
Tawag ng Pangangailangan
Maraming na ding kuwento ang narinig ni Eve tungkol sa mga kababalaghan na nararanasan ng mga taong nagtatrabaho sa mga call centers. Tinatawanan na lamang niya ito dahil isa siya sa mga taong hindi naniniwala sa mga supernatural.
Mag-iisang taon nang nagtatrabaho sa industriya ng call center si Eve. Masasabi niya na nagamay na niya ang trabaho na talaga namang napakahirap sa simula. Nagtiyaga na lang si Eve dahil ‘di hamak na mas malaki ang kinikita niya sa pagko-call center kesa sa pagpasok sa pabrika na dati niyang trabaho.
Sanay si Eve sa mabilis na buhay. Madami siyang responsibilidad bilang panganay na anak kaya naman wala siyang pakialam sa ibang bagay maliban sa kapakanan ng kaniyang pamilya. Kaya minsan ay inaakala ng mga tao na masama ang ugali niya dahil sa ganito niyang pag-iisip.
Ayaw na ayaw ng boss ni Eve na may nahuhuli sa pagpasok sa trabaho kaya naman nagmamadali siyang pumara ng jeep. Sa kamalas-malasan ba naman ay ilang jeep na ang dumadaan pero hindi pa din siya nakakasakay dahil puno na ang bawat jeep na dumadaan.
Nang tatlumpung minuto na ang lumipas ay nakapagdesisyon na si Eve na kung kailangan niyang makipagtulakan ay gagawin niya makasakay lang at dumating sa opisina sa tamang oras. Kaya naman nang may dumating na jeep ay walang habas siyang nanulak makasakay lang. Hindi naman siya nabigo at ilang sandali lamang ay matulin nang tumatakbo ang jeep na sinasakyan niya.
Pagkababa ng jeep ay sinipat niya ang relong pambisig, 7:50 ng gabi. Mukhang makakaabot pa siya sa tamang oras, alas otso. May sampung minuto pa. Sa pagmamadali niya ay nasabit sa kaniyang bitbit na bag ang supot na hawak ng isang matandang mabagal na naglalakad dahilan para matapon ang prutas na laman ng supot.
“Ineng, baka naman maaari mo akong tulungan dahil malabo na ang mata ko at madilim na din,” mabagal at mahinang tawag ng matanda kay Eve.
Dahil nagmamadali ay tila walang narinig si Eve na nagtuluy-tuloy sa paglalakad. Hindi pa siya nakakalayo nang makarinig siya ng malakas na kalabog sabay ang sigaw ng isang babae.
“Nasagasaan ang matanda!”
Mabilis siyang naglakad pabalik at ganun na lamang ang pagkagimbal niya nang makitang duguan at tila wala ng buhay ang matandang lalaki na nanghingi ng tulong sa kaniya ilang minuto lang ang nakararaan.
Nangilabot si Eve nang mapatingin sa dilat na mata ng matanda na tila nakatingin sa kaniya at nang-uusig. Tila sinisisi siya sa dagliang paglisan nito sa mundo.
Tulala pa din si Eve nang makarating sa opisina. Dahil sa nangyari ay late pa din siyang nakapasok. Sa halip na ang malakas at galit na boses ng kaniyang boss ang mangibabaw ay mas malinaw sa kaniya ang huling sinabi ng matanda. “Ineng, baka naman maaari mo akong tulungan dahil malabo na ang mata ko at madilim na din.”
Ipinilig ni Eve ang ulo at pilit iwinaksi sa isipan ang nangyari. Humugot muna siya ng malalim na hininga bago isinuot ang headset at nagsimulang magtrabaho.
“Maraming salamat sa pagtawag. Ako si Eve. Anong maitutulong ko sa’yo ngayong araw?” pagsagot ng dalaga nang tumunog ang telepono.
Pamilyar na boses ang nagsalita. “Ineng, baka naman maaari mo akong tulungan dahil malabo na ang mata ko at madilim na din,” sabi ng nasa kabilang linya.
Nahihintakutang nahablot ni Eve ang suot niyang headset at napatayo mula sa kinauupuan.
Nagtaka naman ang katabi ni Eve kaya inilagay nito sa loud speaker mode ang telepono. “Hello? Hello?” ang sabi ng babaeng nasa kabilang linya.
Doon lang tila nakahinga ng maluwag si Eve at ibinalik sa tenga ang headset na tinanggal niya.
Inisip niya na lang na baka masyado lang siyang nabigla sa mga pangyayari kaya naman tila naririnig niya pa din ang boses ng matanda. Baka naman nagha-hallucinate lang siya, pagkumbinsi niya pa sa sarili.
Nang matapos ang unang tawag, agad-agad nakatanggap si Eve ng ikalawang kliyente. “Maraming salamat sa pagtawag. Ako si Eve. Anong maitutulong ko sa’yo ngayong araw?”
Garalgal ang tunog at putul-putol pero malinaw kay Eve ang sinabi ng nasa kabilang linya. “Eve, tinawag kita at hiningan ng tulong pero hindi mo ako binigyang pansin,” boses ng isang matanda.
Tuluyan nang napaiyak si Eve. Hindi dahil sa takot kung ‘di dahil sa pang-uusig ng kaniyang konsensiya. Hindi niya alam na ang simpleng hindi niya pagpansin sa pagtawag ng isang matandang nangangailangan ng tulong ay magdudulot ng malagim na aksidente.
Nang gabi ding iyon ay nagdahilan si Eve na masama ang kaniyang pakiramdam at hindi niya kayang magtrabaho. Naintindihan naman siya ng boss niya dahil nalaman din nito ang nangyari kay Eve habang papasok ito sa trabaho kaya pinayagan siya nitong umuwi.
Bumili si Eve ng kandila at bulaklak bago bumalik sa pinangyarihan ng aksidente.
Matapos magtirik ng kandila at ialay ang bulaklak ay nag-alay din siya ng panalangin sa matandang na sa tingin niya ay nagawan niya ng pagkakamali.
Humingi din siya ng tawad sa hindi niya pagtulong dito at nangako na hindi niya na kailanman babalewalain ang mga taong nangangailangan ng tulong niya.
Naging tapat si Eve sa kaniyang pangako. Hindi na siya kailanman nakatanggap ng misteryosong tawag sa telepono mula noon.