Inday TrendingInday Trending
Mga Ngiti ni Lola

Mga Ngiti ni Lola

Hindi na bago kay Andy ang pag-aaway ng kanyang mga magulang. Simula noong napagbintangan ng papa niya na may ibang lalaki ang mama niya, wala nang araw na hindi nito sinusumbatan ang kanyang ina.

“Victor, nagtatanong lang naman ako kung bakit hindi ka nakauwi kagabi,” mahinahong pakiusap ni Marites.

“Pwede ba Marites tumigil ka nga! Huwag mo akong tanungin na parang ako ang may ginagawang masama, ikaw ang unang nagloko sa ating dalawa!” sigaw ni Victor sa asawa.

“Ilang beses ko bang sasabihin sayo na mali ang iniisip mo.” tanggi ng ginang sa ibinibentang ng asawa.

“Tama na Marites! Tama na ha! Rinding – rindi na ako sa mga sinasabi mo!”

Hindi na natiis si Andy, ayaw na niyang marinig ang away ng kanyang mga magulang. Kumuha siya ng isang boteng beer sa kusina, umupo sa labas ng bahay nila sabay sindi ng isang sigarilyo. Pakiramdam niya wala ng saysay ang buhay niya. Wala nang pag-asang maayos ang pamilya niya.

Habang humihithit siya ng sigarilyo may isang matandang babaeng lumapit sa kanya. May dala itong supot na pilit inaabot kay Andy.

“Para saan po yan? Para sa akin ba yan?” tanong ni Andy sa matanda.

Hindi nagsasalita ang matanda. Nakatingin lang ito kay Andy na para bang sinasabing “Kunin mo ito anak.”

Kinuha nalang ni Andy ag supot dahil pilit lang na inaabot ito sa kanya. Pagkatapos umalis lang ito bigla na parang walang nangyari. Tiningnan ni Andy ang supot, may lamang kapirasong pandesal at pansit ito.

Simula noong araw na iyon, sa tuwing makikita ni Lola Iska na umiinom ng beer si Andy lagi niyang ibinibigay ang kanyang supot ng pansit at pandesal. Dahil sa ginagawa ni Lola Iska, nagbago ang pagtingin ni Andy sa buhay niya.

Kahit na magulo ang pamilya niya, pinilit niyang baguhin ang sarili at pahalagahan ang buhay niya. Dahil nakita niya ang pag aalala sa kanya ng hindi kilalang matanda.

Sa mga sumunod na araw, inabangan na ni Andy si Lola Iska. At hindi naman siya nabigong makita ito. “Magandang umaga po Lola,” bati ni Andy sa matanda. Isang malapad na ngiti lang ang naging sagot ng matanda sa binata.

“May pagkain po ako na ibibigay sa inyo, at tsaka mga kalakal na pwede niyong mapakinabangan,” dagdag pa ni Andy. Mas malapad ang mga ngiting naging ganti ng matanda sa binata. Halatang-halata sa mga mata ng matanda kung gaano siya kasaya. Araw–araw nakagawian na ni Andy na pakainin at tulungan si Lola Iska.

Araw ng Sabado, matiyagang nag antay si Andy sa matanda. Pero walang matandang nagpakita sa kanya. Kinabukasan naglalakad siya papasok ng eskwelahan nang makita niya si Lola Iska na pinagkukumpulan ng tao. May mga pulis pa na nakapalibot sa matanda.

Hindi na nakatiis si Andy nang kaladkarin na si Lola Iska kaya nakialam na siya.

“Teka lang po! Saan niyo dadalhin si lola?!” pumagitna na siya sa mga pulis. “Iho, tumabi ka diyan kung ayaw mong madamay!” sita ng isang pulis kay Andy.

“Teka lang! Ano bang kasalanan ni lola? Saan niyo siya dadalhin?!” reklamo ng binata sa mga pulis.

