Inday TrendingInday Trending
Ang Suwail Kong Pamangkin

Ang Suwail Kong Pamangkin

Ulilang lubos na ang dalagang si Jessica. Namatay sa sunog ang kanyang mga magulang. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanilang Tiya Linda. Ang nakatatandang kapatid ng kanyang Mama. Ang kanyang tiya ay matandang dalaga. Strikto lalong lalo na noong nagdalaga na si Jessica. Kaya malayo ang loob ni Jessica sa tiya.

Sa palengke na umiikot ang buhay ni Tiya Linda. Nagtitinda siya ng gulay upang may ipangsuporta sa pag-aaral ng pamangkin. Isang araw narinig niyang pinag-uusapan ng mga tindera si Jessica.

“Alam niyo ba na yang pamangkin daw ni Linda, pinaghahanap ng mga tauhan nung Instek na naging karelasyon niya!” panimula ng isang ginang. “Bakit naman daw?” tanong ng isang tsismosa. “Kasi malaki daw ang perang nahuthot niya doon sa Intsek! Tapos noong nakahanap ng mas batang nobyo iniwan yung Intsek!” sabat ng isa. “Nako sigurado akong hindi siya tatantanan nun! Swerte siya kung matakasan niya yun!”

Hindi na nakatiis si Tiya Linda, nag aalala siya para sa pamangkin. Kaya nagmadali siya upang makauwi sa kanila. “Jessica! Jessica! Nasaan ka?!” desperadang sigaw ng ginang. “Ba’t di ka sumasagot?! Nasan ka?! Jessica?!” sigaw ulit ni Tiya Linda.

Walang sumasagot sa kanya. Mabilis na tinungo ng ginang ang kwarto ng dalaga. Kinalampag niya ang pinto sa pagbabakasakaling nasa loob lang ang pamangkin. Pero tumambad sa harap niya ang magulong higaan ng dalaga. Mas lalo siyang nag-alala dahil ni anino o kahit anong bakas, wala siyang nakita. Agad lumabas ng bahay ang nag-aalalang Tiya.

Magdamag siyang naghanap, naglibot at nagtanong-tanong, pero bigo siyang malaman ang kinaroroonan ng dalaga. Madaling araw na nang makauwi siya sa bahay nila, at saktong naabutan niyang kakapasok lang ng kwarto si Jessica.

“Jessica! Bakit hindi ka umuwi kagabi?! Saan ka nagpunta?!” sita niya sa pamangkin. Inirapan lang siya ni Jessica at nagtalukbong lang nang kumot. “Huwag kang bastos kinakausap kitang bata ka!” sermon niya sa dalaga. Hindi lang pinansin ni Jessica ang Tiya niya, naglagay pa siya ng earphones para hindi marinig ang mga sinasabi ng kanyang Tiya Linda. Hindi na nakapagpigil ang ginang kaya hinatak niya mula sa pagkakahiga sa kama ang dalaga.

“Ano ba tita?! Nasasaktan ako!” reklamo ni Jessica. “Kinakausap kita ng maayos! Huwag kang bastos! Bakit ka ba nagkakaganyan?! Pinag-aral kita hindi para sagot-sagutin lang ako!” sumbat ng tiya sa pamangkin. “A’ ganoon?! Sinusumbatan mo ako ngayon?! Wow tita! Sa wakas lumabas na rin ang totoo mong ugali! Mas okay na rin ang ganito, ipinapakita mo sa akin kung anong klaseng tao ka! Kung pabigat na ako sayo, sabihin mo! At aalis na ako dito sa bulok na bahay na to!” bulyaw na sagot ng dalaga.

Hindi na nakapagpigil si Tiya Linda, nasampal niya ng malakas sa kaliwang pisngi si Jessica. Sunod-sunod na nagbagsakan ang mga luha sa mukha ng dalaga. Hindi niya inasahang magagawa iyon ng Tiya niya. Maging ang Tiya Linda niya natigilan sa ginawa niya. Hindi niya intensyong saktan ang pamangkin.

Noong gabing yun, magdamag na nagkulong sa kwarto ang dalaga. Masama ang loob niya sa Tiya.

Kinabukasan, pauwi si Tiya Linda ng may mapansin siyang kahinahinalang tao sa labas ng bahay nila. Dalawang lalaking nag-aabang sa labas ng gate nila.

“Kailangan nating maisama si Jessica.”

“Paano kong di pumayag?” tanong ng lalaki sa kasama. “Hindi pwedeng hindi siya pumayag! Magagalit si Boss!” ma-awtoridad na pagkakasabi ng lalaki. “Kung kinakailangang damputin natin siya, gagawin natin!” dagdag pa ng isa.

Naalarma si Tiya Linda sa narinig. Batid niyang may panganib na naghihintay sa pamangkin niya. Mabilis siyang naglakad papasok sa bahay nila at sinubukang pigilan si Jessica. Naabutan niya itong nag aayos sa kwarto.

“Hindi ka pwedeng umalis.” banta niya sa pamangkin. Nakataas pa ang kilay ng humarap si Jessica sa tiya niya. “Hindi mo ako mapipigilan. Gagawin ko kung ano ang gusto ko! Hindi kita Nanay kaya wag kang umasta na parang responsabilidad mo ako!”

Tinulak ni Jessica ang Tiya niya at diretso nang lumabas ito. Natumba sa sahig ang kawawang ginang. Sinubukan pang humabol ng ginang pero huli na ang lahat. Kinandado ni Jessica ang bahay kaya nakulong siya sa loob. Sigaw ng sigaw si Tiya Linda upang manghingi ng tulong sa mga kapitbahay pero bigo siya. Mistulang pinagsarhan ng pagasa ang pakiusap ni Tiya Linda.

Kinaumagahan isang masamang balita ang gumimbal sa kanya. Isang walang buhay na katawan ng isang dalaga ang nakita.

Hindi pa man nakikita ni Tiya Linda ang walang buhay na katawan ng babae, natitiyak niyang si Jessica ang biktima. Hindi siya matigil sa kakaiyak dahil sa sinapit ng pamangkin. Sinisisi niya ang sarili dahil pakiramdam niya kasalanan niya kung bakit nagkaganoon si Jessica. Hindi niya nilinaw ang totoong pagmamahal sa dalaga.

Isang bagay nalang ang magagawa niya para sa pamangkin, ang mabigyan ng hustisya ang pagpanaw nito. Hindi niya sinukuan hanggang sa makamit na niya ang inaasam-asam na hustisya. Napatunayang ang dating isinamang instik ni Jessica ang puno’t dulo ng masaklap na sinapit ng dalaga.

“Jessica, sana maging masaya ka kung nasaan kaman ngayon, makakasama mo na ang iyong mga magulang. Patawarin mo ako hija, kung nagkulang man ako sayo. Mahal na mahal kita,” sambit ni Tiya Linda sa dalaga bago ito tuluyang maihatid sa huling himlayan.

Advertisement