya na ito. Halos mabitiwan niya ang camera nang may makitang isang matandang babae sa likod ni Sophie.

Napahawak siya sa kanyang dibdib. “Bakit?” tanong ni Sophie.

“Sino kayo? At bakit nyo hawak yan?” tanong nito sa medyo mataas na tono.

Advertisement

Kinuha nito ang camera sa kanyang kamay. Nakita nito ang sarili mula sa camera. Ngumiwi siya.

“Pasensya na po! Pero ako po si Sophia. Yung nakausap nyo.” ani Sophie.

Mukhang naalala naman nito si Sophie. Buti naman.

“Sige, pero bawal kayo dito sa kwartong ito. At wag nyong pakielaman tong camera. Kay Joseph ito.”

Lumabas sila at nakita ang pagsara nito ng pinto ng kwarto.

Nagsimula na ang kanilang shooting ni Sophie. Maghapon silang kumuha ng mga litrato. Satisfied sila pareho sa mga nakuha.

“Hanapin ko lang si Manang Isabelle, Cams.” ani Sophie.

Hinayaan niya lamang ito at nagpatuloy sa paglilinis ng camera. Maya maya pa ay narinig niya ang sigaw ni Sophie.

Advertisement

Nataranta siyang tumakbo kung saan nanggaling ang tunog. Nanlumo siya sa nakita. Nakahandusay ang wala nang buhay na katawan ni Manang Isabelle sa kusina. Inatake ito sa puso.

Umiiyak si Sophie. Niyakap niya ang kaibigan na bakas ang takot. Tumawag sila ng tulong ngunit huli na ang lahat. Wala na si Manang Isabelle.

Bumalik na sila sa Maynila ngunit nagbago na si Sophie. Akala niya ito ay dahil lamang sa trauma.

“Cams, nakita ko siya! Nakita ko si Joseph! Nakita ko rin si Manang Isabelle! Nakikita ko sila sa panaginip ko! Tayo na raw ang susunod! Yung camera, Cams! May sumpa ang camera! Mamamatay ang sinumang makuhanan nito ng litrato!” humahagulgol at nanginginig ito pagkagising.

“Kailangan nating masira ang camera! Ayoko pang mamatay!” umiiyak ito kaya’t wala siyang nagawa kundi ang yumakap sa kaibigan.

Nag-research siya tungkol sa mga camera. Wala siyang nakita hanggang sa makakita ng isang link.

Ang sumpa ng camera. Kalakip ang litrato ng isang pamilyar na camera. Hindi siya nagkakamali. Ito ang nasa bahay!

Pagmamay-ari ng isang taong pumanaw na. Ayon dito, lahat ng taong makukuhanan ng litrato ay mamamatay.

Advertisement

Ang sabi ay dapat sirain ang camera. At sunugin para matapos ang sumpa.

Takot siya ngunit hindi niya pwedeng hayaan ang kaibigan. Nabuo ang kanyang plano. Kinabukasan ay nagtungo siya sa bahay at hinanap ang camera.

Nakita niya ang sandamakmak na pictures ng mga taong napag-alaman niyang pumanaw na. Ang unang unang kuha mula sa camera ay tila magkasintahang matamis ang ngiti sa mga labi.

“Hindi ako dapat na madamay sa sumpa. Dapat ko na itong tapusin.” Aniya at binuksan ang lighter.

Mabilis na lumiyab ang camera. Ngumiti siya. Sa wakas, tapos na ang sumpa ngunit nawala ang kanyang ngiti ng matapos na ang pagliyab ngunit nanatiling buo ang camera. Wala man lang bakas ng pagkasira.

Pinulot niya ito. Gumapang ang kanyang takot ngunit mas nanaig ang kanyang determinasyon na matapos ang sumpa. Akmang babasagin niya na ang camera.

Ngunit bago pa niya magawa ay may humawak sa kanyang braso upang pigilan siya. Ang matandang babae na nakita niya nung unang araw niya.

“Ako na ang gagawa. Hindi ka na dapat na madamay pa dito. Ako ang dapat na mawala, dahil ako ang may kasalanan kay Joseph. Nagkamali ako. Dapat itinaboy ko na kayo nung unang araw pa lang na magtanong kayo tungkol sa bahay.”

Advertisement

Nanlaki ang kanyang mata.

“Kunan mo ako ng litrato. Sunugin mo ang bahay pagpasok ko. Sisiguraduhin kong ako na ang magiging huling biktima ng camera.” sinabi nito sa kanya at inabot ang isang sulo at gasolina.

“Pero—” “Ito lang ang paraan para matapos ang sumpa. Hindi titigil si Joseph hanggang hindi niya ako nakukuha. Nagsumpaan kami noon na hindi kami mapaghihiwalay, kahit mawala kami sa mundong ito, pero hindi ko natupad ang pangakong iyon.” Ngumiti ito sa kanya.

Wala siyang nagawa kundi sundin ang sinabi ng matanda. Tumulo ang kanyang luha nang pumasok na ito bitbit at unti unti ay itinapon niya ang gasolina at hinagis ang sulo. Maya maya pa ay nagliliyab na ang buong bahay.

Tumakbo siya ng matulin palayo habang natutupok ang bahay. Siguro naman ay matatapos na ang sumpa ng camera.