
Sinungaling Ka Pala Mahal
Ilang taon nang nagtatrabaho si Joey sa Saudi Arabia bilang isang Electrician. Malaki ang sahod niya rito kaya kung anuman ang kailangan ng kaniyang mahal na pamilya ay agad-agad niyang naibibigay. Kapag hihingi ng tuition fee si Cristy ay agad niya itong pinapadalhan ng pera upang makapag-aral ang kaniyang dalawang anak sa pribadong eskwelahan. Hindi siya mahirap kausap at sobrang laki ng tiwala niya sa kaniyang asawa.
Ngunit isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang pamilya.
“Joey, alam mo ba kung ano ang kalokohang pinaggagawa ng magaling mong asawa?” galit na wika ng kaniyang Ate Marisa.
“Ano bang ibig mong sabihin?” takang tanong ni Joey.
“Iyong mga anak mo nalaman na lang namin na nung nakaraang taon pa hindi pumapasok sa klase kasi hindi naman in-enrol ng magaling mong asawa. At ito pa, sabi ng mga kapitbahay niyo ay buntis siya pero hindi ikaw ang ama! Iniipotan ka ng asawa mo sa ulo ng hindi mo alam. Kung hindi pa kami dumalaw sa inyo ay hindi pa namin malalaman ang kalokohang ginagawa niya!” gigil na sumbong ni Marisa.
Kung isang bomba ang pahayag ng kaniyang kapatid baka kanina pa sumabog ang kaniyang bungo sa labis na pagkabigla. Saan siya nagkulang? Lahat binibigay niya rito, lahat ng hinihingi nito ay binibigay niya pero bakit nagawa pa rin ito sa kaniya ni Cristy?
Wala sa oras ang biglaang desisyon ni Joey na umuwi, dahil mula nang magsumbong ang ate niya sa kaniya’y kinausap niya si Cristy at matigas nitong itinanggi ang paratang at sa halip ay blinock siya nito sa lahat ng alam niyang contacts nito.
Nagmamatigas ang kaniyang asawa at pinaninindigan nito na sinisiraan lamang ito ng kaniyang kapatid. Kaya naisip niyang mas maiging siya ang makasaksi sa lahat ng kalokohang ginagawa ni Cristy. Pagdating niya sa bahay nila ay naabutan niya ang kaniyang mga anak sa bahay. Ang kaniyang panganay ay nagluluto habang ang kaniyang bunso naman ay mahimbing na natutulog.
“Papa,” masayang sambit ni Jessica, ang kaniyang panganay na anak. Labing dalawang taong gulang na ito, kaya naasahan na sa pagluluto habang ang kaniyang bunso ay pitong taong gulang na.
“Nasaan ang mama niyo?” agad niyang tanong sa anak.
“Dalawang araw na po siyang hindi umuuwi papa,” pag-amin nito.
“Bakit? Saan ba nagpupunta ang mama mo?” tanong niya sa anak. Bahagya pa itong nagdalawang isip kung magsasabi ba ito sa kaniya o hindi. Kaya muli siyang nagsalita. “Sabihin mo sa’kin ang totoo, Jessica, hindi ako magagalit sa’yo dahil wala ka namang kasalanan,” pangungumbinsi niya.
“Last year pa po, papa. Pinahinto na kami ni mama sa pag-aaral kasi masyado siyang naging abala sa hindi ko po malamang dahilan. Lagi po siyang hindi umuuwi rito at lagi siyang wala. Pinapabayaan niya lang kami ni Clarenz, minsan pinupuntahan kami ni Aling Bebang kasi nag-aalala na siya sa’min lalo na kapag isang linggong hindi umuuwi si mama. Tapos nitong taon po ay nabigla na lang kami ni Clarenz, kasi buntis po si mama. Punong-puno na po ng chismis si mama pero wala po siyang pakialam. Gustong-gusto kitang sabihan at i-chat papa kaso binabantaan kami ni mama na hindi na siya tuluyang uuwi sa’min kapag ginawa ko iyon, kaya natakot po ako.
Hindi ko pa po kayang buhayin ang sarili ko at si Clarenz,” umiiyak na sumbong ni Jessica sa kaniya at nadudurog ang puso niya sa mga sinabi nito. Hindi siya nagkulang bilang ama sa mga anak, pero talagang walang kwenta ang kaniyang asawa. Niyakap niya ito at umiyak na rin. Ang sakit maloko, pero mas masakit kapag nakita mong nasasaktan ang mga anak mo.
Kinagabihan ay umuwi si Cristy sa bahay nila at gaya ng mga anak niya’y nagulat rin ito nang makitang nandoon ang asawa. Gusto niyang sampalin ang asawa at bugbugin pero hindi pa siya ganun kasamang tao. Galit siya pero hindi niya kayang saktan ang babaeng naging mahalagang parte sa buhay niya. Kahit anong mangyari ay ina ito ng mga anak niya.
