
Si Kapitan Solomon
“Mukhang madedestino ako ngayon sa Sulu. Marami ‘daw ang NPA ngayon doon.” Nagulat siya sa deklarasyon ng kanyang Tiyo Solomon isang araw. Balitang-balita nga sa TV ang napakarami ngang NPA. Ang balita ay nakakabahala para sa kanya lalo na’t isa siyang sundalo. Maging ang kanyang Tiyo na isa sa may matataas na posisyon sa kanilang kampo. Ito ang nagpaaral sa kanya at tumayong ama dahil maaga siyang naulila.
Kaya naman dahil sa pagmamahal niya dito ay sinundan niya ang propesyon nito. Pinigilan siya nito noong una dahil delikado, ngunit nang makita ang kanyang determinado ay hinayaan at sinuportahan.
Ðinagsa ng kaba ang kanyang dibdib ngunit alam niyang trabaho nila na unahin ang kapakanan ng buhay.
“Kung ganoon, mag-iingat ka don, Tiyong.”
“Oo naman, Bernard. Basta’t galingan mo rin dito at ikaw na muna ang bahala sa Tiya Marsing mo habang wala ako. Ikaw ang inaasahan ko.”
Ilang araw matapos ang pag-uusap ay tumulak ang grupo ng kanyang Tiyo patungong Sulu.
Tumatawag ang kanyang tiyo sa tuwing nagkakaroon ito ng tiyansa. Mahina ang signal ng cellphone sa Sulu kaya naman tiyempuhan para makapag-usap sila.
Madalas ay nagkakamustahan silang dalawa, at ang tungkol sa pamilya nito na naiwan.
“Kailan ka po ba makakauwi dito, Tiyong?” tanong niya isang araw.
Ang alam kasi niya ay nakatakda lang itong manatili ng tatlong buwan sa misyon. Ngunit dalawang araw na ang nakararaan ngunit hindi pa ito nakakauwi. Tinatanong siya ng kanyang tiyahin ngunit ang tanging sinasabi niya ay baka nagka-delay lang ng kaunti.
Ngunit sa totoo lang, maging siya ay nababahala na.
“Hindi ko alam, Bernard. Magulo dito pero dapat lagi mong tandaan ang mga habilin ko ha. Alagaan mo sila diyan.”
“Syempre naman po, Tiyong. Wag kayong mag-alala dahil hindi ko pababayaan ang tiya anuman ang mangyari.”
May narinig siyang putok ng baril at sigawan sa paligid pagkatapos. Agad siyang nag-panic.
“Tiyong, anong nangyayari diyan?” kaagad niyang tanong.
“Ayos lang naman. Normal na iyon.” Sagot ng Kapitan.
Muling sigawan.
“Wag ka na mag-alala! Alam mong mahal ko kayo, ikaw na ang bahala. Alagaan mo lagi ang Tiya mo.” Paulit ulit nitong habilin.
Kakaiba ang kanyang Tiyo. Sa kabila ng maingay na background ay kalmadong kalmado ang boses nito. Tila pinapakalma rin siya sa kanyang emosyon.
“Pakisabi sa Tiyang mo na mahal na mahal ko siya, ha?”
Ngumiti siya doon. Alam niya iyon. Nakikita niya ang pagmamahal nito para sa kanyang asawa kahit na wala itong anak ay naging sapat na sa mga ito ang isa’t-isa.
“Umuwi ka na lang kasi dito, Tiyong. Para ikaw na ang magsasabi niyan ng personal.” Tukso niya na tinawanan lang nito.
“Uuwi din ako isang araw.” Iyon ang huli nitong sinabi.
Iyon na ang huling beses na nagkausap sila ng kanyang Tiyo kaya naman mas dumoble ang kanyang pangamba ngunit hindi niya ito ipanapakita sa kanyang pamilya. Hindi maari. Siya dapat ang magpalakas ng loob ng kanyang tiyahin.
Umupo siya saglit at binuksan ang TV. Ang headline ng isang ulat ang agad na bumati sa kanya.
Engkwentro, naganap sa Sulu. Maraming militar ang nasawi!
Nanlamig siya at halos mabitiwan ang kanyang cellphone.
Si Tiyo!
Nanginginig ang kanyang kamay. Ngunit narinig niya na ang humahangos niyang Tiya. Natataranta din sa balita.
“Ang asawa ko!” Iyak nito, niyakap niya ito ng mahigpit.
Hindi pa. Hindi pa kumpirmado ang lahat! Kaya dapat ay hindi siya mawalan ng pag-asa. Nanginginig siyang tumawag sa kanyang heneral upang makibalita. At nadurog ng husto ng kanyang puso nang sabihin nito ang isang masamang balita.
“Nakumpirma ko na isa ang tiyuhin mo sa mga nasawi sa engwentro. Nakikiramay ako.” Mahina nitong saad.
Para siyang nabingi. Wala siyang maintindihan.
Nang sumunod na araw ay iniuwi ang labi ng kanyang tiyo.
Iyak ng iyak ang kanyang tiya, kasabay ng kanyang labi ay ang mga na-recover at naiwan nitong gamit pati na ang cellphone nito na ang laman ay mga mensahe nito para sa pamilya na hindi na nito naipadala.
Nagpasalamat ang isang pamilya ng muslim sa kanila. Si Kapitan Solomon daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay buhay pa rin sila. Isa itong bayani. Ngunit ang nakakagulat ay nalaman niyang limang araw na mula ng engkwentro. Sadyang hindi lang ibinalita dahil nahirapan ang mga militar na pasukin ang lugar sa dami ng kalaban.
Nagtataka siya dahil tatlong araw pa lamang ang lumipas nang makausap niya ang tiyo sa huling beses.
“Mukhang hindi niya talaga tayo maiwan ng ganon na lamang. Talagang gumawa pa siya ng paraan para makausap tayo at makapaghabilin.” Sinabi ng kanyang Tiya Marsing ng ikuwento niya dito ang bagay na iyon.
Malawak ang ngiti nito na ipinagtaka niya.
“Pinapasabi niya nga pala na mahal na mahal ka niya, Tita.” Sinabi niya ang huling kahilingan ng pinakamamahal na tiyo.
“Alam ko. Sinabi niya kagabi.” Bagama’t may luha sa mata ay nakita niya na masaya ang kanyang tita kahit papaano.
Ngumiti siya at tumingin sa labi nito na nasa kabaong.
Mas lalo siyang namangha at humanga sa kanyang tiyuhin.
Pumikit siya at nang dumilat ay nakita niya ang tiyo na nakatayo at pinanonood silang dalawa ng Tiya habang nakangiti.
Mamahinga ka na, Kapitan Solomon. Nasa mabuting kamay ang mga naiwan mo. Pagkausap niya sa tiyuhin.
Muli niyang iminulat ang mga mata. Ngumiti siya at muling pumikit. Sa pagkakataong ito ay wala na ito doon.