Mabuting Pasya

“Roger! Ano ba naman ‘yang trabaho mo? Puro palpak! Nakatapon ka na nga ng kape sa damit ng customer, nawala mo pa yung bag na pinapaabot ko kay Ms. Robledo! Alam mo ba kung magkano ang laman no’n? Tatlongpung daang libong dolyar! Nakakainis, ako lugi na talaga!” sermon ni Mr. Chu sa lalaki, pulang-pula na ang mukha nito dahil sa inis.

“Hindi ko naman po sadya yung pagkakatapon, Sir. Bigla po kasi akong natabig nung anak ng customer kaya po natapon ko tapos yung sobre naman po, alam ko po pinatong ko lang saglit sa may oven, pagbalik ko po, wala na.” paliwanag naman ni Roger sa tsinong amo, ngunit tila lalo itong nag-amok.

“Sumasagot ka pa?! Kaya mo bang bayaran ‘yon, ha?” iritableng sigaw nito.

“Hi-hindi po, Sir.” takot namang tugon ng lalaki, saka tuluyan na lamang yumuko.

“O, hindi naman pala! Bakit hindi ka nag-iingat? Diyos ko naman, Roger! Halos buong araw mo pinataas ang dugo ko ngayon! Konti na lang masisisante ka na! Wala ka munang sweldo ngayong katapusan! Nakakapeste ka!” bulyaw pa nito saka binalibag ang inuupuang silya.

“Sir, hindi naman po tama ‘yon, may pamilya rin po ako.” alma naman ni Roger, tila naluluha na siya dahil kailangan niya pang magbayad ng kaniyang mga utang.

“May pamilya rin ako, Roger! Ilang beses na kitang pinagbigyan! Sige na, umuwi ka na muna at naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo ngayon!” pagtataboy nito saka pumasok sa kaniyang silid, tila nakapagsalita ito nang diretso ng wala sa oras. Naiwan namang nanlulumo ang lalaki. Wala siya ngayong pera na maiaabot sa kaniyang asawa.

Halos mag-dadalawang taon nang nagtatrabaho si Roger bilang isang waiter sa restawan ng kaniyang tsinong amo na kapag galit, nakakapagsalita ng diretsong tagalog. Maayos naman siyang nakakapagtrabaho noon. Sa katunayan nga, dumami ang tumatangkilik sa restawran na ito dahil sa paraan niya nang pag-aasikaso sa mga kumakain dito.

Advertisement

Ngunit nitong mga nakaraang araw, tila magulo ang isip ng lalaki. Unti-unti na kasi siyang lumulubog sa utang dahil sa mga gastusin nila sa bahay. Walang trabaho ang asawa niya, habang nasa kolehiyo na ang dalawa niyang anak kaya naman ganoon na lamang ang kanilang gastusin.

Nang araw ring iyon, tinapos lang ni Roger ang huling order sa kaniya saka siya muling pumasok sa kusina para kunin ang kaniyang gamit at umuwi na. Ngunit tila nakita niya ang bag na hinahanap ng amo niya sa ilalim ng mga cabinet, kung nasaan nakatambak ang mga bag ng mga empleyado.

“Eric, ito yung bag na pinatong ko sa oven, diba?” tanong niya sa kanilang kusinero

“Oo, ginamit ko yung oven, eh. Kaya nilagay ko munang dyan. Bakit?” sambit ng naturang kusinero

“Ito yung hinahanap na bag ni Mr. Chu! Bakit hindi ito nakita dito?” pagtataka niya”

Eh, hindi naman siya pumunta dyan. Nandidiri nga ‘yon sa mga gamit niyo diba. Sandali, ibig sabihin, yang bag na yan ang may lamang malaking halaga ng pera? Naku, Roger, iuwi mo na iyan. Isalpak mo na sa bag mo, dali! Pangako hindi ako magsusumbong. Grabe ang pagpapahiya niya sa’yo kanina, eh. Saka malaki na ang natulong mo sa restawran na ito.” sulsol ng kusinero, “Narinig ko pa nga na huling araw mo na raw ngayon, eh.” dagdag pa nito, napaisip naman ang lalaki sa mga nalamang balita

Hindi niya magawang nagdesisyon kaagad dahil nga sa alam niyang mali ang binabalak niya ngunit kapag hindi niya naman ito ginawa, wala na siyang trabaho, wala pa siyang pera pangtustos sa mag-anak niya.

Naghintay muna siya sa kusina upang mag-isip, mayamaya naman biglang pumasok ang kanilang amo, nang makita siya, agad siyang sinigawan nito. Hindi niya alam ang isasagot dito nang tanungin siya kung bakit hindi pa siya umaalis. Hanggang sa hindi niya na nakayanan ang kaniyang konsensya, umamin na siyang nakita na niya ang bag na naglalaman ng malaking halagang pera.

Advertisement

“Talaga? Iyo kita na bag?” tuwang-tuwang paninigurado nito, tumango lang naman ang lalaki, nagulat siya nang yakapin siya nito at naglululundag. “Ikaw promoted na!” sigaw nito, na labis namang ikinatuwa ng lalaki, halos mangiyakngiyak siya sa balitang narinig. Para siyang nabunutan ng tinik sa tamang desisyong ginawa niya.

Dahil sa pangyayaring iyon, naging ganado sa pagtatrabaho si Roger. Hindi kalaunan, nakabayad na rin siya sa mga pinag-uutangan niya, unti-unti na rin siyang nakaipon dahil sa promotion na natanggap niya.

“Kapag talaga tama ang ginawa mo, nag-uumapaw na biyaya ang makakamtan mo.” ika niya sa sarili.

Minsan nalalagay tayo sa sitwasyon kung saan kailangan natin mamili kung tama o mali ang pipiliin natin. Mangyari lamang na magtiwala tayo na kapag tama ang ginawa natin, nag-uumapaw na biyaya ang matatanggap natin.