“Ngayon mo sabihin sa’kin, Cristy na sinisiraan ka lang ng ate ko! Ngayon mo sabihin sa’kin na malinis kang babae! Ang kapal ng mukha mo. Ano bang naging kasalanan ko sa’yo bakit nagawa mo sa’kin ‘to! Binigay ko naman ang lahat ah?” galit na galit na wika ng lalaki.
“Sorry Joey, nangulila lang ako sa pagkawala mo. Hindi ko sinasadya ito,” umiiyak na tugon ni Cristy.
“Anong hindi sinasadya? Ano ‘yan nabangga ka lang ng nagraragasang t*ti kaya ka nabuntis?! Huwag mo nga akong pinagloloko, Cristy! Ayaw mo pa talagang umamin sa’kin at niloloko mo pa ako. Daig ko pa ang na-scam sa ginawa mo. Pinabayaan mo pa ang mga anak natin! Akala ko nag-aaral pa sila tapos ngayon aaminin ng anak mo na last year pa pala sila nahinto. Ipapakulong ko kayong dalawa ng kabit mo!” galit na galit niyang singhal kay Cristy.
Umiiyak namang lumuhod sa harapan niya si Cristy. “Patawarin mo na lang ako, Joey. Magsimula tayong muli. Magbabago ako pangako iyon,” humihikbing pakiusap ni Cristy.
“Ganun lang ba kadali ang lahat para sa’yo, Cristy? Kakalimutan ko na lang ang ginawa mong panloloko sa’kin? Magsisimula tayo ulit at magbabago ka? Sa tingin mo paniniwalaan pa kita matapos mong sirain ang tiwala ko sa’yo?
Ginawa mo akong t*nga at g*go, kaya hinding-hindi na ako maniniwala pa sa’yo. Ipaparanas ko sa’yo. Ipaparanas ko sa’yo ang sakit na ginawa mo sa’kin. Kukunin ko ang mga anak ko habang ikaw naman ay mananatili sa kulungan kasama ang kabit mo!” madiing sabi ng lalaki. Kinuha niya at dalawang anak at tuluyang iniwan si Cristy na nag-iisa.
Sisiguraduhin niyang magbabayad ang asawa niya at ang kabit nito sa panlolokong ginawa ng mga ito sa kaniya. Nagsampa siya ng kaso sa asawa at ang korte na mismo ang nag-imbita kay Lance, ang kabit ng kaniyang asawa, isa itong security guard. Ang pinakamatibay niyang ibedensiya ay ang pinagbubunits ni Cristy, at ang testigo ay ang kaniyang dalawang anak.
“Minahal naman kita ah, binigay ko sa’yo ang lahat. Nagsakripisyo ako at nagtiis dahil malayo kayo sa’kin. Wala akong ibang iniisip kung ‘di ang kapakanan niyo. Pero bakit nagawa mo ‘to sa’kin, Cristy? Ang tanging pagkukulang ko lang ay iyong wala ako lagi sa tabi mo. Pero hindi iyon sapat na dahilan para sirain mo ang pamilyang pinaghirapan nating buuhin,” humihikbing wika ni Joey sa korte. Habang si Cristy ay panay lamang ang iyak at hingi ng patawad sa kaniya.
Kahit masakit ay itinuloy niya ang kaso. Gusto niyang magtiwala ulit pero nahihirapan siya. Hindi na niya kayang magtiwala sa asawa. Natatakot siyang baka lokohin lamang siya nito ulit. Ilang buwan din ang lumipas at nahatulan si Cristy ng pagkakulong pati na rin ang kabit nitong si Lance. Masakit man sa kaniyang dibdib na makitang nahihirapan ang kaniyang dating minamahal, kahit papasano ay gumaan din ang kaniyang pakiramdam. Iyon ang naiisip niyang paraan upang magmove-on sa sakit ng panloloko nito.
Bumalik si Joey sa Saudi Arabia, habang ang dalawa niyang anak ay iniwan niya muna sa poder ng kaniyang mama. Ayaw man niyang iwanan ang mga ito ngunit hindi maaari. Paano niya maibibigay ang magandang kinabukasan ng dalawa kung wala siyang pera? Linggo-linggo naman niyang pinapadalhan ang kaniyang mga anak upang dalawin ng mga ito ang kanilang mama sa kulungan. Kahit gaano kasakit ang ginawa ni Cristy sa kaniya hindi naman makatao kung tuturuan niya ang mga anak nilang maskulam rito. Asawa niya pa rin ang babae dahil kasal sila. Handa naman siyang patawarin si Cristy basta makita niya lang na nagsisisi na ito.