
Ang Bahay Ninyo Ay Akin
“Anak, nandito ang Tito Samuel mo.”
Napahinto sa pagsesepilyo si Cristine sa sinabi ng kaniyang itay. Pauwi na si Cristine mula sa opisinang pinagtatrabahuhan. Naka-loud speaker ang kaniyang cellphone kaya ayos lamang na may ginagawa siya.
“Napadalaw yata si Tito Samuel? May kailangan ba siya?” tanong ni Cristine sa kanyang itay. Si Tito Samuel ay kapatid sa ama ng kaniyang itay.
“Hindi lang basta dalaw. Kasama niya ang girlfriend niya at ang anak nila. Makikituloy raw muna sila rito.”
Nagpantig ang tenga ni Cristine. Sa totoo lang, ayaw na ayaw niyang may ibang tao sa kanilang bahay kahit na kamag-anak pa nila ito. Pakiramdam niya kasi ay nasasakripisyo ang kanilang pribadong pamumuhay. Lalo na ang kanilang Tito Samuel na akala mo’y pagmamay-ari ang kanilang bahay kung naroon.
“Saan sila tutuloy niyan? Huwag naman sana sa kwarto ko. Mga ilang araw daw sila diyan?” iritableng tanong ni Cristine sa itay.
“Dito na lang muna sila sa sala anak. Hindi naman daw sila magtatagal.”
Wala namang magagawa si Cristine kundi pagbigyan ang kaniyang Tito Samuel. Nahihiya rin siya sa kaniyang itay. Baka kasi sabihin nitong masyado siyang madamot. Masyado kasing mabait ang kaniyang itay. Hindi ito kumikibo sa mga ganitong bagay.
Pagdating sa kanilang bahay, nadatnan niyang kumakain sa komedor ang kaniyang pamilya kasama ang kaniyang Tito Samuel, ang girlfriend nitong si Mae, at ang anak nitong si Yosef na maingay at magulo. Nakaramdam ng pagkairita si Cristine lalo na’t nadatnan niyang makalat ang kanilang bahay.
“Nariyan na pala si Tintin eh,” masayang bati ng kaniyang itay.
Ni hindi man lang ngumiti si Cristine. Humalik lamang siya sa kaniyang itay at inay at tumango lamang kay Tito Samuel at sa mga kasama nito.
“Anak, hindi ka ba kakain?” tanong ng inay ni Cristine.
“Kumain na po ako. Magpapahinga na po,” dumiretso si Cristine sa kaniyang kuwarto upang mahiga sa kaniyang kama. Subalit nagulat siya dahil nakalapag sa kaniyang kama ang mga gamit ng kaniyang Tito Samuel.
“Anak, dito muna sila Tito Samuel mo sa kuwarto mo ah. Isang gabi lang naman. Isa lang kasi ang bentilador natin. Gusto yata ni Yosef na naka-aircon,” sabi ng kaniyang inay.
“Hanggang kailan ba sila rito inay? Ako pa talaga ang kailangang mag-adjust?” nagsisimula na namang uminit ang ulo ni Cristine. Pagod siyang galing trabaho at gusto niyang magpahinga. Paano niya gagawin iyon kung nakahambalang ang mga gamit ng mga bisita sa loob ng kaniyang kuwarto?
“Hindi ninyo man lang ako kinonsulta?” nababanas na sabi ni Cristine sa kaniyang inay.
Walang nagawa si Cristine kundi ang matulog sa sala. Isang gabi lang naman daw. Subalit dumaan ang dalawa at tatlong gabi, hindi pa rin umaalis sa kanilang bahay ang kaniyang tito at ang mga kasama nito. Napapansin din niyang halos maghapong nakaupo ang girlfriend nito at hindi man lamang tumutulong sa mga gawaing-bahay. Lagi ring makalat ang bahay lalo na ang kaniyang kwarto na nagkagulo-gulo na dahil sa anak nitong si Yosef.
Isang gabi, hindi na nakatiis si Cristine. Kinompronta na niya ang kaniyang tiyuhin.
“Hanggang kailan ho ba kayo rito sa amin?”
Nagkatinginan sina Tito Samuel at ang itay niya.
“Dito na kami habambuhay,” tugon ni Tito Samuel kay Cristine.
“Anong ibig ninyong sabihin?” takang tanong ni Cristine sa tiyuhin.
“Hindi ba nasabi sa iyo na nabili na namin ang bahay na ito? Edgardo? Akala ko ba’y sasabihin mo kay Cristine?” tanong ni Samuel sa kapatid.
Napayuko na lamang ang magulang ni Cristine. Tumango ang itay niya.
“Anak, ipinambayad namin sa tito mo ang bahay na ito. Natatandaan mo noong nagkasakit ka at kailangan kang operahan noong bata ka? Si Tito Samuel mo ang nagpahiram sa atin ng pera noon. At ang isinanla namin ay ang bahay na ito. Hindi na namin kayang bayaran iyon kaya itong bahay na lamang ang bayad natin sa Tito Samuel mo.” paliwanag ni Edgardo.
“Kaya Cristine huwag masyadong matabil ang dila ha? Kayo ang sampid dito. Nakikipanuluyan lamang kayo sa amin ngayon. Utang na loob mo sa akin ang pangalawang buhay mo noon,” sagot ng kaniyang Tito Samuel.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Cristine. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Nagtungo siya sa kaniyang kuwarto at isa-isang inimpake ang kaniyang mga gamit. Hindi niya kayang makisama sa kaniyang tiyuhing magaspang ang ugali.
Kinausap niya ang kaniyang mga magulang.
“Umalis na tayo rito. Pwede tayong magsimula ulit.”
Hinakot na nga nila ang kanilang mga gamit, mga kasangkapan at appliances sa inupahang traktora. Nag-alsa balutan na nga ang mag-anak at nangupahan.
Ilang linggo lamang, nabalitaan nilang nasunog ang kanilang dating bahay na nabili ni Tito Samuel. Napabayaan daw nila ang isang nakasaksak na rice cooker. Tinulungan nila ang mga ito na makalipat sa isang apartment.
“Patawarin ninyo ako sa ginawa ko sa inyo. Ang bilis ng karma.” paghingi ng paumanhin ni Tito Samuel sa kaniyang kapatid lalo na kay Cristine. Napagtanto nilang ang pagtulong sa kaanak ay wala dapat kondisyon.