“Suspek siya sa pagnanakaw sa bahay nina Mrs. Mercado,” maikling paliwanag ng isang pulis.

“Hindi ko po naiintindihan, teka lang po baka nagkakamali kayo. Hindi po magagawa ni lola ang binibintang niyo. Kilala ko po siya, hindi siya masamang tao!” pangangatwiran ni Andy.

“Iho, ikaw lang yata ang di-sumasang-ayon sa paratang sa kanya. Tingnan mo nga yang matanda. Hindi siya nagsasalita, hindi siya nagrereklamo. Malamang totoong siya ang pumasok sa bahay nina Mrs. Mercado!” sarkastikong paliwanag ng isa pang pulis.

Tumingin si Andy kay Lola Iska walang expresyon ang mukha nito. Hindi siya nagsasalita. Kagaya ng dati nginingitian lang niya si Andy. Hindi mahinuha ni Andy kung ano ang katotohanan sa likod ng mga ngiti ni Lola. Inis na inis siya kasi parang walang pakialam ito! Kaya wala na siyang ginawa. Hindi na siya nakialam. Dinampot na ng mga pulis ang matanda.

Sa isang iglap, nagbago ang magandang pagtingin ni Andy sa matanda. Nagsisi siyang nagtiwala siya at tinulungan niya ito. Akala niya mabait ang matanda, pero mali pala ang pagkakakilala niya rito.

Isang buwan na ang lumipas at hindi pa muling nag kru-krus ang landas nina Andy at Lola Iska. Bumalik na sa dating bisyo si Andy. Wala na ulit sa ayos ang buhay niya.

Habang papunta sa tindahan, may nakita siyang batang babae na umiiyak. Pero bago pa siya tuluyang makalapit dito, tumakbo na ito papunta sa isang matandang babae. Si Lola Iska.

Napako ang tingin ni Andy sa matanda. Hanggang ngayon nangangalakal pa rin pala ito. Linapitan si Andy ng mag Lola. Nakangiti sa kanya ang matanda.

“Kuya, ibig sabihin pag nginitian ka ni Lola, masaya siyang nakita ka niya ulit.” tugon ng bata sa kanya.

“Paano ka nakakasigurong ganoon ang ibig niyang sabihin?” tanong ni Andy sa bata.

“Kasi matagal ko nang kasama si Lola. Kaya kahit hindi siya nakakapagsalita, naiintindihan ko siya.” paliwanag ng bata sa kanya.

“Bakit hindi siya nagsasalita?” nagtatakang tanong ulit nito.

“Kasi may sakit po si Lola. Wala siyang kakayahang magsalita at magpaliwanag. Kaya laging ngiti nalang ang nagiging sagot niya.” sagot ng bata sa kanya.

Natahimik si Andy sa narinig. Nahihiya siya sa sarili niya, dahil hinusgahan niya ang matanda. Humingi siya ng tawad at pasensya kay Lola Iska.

“Lola patawarin niyo ako kung nahusgahan ko kayo dati.” paghingi ng paumanhin ng binata.

Kagaya ng inaasahan, malapd na ngiti ulit ang naging tugon ng Lola sa kanya. Dahil sa pagtataka, tinanong ni Andy ang bata tungkol sa sitwasyon ni Lola Iska noong huli silang magkita.

“Bata, anong nangyari kay lola? Noong huling beses na nakita ko siya hinuhuli siya ng mga pulis,” tanong ng binata.

“Nakita po sa CCTV na ibang tao ang pumasok sa bahay nina Mrs. Mercado, kaya napakawalan din agad si Lola Iska,” sagot ng bata sa kanya.

Dahil sa narinig naunawaan na lahat ni Andy. Nakatatak na sa kanyang isipan na hindi tamang husgahan agad ang ibang tao, alamin muna ang totoong kwento sa likod nito. Nagsimula ulit siyang ayusin ang buhay niya.

Advertisement